Taong 1987, Setyembre.
Makalipas ang tatlong buwan nang pagpasok ni Nalu ay naging maayos naman ang lahat. Masaya siya dahil sa mga kaibigan niya, lalo na kapag kasama niya si Pepe. Mas naging bibo sa klase si Nalu, laging masaya, laging nakangiti, at walang inaalalang problema. Tuwang-tuwa naman si Lola Rosa, dahil sa tuwing nakikita niya ang kanyang apo na nakangiti kapag kanya itong sinusundo tuwing uwian ay napapangiti na rin siya.
Isang araw, nang papasok na si Nalu sa kanyang silid ay nakita niya ang kanyang guro na si Titser Jessa na kumakaripas nang takbo papunta rin sa kanilang silid. Nang nakaupo na si Nalu ay agad na nagsalita ang kanyang guro.
“Magandang umaga sa inyong lahat!” hingal na sabi ni Titser Jessa.
“Magandang umaga rin po, Titser Jessa!” sabay-sabay na sabi ng mga estudyante sa iisang tono.
“Pasensya na at hinihingal ako ngayon, dahil may sasabihin ako sa inyong malaking anunsyo. ”
Biglang naghiyawan ang mga kaklase ni Nalu at siya ay napangiti na lamang.
“Tumahimik muna kayo para masabi ko na itong malaking balita na ito. ” pagpapatahimik ni Titser Jessa.
Biglang tumikom ang mga bibig ng mga estudyante at napailing na lang ang batang si Nalu.
“At dahil tahimik na kayo, akin nang sasabihin ang anunsyo. Ngayong darating na ika-13 ng Setyembre, magaganap ang kauna-unahang pagdiriwang para sa mga lolo at lola natin. Dahil Linggo ang araw na iyon, atin itong gaganapin sa araw ng Lunes, ika-14 ng Setyembre. Lahat ng mga lolo at lola ninyo ay papupuntahin dito sa paaralan para ipagdiwang ang kanilang araw. Hindi naman ito obligado o sapilitan, lahat lang ng pwedeng pumuntang mga lolo at lola ninyo. Sabihin ninyo may magaganap na pagdiriwang dito sa ating paaralan, pero huwag ninyong sabihin na para sa kanila iyon. May mga surpresa rin kami para sa kanila. Nagkakaintindihan ba tayo? ” pag-aanunsyo ni Titser Jessa.
“Opo, Titser Jessa!” sabay-sabay nilang sabi.
Natuwa si Nalu sa kanyang narinig na magdiriwang sila kasama ng kanyang Lola Rosa. Hindi na siya makapaghintay na mag-uwian upang masabi na niya ang malaking balita na ito.
“Nalu! ” tawag ni Pepe sa kanya.
“Bakit Pepe? ”
“Diba si Lola Rosa ang naghahatid sa iyo at siya na lang ang kasama mo ngayon?”
“Oo, kaya nga hindi ko na mahintay pang sabihin agad sa kanya na may pagdiriwang tayo para sa kanila. ”
“Nalu, ano ka ba. Kasasabi lang ni Titser Jessa na huwag sabihin na para sa kanila yung pagdiriwang na iyon, sabihin lang daw na pinapupunta ang mga lolo at lola natin. ” pag-papaalala ni Pepe kay Nalu.
Dahil sa sobrang tuwa ni Nalu ay nalimutan na niya ang sinabi ng kanyang guro.
“Oo nga pala, pasensya na at nalimutan ko. Sobra kasi akong natutuwa kasi kauna-unahan itong magaganap.”
“Nako, lagot ka kay Titser Jessa kapag nasabi mo iyon. ” pang-aasar ni Pepe.
“Hindi ko kalilimutan. ”
Biglang nagtawanan sina Nalu at Pepe at nagkwento sila sa isa't isa tungkol sa kanilang mga lolo at lola. Nang mag-uwian na ay agad na tinakbo ni Nalu si Lola Rosa na naghihintay sa labas ng kanyang silid.
“Lola, alam niyo po ba... ”
“Nalu! Iyong sinabi ko sa iyo, huwag mong kalilimutan. Sige, paalam na rin!” sigaw ni Pepe.
Biglang napalingon si Nalu sa sinabi ni Pepe at nakalimutan na naman niya na surpresa pala iyon para sa kanyang Lola Rosa.
“Ano iyon apo? ” pagtatanong ni Lola Rosa.
BINABASA MO ANG
Nang Pumatak Ang Ulan
Fiksi Umum"Walang makatatalo at makahihigit sa tunay na pagmamahal ng isang lola." May sisikat pa kayang araw sa buhay ni Nalu sa kabila ng patuloy na pagbuhos ng ulan sa kanyang buhay, kasama ng kanyang pinakamamahal na lola na si Lola Rosa. Halina't alamin...