Ang Litrato

32 7 2
                                    

Hindi na nagawang hawakan ni Nalu ang litratong nakatalikod bagkus ay bigla siyang humarap sa kanyang Lola Rosa at tiningnan ang mga paa nito, dahil alam niyang magagalit ito.

“Apo, anong ginagawa mo diyan sa mga litrato? ” pagtatanong ulit nito.

“Pasensya na po Lola Rosa. ” mahinang sagot ni Nalu.

“Mukhang nakita mo na ang mga litrato ng Ina mo noong maliit pa lamang siya. Tingnan mo at kamukha mo siya. Mula sa mga mata, pati ang tangos ng ilong at ang hugis ng mukha niyo ay iisa. Mukha kayong pinagbiyak na bunga. ” natutuwang sabi ni Lola Rosa.

Akala niya ay papagalitan siya nito, pero nang tingalain niya ito ay nakangiti ito sa kanya.

“Bakit po... ” hindi na natapos ni Nalu ang kanyang sasabihin ng biglang magsalita si Lola Rosa.

“Bakit nakatalikod ang isang litrato? ” pagtatapos sa sasabihin ni Nalu.

Napatango na lamang si Nalu.

“Nakita mo na ba? Kilala mo ba kung sino? ”

“Hindi ko pa po nakikita, Lola.”

Biglang kinuha ni Lola Rosa ang litrato at tinitigan ito sabay punas.

“Halika sa kusina at habang kumakain ka ng turon ay ikukwento ko sa iyo kung sino itong nasa litrato. ” pag-anyaya ni Lola Rosa sa apo.

Nakangiting sumunod si Nalu sa kanyang Lola Rosa papuntang kusina at umupo habang kaharap niya ang kanyang Lola.

“Kumain ka ng turon, bagong hango ko lang iyan kaya mainit init pa. ”

“Mukha pong masarap Lola. ” nakangiting sabi ni Nalu.

“Abe, oo naman luto iyan ng Lola mo eh. ” sabay kagat ng turon.

“Ito nga palang nasa litrato... ”

Biglang napahinto sa pagkain si Nalu at tiningnan ang kanyang Lola.

“Itong nasa litrato ay ang Lolo Gener mo.” sabay harap ng litrato kay Nalu.

Nang maiharap niya ito kay Nalu ay napatulala na lang siya dahil para siyang nananalamin. Kamukhang kamukha niya ito.  Binata lamang siya sa litrato.

“Kamukha mo siya. Kamukha niya ang Ina mo, sa kanya ito kumuha ng mukha. Talagang malakas ang dugo ng Lolo mo. ” sabay tawa nito ng malakas.

Kahit hindi naintindihan ni Nalu ay nakitawa ito sa kanyang Lola Rosa.

“Gusto mo bang malaman kung paano kami nagkakilala ng Lolo mo? ”

Tumango si Nalu at kumagat sa turon.

“Ganito kasi iyon. Nagsimula ang lahat noong una kaming magkita, taong 1941, sa karnibal sa siyudad. Nagpunta ako roon kasama ng mga kaibigan ko. Saktong ika-dalawampung taon ko noong araw na iyon, siya naman ay dalawampu't limang taong gulang na. Kaya rin kami pumunta ng karnibal, ay para magsaya kahit papaano, dahil nagsisimula na noon ang giyera ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasagsagan na nga siguro iyon noon. Hindi na rin malinaw masyado sa memorya ko, pero tandang-tanda ko pa noon ang Lolo mo. Simple lang ang suot niya, damit na may mahabang manggas at nakapantalon na maluwag. Katatapos lang namin noon sumakay ng mga kaibigan ko sa tsubibo at sila ng mga kaibigan niya ay papasakay pa lang. Nang papalabas na kami ay nabunggo niya ko at muntik na akong madapa, pero nahawakan niya ang mga kamay ko at inalalayang tumayo. Noon ko napagmasdan na may itsura pala ang Lolo Gener mo, kagaya mo, parehas kayong gwapo. May magagandang mga mata, matangos na ilong at perpektong mukha. Hindi ko namalayan na nakatitig na pala ako sa kanya at inaantay na lang na bitawan ko siya. Dahil nahiya ako sa nagawa ko ay humingi agad ako ng paumanhin noon at nagpasalamat sa pagtulong sa akin, sabay talikod at lumabas na nang tuluyan sa tsubibo. Hindi pa man ako nakakalayo ay bigla siyang sumigaw nang umandar ang tsubibo ng “Binibini, napakaganda mo, ano ang iyong ngalan?” Lumingon lang ako at naglakad ng mabilis para hindi ko na marinig pa ang mga sinasabi niya patungkol sa akin at namumula na rin ako noon. ”

Humahagikhik si Nalu habang nakikinig sa kanyang Lola Rosa dahil sa mga ikinukwento nito kasabay ng pagkain ng turon.

“Umuwi na kami pagkaraan noon at kinabukasan ay nakita ko siyang nasa labas ng bahay namin. May dalang bulaklak. Nilapitan ko siya at tinanong kung anong ginagawa niya at kung paano niya nalaman kung saan ako nakatira. Hindi niya ito sinagot bagkus ay ngumiti ito ng pagkatamis-tamis at iniabot ang dalang mga bulaklak. Doon na nagsimula ang lahat. Nang mga sumunod na araw ay araw-araw na siyang pumupunta sa amin, may dala-dalang mga pagkain at pagkaraan lamang ng ilang buwan ay sinagot ko na siya. Lagi kaming lumalabas at pumupunta sa malapit na parke para magkwentuhan. Masaya naman ang aming pagsasama. Pero... ” biglang nawala ang pagkasaya sa mukha ni Lola Rosa at napabuntong hininga na lamang ito.

“... isang araw hindi na siya nagparamdam. Walang komunikasyon na naganap sa mga sumunod na buwan. Hindi ako nag-isip na baka may kalaguyo na siya o kung ano. Hanggang sa isang araw, pumunta ako sa parke, kung saan kami madalas pumunta at nakita ko may nagkukumpulang mga tao sa isang malaking papel at nakasulat doon ang mga lalaking sumali bilang sundalo at lalaban para sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at doon ay nakita ko ang pangalan niya. Laking gulat ko pa noon. Hindi man lang niya sinabi sa akin na sumali pala siya sa kasundaluhan. At doon mismo, kung saan ako nakatayo ay nakita ko siya. Nakatingin sa akin. Bigla niya akong nilapitan at niyakap. Humihingi siya ng paumanhin, dahil hindi siya nagparamdam ng ilang buwan. Umiiyak ako noon. Hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya. Walang boses ang lumalabas sa akin. Pero kahit papaano, sa lahat ng mga sinabi niya sa akin, isa lang ang tumatak, ang mga salitang 'mahal na mahal kita' at doon ko napagtanto na mahal nga talaga niya ako kaya pinatawad ko na at pinayagang sumama bilang maging sundalo. Mahirap sa akin dahil alam ko na ang isang paa niya ay nakabaon sa hukay. Pero nananalangin ako na sana walang mangyaring masama sa kanya. ”

Dahil nakikinig ng maigi si Nalu sa kwento ng kanyang Lola Rosa ay hindi na niyang nagawang ubusin ang turon na kanyang kinakain.

“Talaga ngang mabait talaga ang Diyos at dininig ang mga dasal ko, dahil pagkaraan ng apat na taon, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay tuluyan nang natapos at nasilayan ko na muli siya. Walang kulang at buong-buo nang bumalik. Hindi siya tumanda sa paningin ko. Nang naging maayos na ng sumunod na taon ay nagkasundo ang aming pamilya na kami ay magpakasal na. Taong 1946, kami ay tuluyan nang naikasal. Hirap kami noon makabuo. Inabot kami ng ilang taon at ng taong 1950, doon ay nagsilang ako ng napakagandang anak na babae. At alam mo kung sino iyon? ”

Umiling si Nalu.

“Iyon ay ang nanay mo. Tuwang-tuwa kami dahil pagkaraan ng napakahabang taon ay nagkaroon na kami ng anak. Sabay naming pinalaki ang nanay mo. Inalagaan namin siya sa abot ng aming makakaya. Masiyahing bata at maharot ang nanay mo noon. Palaging nakangiti. Nang lumalaki ito ay mas nagiging kamukha siya ng Lolo Gener mo. Masaya kami, dahil nakikita namin na masaya ang nanay mo. Pero sabi nga hindi naman lahat ng istorya ay nagtatapos ng maganda, hindi rin naman pwedeng hindi dumaan sa mga pagsubok. Dumaan kami roon sa ganoong sitwasyon. Dahil... ” biglang napahinto sa pagkukwento si Lola Rosa dahil narinig niyang may kumakatok sa pinto.

“Saglit lang apo, tingnan ko lang kung sino ang nasa pinto. Kainin mo na iyang turon, marami pa akong niluto. ” sabi ni Lola Rosa.

Halatang dismayado si Nalu dahil naputol ang kwento ng kanyang Lola Rosa. Nagpatuloy na lamang siya sa pagkain ng turon.

Nang Pumatak Ang UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon