Taong 1987.
Isang malakas na ulan ang bumubuhos ngayon sa sinasakyang kotse nila Nalu at ng kanyang magulang. Si Nalu ay isang pitong taong gulang sa taong ito. Aliw na aliw si Nalu sa pagtingin sa mga bumabagsak na patak ng ulan sa salamin ng kotse. Hindi niya alam, sila ay papadako sa kanyang Lola Rosa. Matarik ang daan at masasabi mo na malayo ito sa siyudad.
"Nalu, pagkarating natin sa Lola Rosa mo ay magmano ka sa kanya." sabi ng kanyang ina sa kanya.
"Kila Lola Rosa po tayo pupunta?" pagtatanong nito.
"Oo anak, doon kila Lola Rosa mo." pagsagot naman ng kanyang ama.
"Ano pong gagawin natin kila Lola? Magbabakasyon po ba tayo kila Lola? Hanggang kailan po tayo roon?" sunod-sunod na tanong ni Nalu sa kanyang magulang.
"Malalaman mo pagkarating natin doon. Basta magpakabait ka ha. " sagot ng ina.
"Bakit hindi po natin isinama si Kuya kila Lola? " pagtatanong ulit nito.
"Diba nandoon siya kila Lola Luzvi mo. Kaya hindi siya nakasama sa atin."
Hindi na umimik si Nalu. Dahil matagal ang biyahe, nakatulog si Nalu sa kanyang kinauupuan. Bigla na lang siyang ginising ng kanyang ina, dahil sila ay naroroon na. Hindi pa rin tumitila ang ulan at mas lalo pa itong lumakas kaysa sa kanina. Naalimpungatang naglakad si Nalu sa silong ng bahay at agad sila sinalubong ng kanyang Lola Rosa. Kahit pumupungay ang mata ay agad nagmano si Nalu sa kanyang lola. Hinalikan naman siya nito pabalik.
"Kumusta naman na kayo? Gusto niyo ba ng kape at ako ay magtitimpla. Malamig ang panahon tsaka hindi pa titila iyang ulan na iyan, mukhang matatagalan pa." sambit ni Lola Rosa.
"Sige po Nay. " sagot ng ina ni Nalu.
"Ang kapatid nitong si Palu, nasaan? "
"Pag-usapan na lang po natin iyon mamaya, Nay. " tipid na sagot ng ina.
Pagkaraan ng ilang minuto ay bumabalik si Lola Rosa na may tangan na tatlong tasa ng kape at isang baso na may gatas para kay Nalu.
"Ito ang kape ninyo. Ito namang gatas ay para kay Nalu. Halika Nalu at inumin mo ito. Masarap iyan. Maligamgam pa iyang gatas na iyan. "
"Salamat po Lola Rosa." pagpapasalamat ni Nalu at agad kinuha ang gatas sabay higop.
"Anak, Nalu, pwede ka ba muna roon sa kwarto, may pag-uusapan lang kami ng tatay mo at Lola Rosa mo." utos ng kanyang ina.
"Huwag ka ring maglilikot doon." dagdag pa nito.
Hindi na sumagot si Nalu at agad siyang tumungo sa kwarto ng kanyang Lola Rosa. Rinig sa kwarto ang lagaslas ng malakas na ulan kasabay ng malakas na hangin. Wala kang maaaninag sa labas kundi ang mga sumasayaw na puno ng buko dahil sa hanging dala ng ulan.
Hindi katagalan ay naubos na ni Nalu ang kanyang gatas kaya nahiga muna siya pansamantala sa kama para makapagpahinga. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Pagkagising niya ay rinig pa rin ang ulan at hangin. Pero habang lumalakas ang ulan ay kasabay ring lumalakas ang usapan ng kanyang Ama, Ina, at ng kanyang Lola Rosa. Dahil inip na inip na si Nalu ay naisipan niyang lumabas ng kwarto kahit wala pang utos ang kanyang Ina sa kanya. Sa hindi sinasadyang pangyayari, ay naulinigan ni Nalu ang usapan ng kanyang magulang at ng kanyang Lola Rosa.
"Nay, inyo po muna si Nalu. Hindi rin po kasi namin kayang alagaan ng sabay silang magkakapatid, kasi nga po magtatrabaho po kaming dalawa ni Jun sa Taiwan. " sabi ng kanyang ina.
"Alam ba ito ni Nalu? Nasabi mo na ba sa kanya Rhea na paparito muna siya habang kayo ay nagtatrabaho sa Taiwan? " pagtatanong ni Lola Rosa.
"Eh Nay, mahirap pong sabihin kay Nalu, tsaka maiintindihan naman po siguro niya kung bakit kami aalis. Tsaka para naman sa kanya ito, para sa kanilang magkapatid, kaya kami pupuntang Taiwan." sabi ni Jun.
"Nay, huwag po kayong mag-alala, papadalhan naman po namin kayo rito ng pera at kapag nakaipon po kami may ipapadala rin po kaming balikbayan po rito. "
"Kaya sana naman po Nay pumayag na po kayo. "
Hindi man masyadong rinig ni Nalu ang lahat, alam niyang iiwan siya ng kanyang magulang sa kanyang Lola Rosa, na sa tuwing bakasyon lang naman niya nakikita.
Dahil sa galit na nadama ni Nalu ay binitiwan niya ang kanyang hawak na baso at tsaka ito tumakbo papuntang kwarto.
Hindi nila narinig ang pagkabasag ng baso dahil sa lakas ng ulan kasabay ng hangin. Hindi na rin nagtagal at tumayo na silang tatlo at akmang aalis na sana sina Rhea at Jun ng biglang tinawag sila ni Lola Rosa.
"Rhea at Jun, hindi niyo ba muna kakausapin si Nalu para makapagpaalam naman kayo sa isa't isa ng pormal. Mahirap sa bata na iiwanan niyo na lang siya ng walang pasabi at wala man lang paalam. Mahirap iyon."
"Nay, mahirap din po sa kalagayan po namin na iwan po sila lalo na po at mga bata pa po sila. Sobrang hirap po. " nagsimulang umiyak si Rhea.
"Hindi rin naman po talaga namin kagustuhan na iwan siya, sila ng kapatid niya. Yung kapatid naman niya ayos naman daw sa kanya dahil alam naman niya para sa kanila ang gagawin naming pangingibang bansa. Hindi rin naman po kasi kaya ng nanay ni Jun na silang dalawa ang aalagaan kaya obligado po na paghiwalayin namin sila. Labag man sa kalooban ko, naming mag-asawa at sa kapatid niya, pero sobrang sakit at sobrang hirap po ng desisyon po namin na ito. Kaya sana po maintindihan ninyo Nay." patuloy na pagtaghoy ni Rhea.
Nang walang pasabi sa kanilang anak ay aalis na sana sila ng bigla silang makarinig ng iyak. Narinig pala ni Nalu ang lahat ng mga sinabi ng kanyang ina. Ngayon ay malinaw na sa kanya, kahit sa murang kaisipan niya ay isa lang ang alam niya, na iiwan siya ng kanyang magulang.
Nakasakay na ng kotse sina Rhea at Jun at hindi pa rin tumitigil ang malakas na buhos ng ulan. Nang walang anu-ano ay biglang tumakbo palabas si Nalu para habulin ang kanyang Ina at Ama na papalayo na ang sasakyan. Hinabol niya ito sa abot ng kanyang makakaya dahil hindi siya makapapayag na siya ay iwan ng kanyang mga magulang. Nang hindi niya na maabutan ay napadapa na lang siya sa ilalim ng ulan. Patuloy pa rin siya sa pag-iyak. Nagkakakawag na para bang aso sa daan. Nagsisisigaw na para bang hindi nabilhan ng gusto niyang laruan.
Kahit na may edad na si Lola Rosa ay pilit niyang hinabol si Nalu sa abot ng kanyang makakayang bilis. Dahil sa taranta ay hindi na niya nagawang magsuot ng tsinelas at magdala ng payong. Nang makita niya itong nagsisisigaw at nagkakakawag sa daan ay agad niya itong nilapitan. Patuloy sa pag-iyak si Nalu. Niyakap niya ito ng mahigpit. Sobrang bigat sa damdamin ni Lola Rosa na ganito ang sasapitin ng batang si Nalu, na kanyang apo. Naghalo na ang mga luhang lumalabas sa mga mata ng isang inosenteng bata at ang mga patak ng ulan.
Sa bawat pagpatak ng ulan ay naroroon ang alaalang pagtaghoy ni Nalu.
BINABASA MO ANG
Nang Pumatak Ang Ulan
Ficción General"Walang makatatalo at makahihigit sa tunay na pagmamahal ng isang lola." May sisikat pa kayang araw sa buhay ni Nalu sa kabila ng patuloy na pagbuhos ng ulan sa kanyang buhay, kasama ng kanyang pinakamamahal na lola na si Lola Rosa. Halina't alamin...