Ang Kaklase

24 6 6
                                    

Naunang nagising si Nalu sa tilaok ng manok ng umaga na iyon kung saan ang kanyang unang araw ng pasok sa eskwelahan. Pagkadilat pa lang ng kanyang mata ang hinahanap na nito ay ang mga estruktura ng kanyang papasukan na paaralan. Hindi maitago ang sayang nararamdaman niya sa araw na iyon. Agad niyang hinanap ang kanyang Lola Rosa na noon pa man ay nakaluto na pala ng agahan nila, dahil alam niya na maagang magigising si Nalu.

“Magandang umaga, apo! Sabik na sabik ka na siguro na pumasok ano? Halika at kumain ka muna. Espesyal itong araw na ito para sa iyo.” ang sabi ni Lola Rosa.

“Nasasabik na nga po akong umupo at makinig po sa titser po namin, tsaka po gusto ko na po makakilala ng bagong kaibigan. ” sabik na sabi ni Nalu.

“Maaga ang pasok niyo, kaya mabuti pa na kumain ka na at gumayak ng sa gayon hindi tayo tanghaliin. ”

Pagkatapos kumain ay agad na dumiretso si Nalu na maligo. Ang kanyang Lola Rosa ang nagbihis sa kanya para kahit papaano ay maalala niya ang araw na ito na siya mismo ang nagbihis sa apo niya, sa unang araw ng pasok nito.
Pagkabihis ay agad na isinukbit ang 'bag' na kanyang inayos kinagabihan.

“Ang gwapo naman talaga ng apo ko. Tingnan mo sarili mo sa salamin. Ganyan na ganyan ang nanay mo noon, sabik sa unang araw ng pasok niya. Ngiti ka nga apo. ” sabi ni Lola Rosa.

Agad na ngumiti si Nalu at doon ay mas lalong nasilayan ang kanyang maamong mukha at ang pantay-pantay na ngipin, kaya siya ay sinasabihan isang gwapong bata.

Biglang napawi ang saya sa mukha ni Nalu ng may naalala siya.

“Sayang nga po at hindi po ako nakikita nila Inay at Itay pati na rin po ni Palu sa una ko pong araw ng pagpasok. Siguro po tuwang-tuwa po sila kung mangyari. ” mahinang sabi ni Nalu.

Lumuhod si Lola Rosa sa harap ni Nalu at hinawakan ang balikat nito.

“Nalu, apo, alam ko na tuwang-tuwa sila kahit hindi nila ikaw ngayon nasisilayan. Tingnan mo nga ako, hindi ba at tuwang-tuwa rin naman ako. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa isang gwapong batang tulad mo. ” sabay pisil ni Lola Rosa sa pisngi ni Nalu.

“Basta magpakabait ka sa titser mo at sa mga magiging kaklase mo para may maging kaibigan ka. Diba gusto mo magkaroon ng maraming kaibigan? Maging mabait ka sa kanila para maging kaibigan mo sila. Ayos ba iyon? ”

“Sige po Lola Rosa. Magpapakabait po ako sa lahat po. ” biglang balik ng sigla ni Nalu.

“Salamat po Lola Rosa. Mahal na mahal po kita. ”

Nabigla si Lola Rosa sa mga narinig niya. Ngayon lang niya narinig ang mga salita na iyon galing sa apo niyang si Nalu.

“Mas mahal na mahal kita apo. Alam mo iyon. Mahal na mahal kita. ” sabay yakap nito.

“Aba, malapit na pala magsimula ang klase ninyo. Tara na at baka mahuli ka pa. ”

Habang naglalakad sina Nalu papuntang eskwelahan ay hindi mabura sa kanyang mukha ang ngiti nito. Nang narating na nila ang eskwelahan ay agad nilang hinanap ang guro na si Titser Jessa, na noon ay pinapipila na ang mga kasamahan niyang mga estudyante sa damuhan upang saksihan ang unang pagtataas ng watawat at maikling oryentasyon.

“Titser Jessa, kayo na po bahala kay Nalu. Kapag po masyadong makulit paluin po ninyo. ” pagbibiro ni Lola Rosa.

“Mukha naman pong hindi magkukulit itong si Nalu. Mabait po ito panigurado. Tama ba ako Nalu? ” ang sabi ni Titser Jessa.

Tumango lang si Nalu, dahil nahihiya siya sa dami ng mga batang nakapaligid sa kanya.

“Sige po Titser. Salamat po. Mauna na po muna ako. ” pagpapaalam ni Lola Rosa.

Nang Pumatak Ang UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon