"Hindi ka pa ba tapos diyan sa pagsusulat mo, Nalu? " tanong ng asawa kong si Grace.
"Patapos na ako, saglit na lang ito." sagot ko naman.
Bago ang lahat, ako nga pala si Nalu. Isa akong manunulat ngayon sa isang sikat na diyaryo. May asawa at may anak na rin. Maayos naman ang pamumuhay namin ngayon. Nakapagpundar na rin naman ako kahit papaano ng mga ari-arian namin, hindi man masyado kalakihan ang bahay na nabili ko, masaya naman kaming nakatira ngayon dito.
"Tara na at tatanghaliin pa tayo sa daan." bulyaw ni Grace.
Parang hindi naman makapaghintay itong mag-iinang ito. Sabagay, araw kasi ng Linggo, kaya apurang-apura silang pumunta sa simbahan.
"Ito na, baba na ako, magbibihis lang saglit."
"Pakibilisan ho! Salamat ho! " pang-aasar nito sa akin.
Hindi ko pa natatapos ang sinusulat ko, sinabi ko lang na matatapos na pero ang totoo, hindi pa. Mahirap kasi ang magsulat lalo na kung naranasan mo ang kwentong isinusulat mo. Hindi pwedeng hindi ka mag-isip at mapahinto sa ganoong sitwasyon. Itong kwento kasi na sinusulat ko ay tungkol sa isang lola at sa kanyang apo, kung saan hanggang sa huling araw na natitira ng kanyang lola sa mundo ay hindi pa rin niya ito iniwan, kahit na anong mangyari. Totoong makabagbag damdamin kung tutuusin.
Naalala ko tuloy si Lola Rosa, noong ako ay isang paslit pa lamang. Siya lang naman ang tumayong pangalawang ina para sa akin. Sa kabila ng lahat ng paghihirap at sakripisyo niya sa akin, alam ko nahirapan pa rin siya sa pag-aalaga sa akin.
Pagkababa ko ay nakita ko ang mukha ng mag-ina ko na inip na inip kahihintay sa akin.
"Pasensya na at natagalan. Sakay na kayo sa kotse at baka matagalan tayo sa daan." sambit ko. "Pagkapunta natin sa simbahan, dalawin natin ang Lola Rosa niyo kung pwede. Ayos lang ba sa inyo?"
"Opo naman po tatay!" galak na pagsagot ng anak kong si Ginny.
Pagkarating namin sa simbahan ay agad na kami humanap ng mauupuan, dahil magsisimula na ang misa. Hindi katulad noong nakakaraan ay parang kakaunti lamang ang nagsimba ngayon.
"At dito na nagtatapos ang ating misa sa linggong ito. Humayo kayo at magpakabait." sambit sa mikropono ng Pari.
Pagkaraan ng misa ay agad kami tumungo sa puntod ng pinakamamahal kong Lola. Nagtirik kami ng dalawang kandila at naglagay rin kami ng bulaklak para sa kanya. Nag-alay rin kami ng isang mataimtim na dasal. At gaya ng nakasanayan, kinakausap ko ang puntod niya na para bang nakikita ko siya. Ikinukwento ko sa kanya ang nangyari sa akin sa isang buong linggo. Si Ginny naman ay abala sa paglalaro at pakikipaghabulan sa mga paru paro. Pagkaraan kong ikwento ang isang buong linggo ko ay hindi na rin kami nagtagal. Nagpaalam na kami sa kanya at sinabing babalik ulit kami sa susunod na Linggo.
Habang nagmamaneho ako ay hindi pa rin maalis sa isipan ko ang kwentong isinusulat ko kanina. Biglang bumalik ang lahat ng mga masasakit na pangyayari sa amin ni Lola Rosa. Hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa amin ng ganoon lamang. Napansin ni Grace na para bamg may malalim akong iniisip.
"Inaalala mo na naman si Lola Rosa?" pagtatanong nito.
Sino ba naman ako para magsinungaling.
"Oo. Tsaka yung sinusulat kong kwento para sa diyaryo bukas ay tungkol sa isang lola at sa kanyang apo."
"Hay nako. Huwag mo nang isipin iyon. Halika at ipagluluto ko kayo ni Ginny ng paborito niyong Sinigang."
"Sige sige. Magpapalit muna ako."
Sa sinabi niyang huwag kong isipin iyon ay mas lalo ko pang iniisip ang lahat ng mga nangyari sa akin. Biglang nagbabalik-tanaw ang isipan ko sa nakaraan.
BINABASA MO ANG
Nang Pumatak Ang Ulan
General Fiction"Walang makatatalo at makahihigit sa tunay na pagmamahal ng isang lola." May sisikat pa kayang araw sa buhay ni Nalu sa kabila ng patuloy na pagbuhos ng ulan sa kanyang buhay, kasama ng kanyang pinakamamahal na lola na si Lola Rosa. Halina't alamin...