Ang Bisita

14 3 0
                                    

Kasalukuyan.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at agad akong nagbihis upang makita kung sino ang sinasabi ni Grace na aking bisita. Matutuwa raw ako? Wala naman akong inimbitahan ngayong araw ng Linggo, kaya sino kaya iyong bumisita sa akin?

Pagkababa ko ay agad kong naririnig na nagtatawanan sina Grace at ang anak kong si Ginny, pero may isa pang boses na pamilyar akong naririnig. Isang boses na matagal ko na rin hindi naririnig pero sariwa pa sa isip at tenga ko kung sino iyon.

Sumilip ako sa sala at tama nga ang hinala ko.

“Pareng Pepe! Matagal na rin kitang hindi nakikita ah! Kumusta buhay natin?” bungad ko kina Pepe habang nagkukwentuhan sila ng mag-ina ko.

“Aysus ginoo! Pareng Nalu! 'Long time no see!' Hirap akong hagilapin itong bahay ninyo. Nalimutan ko na kasi noong huling punta ko rito. Ilang taon na rin iyon. Maliit pa lang itong inaanak kong si Ginny noong nagpunta ako rito. Alam mo naman matagal din akong nanuluyan sa Amerika.” sagot ni Pepe.

“Ayusin ko lang ang hapag, para makapaghapunan na tayo. Samahan mo ako Ginny sa kusina, tulungan mo akong maghain. Maiwan ko muna kayo diyan.” sabi ni Grace.

“Oh Pare, napadalaw ka? Buti naman at natunton mo agad itong bahay. Matagal din akong walang balita sa iyo ah.” ang sabi ko kay Pepe.

“Nagbakasyon lang talaga ako rito sa Pilipinas. Matagal din akong hindi nakauwi, buhat ng magtrabaho ako roon sa Amerika. Hindi rin naman ako magtatagal dito, ilang linggo lang ako. Talagang kayo at ang nanay at lola, lolo lang talaga ang sadya ko kaya ako umuwi.”

“Nga pala, kumusta na sina Lolo Amang at Lola Sitang? ”

“Iyon nga, kaya nga ako nauwi rito dahil si Lola Sitang may taning na ang buhay.” malungkot na pahayag ni Pepe.

“Ang Lolo Amang naman? ”

“Iyon, nandoon at nakahiga na lang daw parati at hindi na nakakatayo. Sa susunod na araw ako uuwing probinsya para kahit papaano sa huling pagkakataon ay makasama ko sina Lola Sitang at Lolo Amang. Alam kong sabik na sabik iyon na makita ako. Alam mo naman na ako ang pinakapaborito nilang apo.” sabi ni Pepe.

“Ganoon ba. Tutal wala naman din akong gagawin sa mga susunod na araw, sasamahan kitang umuwing probinsya. Para kahit papaano makadalaw rin ako sa kanila at mabisita muli ang kinagisnan nating bayan.”

“Talaga ba? Literal na sasamahan mo ako?” biglang sigla na sabi ni Pepe.

“Oo naman pare, para saan pa at naging magkaibigan pa tayo.” sagot ko naman.

“Salamat kung ganoon. Nako, matutuwa sila roon kapag nalaman nilang sasama ka sa pag-uwi.”

“Syempre naman, ako ba naman ang laging kwento mo sa mga tao roon sa bahay ninyo noon.” Natatawa kong sabi.

“Nalu, Pepe! Handa na ang hapunan. Tara na kumain na tayo.” tawag ni Grace mula sa kusina.

“Nandyan na kami!” sigaw ko pabalik.

“Tara na at kumain na tayo Pepe.”

Habang kumakain ay sinabi ko kay Grace ang balak kong pagsama kay Pepe sa probinsya.

“Mga dalawang araw lang kami roon diba Pepe?” tinaasan ko ng kilay si Pepe para sumang-ayon sa sinabi ko.

“Ay! Oo Grace mga dalawang araw lang naman ang itatagal namin doon.” pagsang-ayon naman ni Pepe sa akin.

“Ganoon ba, sige. Basta mag-uwi ka ng pasalubong sa amin ni Ginny ah. Huwag mong kalilimutan iyon.” sabi ni Grace.

“Salamat Grace! Oo marami akong iuuwing pasalubong sa inyo ni Ginny.” nakangiti kong sabi.

Nang Pumatak Ang UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon