Ang Kaarawan

13 3 0
                                    

Taong 1988, Pebrero

Madaling lumipas ang araw at ang buwan at hindi makapaniwala si Nalu na malapit na ang kanyang kaarawan. Hindi niya maitago ang ligaya at pagkasabik na kanyang nararamdaman dahil sa tuwing gigising siya ay minamarkahan niya ang kalendaryo ng ekis upang makita niya kung ilang araw na lang ang nalalabi bago ang kanyang kaarawan.

“Magandang umaga Nalu!” pagbati ni Lola Rosa kay Nalu.

“Magandang umaga rin po Lola!”

“Nagmarka ka ba ulit sa kalendaryo? Ilang araw na lang malapit na ang kaarawan mo.”

“Opo, nagmarka na po ako. Iyon po siguro ang hindi ko malilimutan pagkagising ko bukod sa pagpapasalamat sa panibagong umaga kay Panginoong Hesus.” nakangiting sabi ni Nalu.

“O siya, mabuti naman kung ganoon. Halika at kumain na muna tayo ng agahan bago kita ihatid sa eskwelahan mo at may pupuntahan lang din muna ako.”

“Sige po Lola Rosa.”

Masayang naglalakad papuntang eskwelahan si Nalu at binabati niya ang lahat ng mga tao na makakasalubong niya.

“Magandang umaga po sa inyo!” pagbati ni Nalu sa isang ginang sabay pagmamano.

“Kaawaan ka ng Diyos, Iho. Napakabait po pala nitong apo ninyo Lola.” saad ng ginang.

“Mabait po talaga itong si Nalu. Sige po at mauna na muna kami sa inyo. Magandang umaga!”

“Mag-iingat po kayo Lola at ikaw rin Nalu. Napakagalang na bata. Magandang umaga rin po sa inyo.” pagpapaalam ng ginang.

Pagkapasok ni Nalu sa loob ng silid-aralan ay nakita na niya agad si Pepe kung saan ay mukhang naghihintay sa kanyang dumating.

“Bakit parang ngiting-ngiti ka diyan Nalu?” pagtatanong ni Pepe kay Nalu.

“Hindi naman ah. Masaya lang ako kasi malapit na ang aking kaarawan. Lahat naman siguro masaya kapag nalalapit na yung kaarawan nila. Ikaw ba, hindi ka ba masaya kapag ganoon din?”

“Aba syempre masaya rin naman ako kung ganoon. Sino ba namang hindi.” natatawang sabi ni Pepe.

“Tsaka kanina nang papasok kami ni Lola Rosa ay nasabihan akong magalang na bata kasi binati ko siya ng magandang umaga.”

“Halata naman sa iyo na napakagalang mong bata.” malakas na pagkakasabi ni Pepe na sinabayan pa ng malakas din na tawa.

“Napakaloko mo talaga Pepe. Sabagay, totoo naman din ang mga sinabi mo.” nakipagsabayan din ng tawa si Nalu.

Biglang dumating si Titser Jessa at nagsimula na itong magturo.

“Ngayon, may karanasan ba kayo, kahit na anong karanasan na sa simula ay sobrang saya ninyo dahil sa mga ibang bagay, halimbawa, ngayong umaga sobrang saya mo dahil nagawa mo ng maitirintas ng maayos ang sapatos mo tapos ilang minuto lang ay bigla ka na lang makararamdam ng kalungkutan o pagkainis o kahit na ano pang emosyon bukod sa saya, halimbawa ulit, pagkatapos mong maitirintas ng maayos ang kanan mong sapatos, iyong kaliwa mo naman ay hindi mo magaya katulad ng nasa kanan. Hindi ba sa isang iglap, para bang maiinis ka o malulungkot ka dahil hindi mo magawa yung pagtirintas ng maayos sa sapatos mo. Kayo ba, magbigay nga kayo ng karanasan ninyo gaya ng halimbawa ko. Sige nga, ikaw Pepe.” pagpapaliwanag at pagtawag ni Titser Jessa kay Pepe.

“Ang sa akin naman po Titser Jessa, noon pong sinamahan ko pong magtanim si Lola Sitang po sa bakuran po namin. Naitanim ko na po iyong may tubo pong maliit na kamatis, syempre po masaya po ako dahil po natulungan ko pong magtanim si Lola po tapos ilang saglit lang po may mga ibon pong pumaligid po sa tanim ko po at bigla po nila iyon tinuka hanggang sa tuluyan na pong mabunot po iyong tanim ko po na iyon at dahil po roon nalungkot po ako.” pagsasaad ni Pepe.

“Nakalulungkot nga ang nangyari sa tanim mong kamatis Pepe. Pero malay natin, kaya nila nagawa iyon dahil gutom sila at marami pang ibang dahilan. Iyon, tama ang bigay mong pangyayari Pepe na noong naitanim mo iyong kamatis ay masaya ka pero kalaunan ay nalungkot ka dahil tinuka iyon ng mga ibon. Dahil diyan may tatak kang tatlong 'stars'.” ang sabi ni Titser Jessa.

Napaisip si Nalu kung may ganoon din ba siyang karanasan at hindi katagalan ay bigla na lang tumunog ang 'bell' hudyat na uwian na nila. Nagpaalam na sa isa't isa sina Nalu at Pepe at sa iba pa nilang kaibigan.

Habang pauwi sila ay napansin ni Nalu na maraming bitbit na mga pamalengke si Lola Rosa kaya agad niya itong tinulungan.

“Lola Rosa ako na po diyan sa iba pong bitbitin.”

“Sige apo. Marami kasi akong pinamili.”

Pagkauwi nila ay agad na inilapag ni Nalu ang mga pinamili sa lamesa at dumiretso na siya sa kwarto upang magpalit at gumawa ng mga takdang-aralin.

----------------------------------------------------------

Ika-21 ng Pebrero, 1988

Ilang araw pa ang lumipas at natapos na rin ang paghihintay ni Nalu dahil ito na ang araw na pinakahihintay niya, ang araw ng kanyang kaarawan. Pagkagising ay agad siyang nagdasal.

“Panginoon, maraming salamat po sa panibagong araw na ito. Maraming salamat din po sa isang taon po na lumipas. Salamat po sa paggabay po sa akin, sa amin po ni Lola Rosa. Maraming salamat po. Amen.” pagtapos ni Nalu sa kanyang dasal.

Agad siyang tumayo at dumako sa kinalalagyan ng kalendaryo at binilugan ang araw na ika-21 dahil ito ang araw ng kanyang kaarawan.

Dahan-dahan siyang lumabas sa kwarto at hindi gumawa ng ingay dahil balak niyang surpresahin ang kanyang Lola Rosa. Pagdating niya sa kusina ay wala roon ang kanyang Lola, bagkus ang naroon lamang ay isang plato na may itlog at sinangag. Naroroon din ang isang sulat sa tabi ng plato.

Mahal kong apo,

Umalis lang muna ako saglit dahil may importante lang akong pupuntahan. Babalik din ako pagkalipas ng ilang oras. Magpakabait ka. Nag-iwan na rin pala ako ng agahan. Kumain kang mabuti. Magpakabusog ka. At isa pa, huwag kang lalabas, dahil iba na ang panahon ngayon. Mag-iingat ka.

Nagmamahal,
Lola Rosa

Ang sayang naramdaman ni Nalu ay bigla na lang napalitan ng lungkot. Napaisip siya kung ganito ba ang tinutukoy ni Titser Jessa na sa isang iglap lang ay maaaring magbago ang emosyong nararamdaman mo.

Kumain ng tahimik si Nalu habang nakatulala sa bintana. Iniisip kung naalala ba ng kanyang Lola Rosa ang kanyang pinakahihintay na kaarawan.

“Naalala naman niya siguro iyon dahil nitong nakakaraan lang ay pinapaalalahanan pa niya ako kung minarkahan ko na ba ang kalendaryo. Kaya imposibleng makalimutan niya iyon.” pagsasalita ni Nalu na mag-isa.

Hindi katagalan ay biglang dumating si Lola Rosa at agad dumako sa kusina.

Tinitingnan lang ni Nalu ang kanyang Lola Rosa kung babatiin siya nito, ngunit bigo siya. Abala pa rin ang kanyang Lola Rosa sa kusina na para bang hindi natatapos ang ginagawa.

Biglang may kumatok sa pinto at agad pumaroon si Nalu bago pa man din siya utusan ng kanyang Lola Rosa  para tingnan kung sino ang tao.

“Magandang umaga Nalu, may sulat pala para kay Lola Rosa. Pakibigay na lang din dahil medyo nagmamadali kasi ako. Maraming salamat.” agad na umalis si Karen, ang kapitbahay nila pagkatapos maiabot ang sulat kay Nalu.

“Lola may sulat po kayo. Si Ate Karen po ang may dala.” malungkot na pagkakasabi ni Nalu.

“Ganoon ba apo, pakilagay na lang din doon sa kwarto. Mamaya ko na lang babasahin. Salamat.” ang sabi ni Lola Rosa.

Mabagal na pumunta si Nalu sa kwarto dahil iniisip niya na niisa ay walang nakaaalala ng kanyang kaarawan. Pagkalagay niya ng sulat sa  aparador ay humiga siya sa kama at nagtalukbong ng kumot.

“Bakit naman po ganoon? Wala po ba talagang nakaaalala sa kaarawan ko?” pagkausap niya sa sarili habang umiiyak.

Hindi niya namalayan na nakatulog pala siya kaiisip at kaiiyak.

Nang Pumatak Ang UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon