Ang Eskwelahan

23 7 2
                                    

Mabilis na lumipas ang araw. Habang tumatagal ay mas lalong napapalapit si Nalu sa kanyang Lola Rosa. Nasilayan na muli ni Lola Rosa ang ngiti ni Nalu, na ikinatuwa naman niya ito. Lagi na rin niya ito tinatabihan sa pagtulog, para kahit papaano ay mapawi ang pagka-ulila sa kanyang pamilya.

Isang araw, habang naglalaro si Nalu ay bigla siyang tinawag ng kanyang Lola Rosa.

"Nalu, halika rito. May itatanong ako sa iyo. "

Agad na lumapit si Nalu.

"Ano po iyon, Lola Rosa? "

"Dahil nalalapit na ang pagbabalik eskwela at ayaw ko rin naman na tumigil ka sa pag-aaral. Gusto mo ba na ipasok kita sa eskwela? " pagtatanong ni Lola Rosa.

"Opo naman po. Gusto ko po makakilala ng bagong kaibigan. Matagal na rin po kasi noong huli kong nakita ang mga kaibigan ko roon po sa amin. Kaya, sige po. Gusto ko pong pumasok. " nakangiting sabi ni Nalu.

"Sige apo, bukas na bukas ay pupunta tayo sa eskwelahan. Malapit lang naman dito kaya pwede kitang maihatid at masundo. "

"Maraming salamat po Lola! " sabay yakap sa kanyang Lola Rosa.

"Walang anuman apo. Para sa iyo rin naman iyon. Para sa kinabukasan mo. "

Hindi mapakali si Nalu, dahil sa kaba na kanyang nararamdaman at dahil na rin sa sobrang tuwa.

Sa unang pagtilaok ng manok ng kapitbahay ay agad na bumangon si Nalu. Dinatnan niya sa kusina si Lola Rosa na nagluluto ng pritong itlog at tapa.

"Magandang umaga po Lola Rosa! " bungad nito sa kanyang Lola.

"Oh, apo. Ang aga mo naman gumising. Siguro hindi ka mapakali kagabi ano? Hindi ka mapakali kasi papasok ka na sa eskwela. Ieenrol pa lang kita apo. " sabay tawa nito.

"Eh Lola, gusto ko na po kasi magkaroon ng mga kaibigan. Gusto ko po ng maraming maraming kaibigan. "

"Hay nako apo. O siya, kumain ka na muna. "

Habang kumakain sila ng agahan ay kinukwento ni Nalu sa kanyang Lola Rosa ang mga kaibigan niya sa dati niyang eskwelahan.

"Si Dante po, lagi ko po siyang kasabay na kumain. Pati na rin po si Enteng. Naalala ko po noon na biglang natumba si Dante sa kinauupuan niya dahil bigla pong hinatak ni Enteng yung silya. Tawa po kami ng tawa noon." masayang pagkukwento ni Nalu kay Lola Rosa.

"Hayaan mo apo, makakahanap ka rin ng mga kaibigan mo sa bago mong eskwelahan. "

Pagkatapos kumain ay agad na gumayak si Nalu.

"Apo, magsipilyo ka rin. Noong isang araw ka pa huling nagsipilyo. " pagpapaalala ni Lola Rosa.

"Nag--si--si--pil--yo--na--po--a--ko--lo--la." putol putol na sabi ni Nalu.

"Mabuti kung ganoon. Ang mga damit mo ay nakahanda na. Niplantsa ko na kagabi iyan. "

"Si--ge--po--lo--la. "

Pagtapos maligo at magbihis ay agad na tumungo si Nalu sa sala kung saan naghihintay ang kanyang Lola Rosa.

"Aba, ang gwapo naman ng apo ko. " tuwang sabi ni Lola Rosa.

"Syempre naman po. "

Habang naglalakad ay may ilan nang nakikita si Nalu na mga kaedaran din niya na papuntang eskwelahan. Hindi katagalan ay agad na silang nakarating sa eskwelahan. Maraming mga magulang at mga bata ang naroroon. Hinanap ni Lola Rosa kung saan pwedeng magpaenrol si Nalu. Siya ay papasok na sa Ikalawang Baitang.

"Magandang araw po, titser. Nais ko lamang pong ipasok ang apo ko." ang sabi ni Lola Rosa sa nakita niyang guro.

"Ganoon po ba. Nasaan po ba siya? " pagtatanong ng guro.

Nagpakita si Nalu sa likuran ni Lola Rosa at ito ay ngumiti sa guro.

"Ang gwapo naman po pala ng apo niyo Lola. Ano po ba pangalan niya at para po mailista na po natin? "

"Nalu po. Nalu Dominguez. " sagot ni Lola Rosa.

"Nalu Dominguez. Sige po. May ilan lang pong kailangan na dalhin para po maienrol po natin itong gwapong si Nalu po. "

Nag-usap sila Lola Rosa at ang guro. Marami ang mga tao sa oras na iyon. Ang mga mata ni Nalu ay biglang naglibot. Malaki ang eskwelahan, hindi maitatanggi na para itong pang-pribado, pero hindi. May entablado rin sa gitna ng damuhan na pinapiligiran ng mga silid-aralan. May librarya rin, at may kantina. May hintayan din na lugar para sa mga magulang na naghihintay matapos ang klase ng kanilang mga anak.

Habang nililibot ni Nalu ang mga mata niya ay may nakita siyang isang batang lalaki na nag-iisa sa sulok ng hardin ng eskwelahan. Hindi naman niya ito malapitan. Tinitingnan lang niya ang mga taong nagdaraan sa harapan niya.

"Sige po Lola, aasikasuhin po namin ng mabuti itong si Nalu. Huwag po kayong mag-alala. " ang sabi ng guro.

"Maraming salamat po sa inyo, titser. Ano nga po ulit ang ngalan ninyo? " pagtatanong ni Lola Rosa.

"Ako po si Jessa. Titser Jessa po. " sagot ni Jessa.

"Maraming salamat po ulit Titser Jessa. Ikaw Nalu, magpasalamat ka rin. "

Nabigla si Nalu at agad bumalik sa wisyo.

"Salamat po titser! " pagpapasalamat ni Nalu.

"Walang anuman, gwapong Nalu. Hanggang sa muli nating pagkikita. Maghanda ka na rin at malapit na ang pasukan. " pagpapaalam ni Jessa.

“Sige po, maghahanda po ako. ” masayang sabi ni Nalu.

Habang papalabas sila ng eskwelahan ay nadaanan niya ang batang lalaki na kanina pa nakaupo roon. Tila ba may hinihintay. Tumigil saglit si Nalu at nginitian ito. Nginitian lang din siya nito pabalik.

“Nalu, halika na. May mga pwedeng bilhin diyan sa labas, ano ang gusto mo?”

Nagpatuloy sa paglalakad si Nalu habang itinuturo ang gusto niyang bilhin.

Habang pauwi na sila ay kinakain na ni Nalu ang nabiling 'cotton candy'. Galak na galak siya dahil alam niya na malapit na rin siya pumasok. Nang makauwi sila ay agad na nagluto si Lola Rosa ng kanilang pananghalian.

“Nalu, apo, hinay hinay ka lang sa pagkain niyan. Baka sumakit ang ngipin mo, at saka nagluluto na rin ako ng tanghalian natin baka hindi ka na makakain niyan. ”

“Sige po Lola, tapusin ko na po ito. ”

Mabilis dumaan ang mga araw. Nang malapit na talaga ang unang araw ni Nalu sa eskwelahan ay nagpunta sila sa bayan, upang bumili ng mga gamit niya pang-eskwela. Siksikan ang mga tao, dahil na rin sa dami ng mamimili. Kumapit nang mahigpit si Nalu sa blusa ng kanyang Lola Rosa upang hindi siya mawala. Nang nakarating sila sa bilihan ng 'bag'.

“Nalu, ano ba ang gusto mo? Pumili ka. Marami kang pagpipilian oh. ” sabay turo ni Lola Rosa sa mga panindang 'bag'.

“Kahit yung isa na lang po na iyon. ” tinuro niya ang 'bag' na kulay itim na may disenyo na 'robot'.

Nang nabili na nila ang 'bag' ay agad silang dumako sa bilihan ng mga papel at kwaderno. Isinabay na rin nilang bumili ng lapis at mga krayola. At nagtungo rin sila sa bilihan ng uniporme. Nang maglaon ay nabili na nila ang lahat ng mga kailangan niya sa eskwelahan at hundi pa rin humuhupa ang dagsa ng mga tao.

Pagkauwi nila galing ng bayan ay agad na inayos ni Nalu ang lahat ng mga gamit niya. Isa-isa niyang inilalagay sa loob ng kanyang 'bag' ang lahat ng nga nabili nilang gamit. Tuwang-tuwa siya dahil alam niya na malapit na talaga ang pasukan.

Isang gabi, bago ang unang araw ni Nalu sa eskwelahan ay iginayak na ng kanyang Lola Rosa ang kanyang isusuot na uniporme. Halos hindi mapakali sa Nalu. Kahit pagtulog ay hindi niya magawa, pero ng kalaunan ay nakatulog na rin siya, dahil katabi niya ang kanyang Lola Rosa.

Nang Pumatak Ang UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon