Taong 1987, Disyembre
“Apo, Nalu, gumayak ka na at magsisimbang gabi na tayo. Kailangang maaga tayo dahil alam mo naman, bisperas na ngayon at punuan, baka wala tayo maupuan. ” sabi ni Lola Rosa kay Nalu.
“Opo Lola, nagbibihis na po. ”
Pagkabihis ay agad silang tumungo sa simbahan. Hindi pa man sila tuluyang nakararating ay natatanaw na nila ang kumpulan ng mga tao sa labasan ng simbahan.
“Halika Nalu, bilisan natin maraming mga tao, baka maunahan tayo sa upuan. ”
Sumabay sa daloy ng mga tao sina Lola Rosa at Nalu. Agad din naman silang nakahanap ng mauupuan. Hindi pa man sila nakatatagal umupo ay tuluyan na ngang napuno ang simbahan ng mga tao.
“Sakto lang pala ang dating natin, Nalu. ”
nakangiting sabi ni Lola Rosa kay Nalu.“Oo nga po Lola. ” sagot ni Nalu.
Kapansin-pansin na Pasko na talaga dahil sa mga palamuti na nakapalibot sa loob mismo ng simbahan. May mga pailaw rin na nakasabit sa kisame ng simbahan. Pati ang mga altar ay binihisan ng bagong damit na sa tuwing kapaskuhan lang isinusuot. May sabsaban din na nakalagay sa harapan kung saan ilalagay maya-maya ang batang Hesus.
“At diyan nagtatapos ang ating misa sa gabing ito. Nawa ay magdiwang tayong lahat ng isang maligayang kapaskuhan. Huwag din nating kalilimutan na hindi lang sa tuwing Pasko dapat magmahalan at magbigayan, kundi sa araw-araw. Muli, Maligayang Pasko sa ating lahat. ” pagtatapos ng pari sa misa.
Habang pauwi sila ay napansin ni Nalu ang nag-iisang bituin na kumiskislap sa kalangitan.
“Lola, tingnan niyo po yung bituin. Siya lang po mag-isa at napakaliwanag po niya. ”
“Iyan ang bituin na sinundan ng tatlong Haring Mago papunta sa batang Hesus. ” sabi ni Lola Rosa.
“Ang galing naman po pala Lola. ” manghang sabi ni Nalu.
Nang nakarating na sila sa kanilang bahay ay agad nagluto ng pang-Noche Buena si Lola Rosa.
“Apo, magbihis ka na diyan at ako ay magluluto lang ng Noche Buena natin. ”
Nang nakabihis si Nalu ay dumako siya sa lamesa at umupo, pinanonood ang kanyang Lola Rosa na magluto.
“Nalu, bakit mukhang malungkot ka? Magpapasko na, dapat masaya ka. ” sabi ni Lola Rosa.
“Iniisip ko lang po sila nanay at tatay, pati na rin po si Palu. Matagal ko na rin po silang hindi nakikita. At ito po ang kauna-unahang Pasko na hindi po kami magkakasamang pamilya. ” malungkot na sabi ni Nalu habang pinaglalaruan ang tinidor.
Hindi malaman ni Lola Rosa kung ano ang isasagot niya sa bata. Dama niya ang lungkot ng kanyang apo sa mismong bisperas ng Pasko.
“Apo, Nalu, huwag ka ng malungkot. Kasama mo naman ang Lola Rosa mo. Hindi ka ba masaya na kasama ako? ” tanong nito.
“Masaya naman po. Kaso po wala po sila nanay at tatay at si Palu po. Mas masaya po siguro kung nandito sila ngayon. ”
Niyakap nang mahigpit ni Lola Rosa si Nalu.
“Alam mo ba Nalu, noong nabubuhay ang Lolo Gener mo, lagi niyang sinasabi sa nanay mo noong maliit pa lang siya, siguro mga kasing edad mo lang din na humiling ka lang sa makikita mong bituin bago sa mismong araw ng Pasko at iyong hiling mo na iyon ay matutupad kahit ano pa iyan. ”
“Sana nga po matupad ang hiling ko ngayong Pasko. ” mahinang sabi ni Nalu.
“Saglit lang apo, yung niluluto ko asikasuhin ko lang muna. Kaunting tiis na lang at makakakain na tayo. Saglit lang. ” sabi ni Lola Rosa.
Pumunta si Nalu sa kwarto ni Lola Rosa at siya ay umupo sa tabi ng bintana kung saan kita ang bituin na nagniningning. Pumikit siya sabay dasal.
“Kung totoo man po ang sinabi ni Lola sa akin, ako po ay humihiling sa inyo at sana po ay magkatotoo ito. ” bulong ni Nalu sa bituin.
Pagkatapos niyang magdasal ay tiningnan niya muli ang bituin at kumikislap-kislap ito na para bang may sinasabi. Matagal niya itong tiningnan at iniisip kung ano ang nais ipahiwatig ng nag-iisang bituin na ito.
“Nalu! Apo! Nakaluto na ako ng Noche Buena natin! Tara at kumain na tayo! ” sigaw ni Lola Rosa kay Nalu mula sa kusina.
Nabigla si Nalu at bumalik sa realidad ang kanyang isip.
“Nandyan na po Lola Rosa. ” ang sabi ni Nalu.
Mula sa kwarto ay naamoy na niya ang luto ng kanyang Lola Rosa. Marami siyang naihanda. May Kaldereta, Menudo, Shanghai, 'Fruit Salad' at mayroon ding Palabok.
“Ang dami naman po Lola Rosa. Tayo lang naman po ang kakain bakit po ang dami nang iniluto po ninyo? ” tanong ni Nalu.
“Inimbitahan ko rin sina Ate Karen mo at Lola Celia mo. Dito rin sila mag Noche Buena. Diba mas marami, mas masaya. ” nakangiting sabi ni Lola Rosa.
“Mabuti naman po kung ganoon. Abangan ko lang po sila sa labas po. ” tuwang sabi ni Nalu.
Agad lumabas si Nalu at doon ay nakita na niyang papunta sina Karen at Lola Celia. Sinalubong niya ito at agad siyang nagmano sa dalawa.
“Maligayang Pasko po Ate Karen at Lola Celia! ” pagbati ni Nalu sa dalawa.
“Ganoon din sa iyo Nalu! ” sabi ni Karen.
“May regalo rin pala ako sa iyo Nalu. ” ang sabi ni Lola Celia sabay abot ng isang malaking lalagyanan.
“Lola Celia, nag-abala pa po kayo. Maraming salamat po! Tara na po sa loob, hinihintay na rin po kayo ni Lola Rosa po. ” sabi ni Nalu.
Pinaunang pumasok ni Nalu sila Karen at Lola Celia.
“Apo, Nalu, tara na rito.” pag-aya ni Lola Rosa.
“Opo Lola, saglit lang po. ”
“Pumasok ka agad dito para makakain na tayo. ” dagdag ni Lola Rosa.
“Sige po. ”
Lumipas ang kalahating oras ay pumasok na si Nalu.
“Ayan ka na pala Nalu. Tara na at kumain na tayo, mag-aalas dose naman na. ” sabi ni Lola Rosa.
“Opo. Tara na po. Kain na po tayo. ” mahinahon na sabi ni Nalu.
Habang kumakain sila ng Noche Buena ay naririnig nila ang mga putukan ng mga paputok mula sa malayo, hudyat na araw na ng Pasko.
“Maligayang Pasko sa inyo Karen at Mareng Celia. ” pagbati ni Lola Rosa.
“Ganoon din sa napakagwapo kong apo, Nalu. Maligayang Pasko. ” dagdag nito.
“Maligayang Pasko rin po sa inyong lahat. ” matamlay na sagot ni Nalu.
“Mas maligaya ang Pasko ko! ” sigaw ng isang boses na nagmula sa labas ng bahay nila Lola Rosa at Nalu.
BINABASA MO ANG
Nang Pumatak Ang Ulan
General Fiction"Walang makatatalo at makahihigit sa tunay na pagmamahal ng isang lola." May sisikat pa kayang araw sa buhay ni Nalu sa kabila ng patuloy na pagbuhos ng ulan sa kanyang buhay, kasama ng kanyang pinakamamahal na lola na si Lola Rosa. Halina't alamin...