Part 2 - Chapter 13

1.2K 148 13
                                    


Benjamin

Kung naaalala ko nang tama, sinabi ko noon na gustung gusto ko ang buwan ng December. Kasi panahon ito ng kapaskuhan. At dahil bata ako noon, na sanay sa masasayang Pasko na puno ng mga pagkain, regalo at tawanan, Paskong naroon si Lola at mga kaibigan ko para sama sama kaming magcelebrate, natural lang na maging paborito ko ang panahon ng kapaskuhan.

Pero mula noong gabing iyon, na huling Noche Buena na natikman ko ang luto ni Lola, na huling beses na naghanda ako ng regalo para sa lahat ng taong mahal ko at mahalaga sa akin, kabilang at lalong lalo na si Jerry, na natulog akong may luha sa mga mata, katabi ang kaibigan kong umamin ng pagtingin sa akin subalit hindi ko nagawang ibalik ang pagmamahal, ewan ko, pero hindi na tulad ng dati ang sumunod na mga Paskong dumating sa buhay ko.

Pinaniwala ko na lang ang sarili ko na siguro, ganoon nga talaga. Na ang Pasko ay para lang sa mga bata. Na habang tumatanda ka, unti unting mababawasan ang kasabikan, ang sigla, ang saya. Para siguro wag na akong masyadong umasa, o maghanap, sa tuwing sasapit ang araw ng Pasko.

Nang dumating si JB sa buhay ko, lalo na noong nagkaisip siya, pinilit kong baguhin ang nakasanayan ko nang pagdiriwang ng Pasko sa loob ng maraming taon. Ayokong maramdaman ng anak ko na ang Pasko ay malamig, malungkot, at walang saysay na araw. Kaya naman sa abot ng makakaya ko, kahit dalawa lang kaming nagdiriwang, pinipilit kong gawing espesyal ang bawat Paskong dumarating sa buhay naming mag-ama. Naiisip ko tuloy na baka ganoon lang din ang ginagawa ni Lola dati. Pinipilit niyang mapasaya at mapasigla ang bawat sulok ng bahay tuwing kapaskuhan, kahit siguro siya mismo ay hindi naman ganoon kasaya, para sa akin.

Kasi iyon na iyon ang pakiramdam ko. Habang tuwang tuwa si JB na binubuksan ang mga regalo na pinrepare ko para sa kanya sa ilalim ng Christmas Tree (Nagiimbento ako ng mga pangalan at pinalalabas ko na malalayo silang kamaganak na nagpadala ng regalo kay JB), habang sarap na sarap siya sa pagtikim ng mga inihahanda ko tuwing Noche Buena, habang isa isa niyang dinudukot ang laman ng mga medyas na isinasabit ko sa iba’t ibang lugar sa bahay, habang kumakanta kami ng Christmas carols, habang nakikita ko ang saya sa kanyang mukha, ako parang gusto kong sumabog. Parang sa kaloob looban ko, wala akong kalaman laman. Gusto kong sumigaw ng pagkalakas lakas dahil ramdam na ramdam ko ang napakalaking kakulangan. Nakakapangilabot ang malaking bahagi na punung puno ng lamig na lumulukob sa akin. Hindi ko matanggap na niloloko ko ang anak ko para wag lang niyang makilala ang kalungkutan na unti-unting pumapatay sa ama niya. Hindi ko matanggap na habang niloloko ko ang aking anak, niloloko ko ang aking sarili.

Pero salamat sa Diyos, dahil iba ang Paskong ito. Nagpasya si Sir Julius na dito sa bahay magNoche Buena at isinama niya si Enzo, ang kanyang gwapong gwapong anak na ngayon ay 15 years old at Fourth Year High School na. Nagulat nga ako nang lapitan ni Enzo si JB at abutan ng regalo at pagkatapos ay nagmano sa akin at inabutan din ako ng regalo. Hindi ko ineexpect na mageeffort siya sa unang beses na makikita niya ako at ang anak ko.

Bago pa man din sumapit ang alas dose, nagulat kami nang dumating naman ang dalawang mokong. Sila Andrew at Kenneth.

“Hindi ba’t taon taon natin ‘tong ginagawa noon? Ngayong alam na namin kung nasaan ka, asahan mo nang bubulabugin ka namin tuwing Noche Buena simula ngayon.” tumatawa pang sinabi ni Andrew. Tulad ni Sir at ni Enzo, may regalo din sila hindi lang sa akin kundi na rin sa anak kong maningning pa sa Christmas lights ang mga mata dahil sa sobrang kagalakan. At least ngayon, hindi ko na kailangan pang magimbento ng mga pangalan at papaniwalain ang anak ko na maliban sa akin, may ibang nagbibigay ng regalo sa kanya.

Masaya kaming nagsalo-salo sa Noche Buena, at nang mabusog ay niyaya ni JB ang kanyang Kuya Enzo para maglaro ng online games sa kwarto niya. Tamang tama naman na iyon din ang hilig nung isa. At habang patuloy sa pagkain at pagkukwentuhan, kami namang mga nakatatanda ang nagpalitan ng regalo.

Two Roads - Part IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon