JeruelKinuha ni Joash ang suitcase mula sa akin at nagsimula nang maglakad patungo sa kotse na nakaparada sa labas ng gate. Binuksan ni Benjie ang hawak na payong at pinasukob ako upang ihatid papunta sa kotse. Napagusapan na namin noong isang gabi habang tulog si JB na hindi na ako magpapahatid sa airport at si Joash na lang ang bahala. Hindi ko na sinabi kay Benjie pero pakiramdam ko kasi, mas lalo akong mahihirapang umalis kung ihahatid pa nila akong mag-ama sa airport.
Si Benjie ang nagbukas ng pinto ng kotse para sa akin at pumasok ako agad sa loob para di ako mabasa ng ulan. Mahina niyang isinara ang pinto at palibhasa’y malamig ang paligid, nagkaroon ng hamog ang bintanang salamin ng kotse.
Pinagmasdan ko si Benjie mula sa nakasaradong bintanang pinalabo ng hamog. Bakit ba kasi sa dami ng araw ay ngayon pa naisipan ng ulan na bumuhos? Hindi ba nito alam na mas lalo lamang nagiging mabigat at mahirap para sa akin ang pag-alis?
Tahimik na nakatayo si Benjie habang hawak ang payong at nakalabi. May kung anong lungkot na bumabalot sa kagwapuhang iyon na hindi maitatatwa ng mga matang tahimik lang na nakatitig sa kinaroroonan ko. Hindi ko alam kung nakikita niya ako pero isa lang ang natitiyak ko. Malungkot siya sa pag-alis ko. Hindi ako nagaassume. Iyon ang nararamdaman ko.
Pumasok na si Joash at umupo sa driver’s seat habang iritableng pinupunasan ang buhok at brasong nabasa ng ulan. “Badtrip naman ‘tong ulan na ‘to eh. Ngayon pa nakipagsabayan. Ano, tara na Kuya?”
Hindi ako tumugon maliban sa tipid na tango. Pinaandar na ni Joash ang kotse. Wala nang panahon para sa mahabang paalamanan. Tutal, hindi ko rin naman gusto iyon.
Tinanaw ko si Benjie mula sa rear view mirror. Nanatili siyang nakatayo sa labas ng gate. Siguro, inihahatid niya kami ng tanaw. Ito na ito. Aalis na ako. Tatalikuran ko ang lahat ng mayroon ako sa kasalukuyan upang sumubok ng bago, malaman kung mahahanap ko ang isang bagay na ang tagal tagal ko nang hinahanap. Baka sakali, sa pagalis ko, mahanap ko rin. Katulad ng paghahanap ko sa sarili ko.
Pero bakit parang ang bigat? Bakit parang ngayon pa lang, hindi na ako masaya sa gagawin ko? Bakit parang hirap na hirap ang puso kong umalis?
Lumiko na kami sa isa pang kalye at tuluyan nang nawala sa paningin ko si Benjie. Si Benjie na tatalikuran ko na naman at hahayaan ko na namang mawala sa buhay ko sa isa pang pagkakataon. Ni hindi man lang niya nalaman kung gaano ko pinagsisisihan ang pagtalikod ko sa kanya noon. Hindi ko man lang nasabi nang maayos sa kanya kung bakit ako naging unfair. Kung bakit ko hinayaang mawala siya sa buhay ko noon.
Paano kung sa gagawin kong ito, magsisisi ako ulit? Paano kung hindi na sampung taon ang bibilangin bago kami magkita ulit? Paano kung hindi na talaga kami magkita kahit kailan? Anong gagawin ko kung lumipas man ang habangbuhay, nalibot ko man ang buong mundo, ay hindi pa rin nawala ang nararamdaman ko para sa kanya? Kakayanin ko pa kayang mabuhay? Mapapatawad ko pa kaya ang sarili ko?
Napatingin ako sa gilid ng kalsada kung saan ay may dalawang binatilyong nakasakay sa bike, nagtatawanan at naghaharutan habang hinahayaang mabasa ang mga sarili sa ulan. Bigla na lang, nagbalik sa akin ang kinse anyos na si Benjie at ang kinse anyos na ako. Noong araw na nagdala si Benjie ng mainit na sopas sa bahay na bumagay sa maulan na panahon. Iyon din ang araw na ibinigay niya sa akin ang kanyang pulang bike. Iyon ang unang pagkakataon na inenjoy ko ang ulan. Naglaro at naligo kami ni Benjie sa ulan, nagtampisaw sa baha at nagbatuhan ng putik. Masayang masaya ako noon. Masayang masaya ako sa lahat ng panahon na si Benjie ang kasama ko. At heto, paalis ako, papunta sa kung saan, palayo kay Benjie, para maging masaya? Anong laking kahangalan!
Nang magbalik ang diwa ko sa kasalukuyan, nasa main road na kami. Bumusina si Joash ng malakas at napansin ko na lang na ipit na kami sa matinding traffic.
“Ano ba yan?” reklamo ni Joash. “Pag minamalas ka nga naman. Ulan tapos traffic. Kuya, mukhang may ayaw na umalis ka ah. Male-late ka sa flight mo. Anong oras pa tayo makakarating sa NAIA nito.”
Wala na akong pakialam. Nang mga sandaling iyon, wala na akong ibang gustong gawin kundi ang balikan si Benjie. Ayoko nang umalis. Tama na. Ang tagal tagal ko nang tumatakbo. Ang tagal tagal ko nang nagsisinungaling sa sarili ko. Iwas ako nang iwas kasi pinipilit kong hindi tanggapin yung sinabi sa akin ni Mr. Ramirez noon, habang magkausap kami sa hallway ng school, na darating ang araw na kakailanganin ko ang second chance na ako mismo ay hindi ko pinaniwalaan. Hindi ko napigil ang sarili kong maiyak. Napansin iyon ni Joash.
“Kuya. Don’t worry, pipilitin kong makaabot tayo sa oras. But if ever, pwede naman siguro ipa-rebook ang flight mo. Hindi ba?” Akala niya siguro ay ang iniiyak ko ay ang idea na hindi na ako aabot sa flight ko.
Lumingon ako sa likod. Hindi makakapag-U turn si Joash sa sobrang sikip ng traffic. Wala na akong ibang naiisip na paraan. Bahala na.
“Joash, babalik ako.” Naka-akma nang bubuksan ko ang pinto ng kotse nang pigilan ako ni Joash.
“Wag kang magpaulan! Ipagda-drive kita pabalik.” sabay linga sa paligid. Alam kong batid niya na di niya magagawang magdrive pabalik, gustuhin man niya. Muli niyang inilingon ang gwapo ngunit desperadong mukha sa akin.
“Okay lang yan. Wala namang masama kung mauulanan ako paminsan minsan. Basta kapag nakaalis ka na sa traffic na ito, umuwi ka na. Ako na lang ang kukuha ng mga gamit ko sa bahay mo. Pasensya na sa abala, Bunso.”
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Joash. Mabilis kong binuksan ang pinto ng kotse at tumakbo matapos bumaba at muling isara iyon. Sandali pa lang ay basang basa na ako agad.
Tumakbo lang ako nang tumakbo. Wala akong pakialam kung nagtitilamsikan ang tubig baha na nadadaanan ko. Wala akong pakialam kung pinapalabo ng hamog at patak ng ulan ang suot kong salamin sa mata. Wala akong pakialam kung ginaw na ginaw na ako at nanginginig na ang katawan ko sa lamig. Ang tanging iniisip ko lang ay ang makarating agad sa bahay ni Benjie.
Sa wakas ay sinapit ko rin ang gate. Pakiramdam ko ay sasabog ang baga ko dahil sa sobrang pagod. Idagdag pa ang damit at sapatos kong bumigat dahil basa. Kung pwede lang gapangin ang pagitan mula sa gate papunta sa pinto ay ginawa ko na.
Kung ilang beses akong kumatok ay hindi ko na alam. Basta ang alam ko lang ay halos pigilin ko ang hininga ko nang bumukas ang pinto at bumungad si Benjie. Pinagmasdan ko ang singkit na mga mata, ang manipis na mga labi. I am home. This is all I need.
“Jerry! Bakit ka nagpaulan?” Hindi pagkagulat ang rumehistro sa mukha ni Benjie kundi pagaalala. “Bakit ka bumalik? May naiwanan ka ba?”
Tumango ako. Nanginginig pa rin ang katawan ko sa sobrang lamig. “May naiwanan ako. Na kung hindi ko pa babalikan ngayon, natatakot ako na habangbuhay nang mawawala sa akin.”
“Jerry.”
“Benjie, pwede ba kitang hawakan?”
Hindi sumagot si Benjie ngunit mabilis akong niyakap nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit. Tumulo ang luha ko. Diyos ko, ito ang kailangan ko. Ito ang ipinagkait ko sa sarili ko sa napakahabang panahon. Yung pakiramdam na kahit halos lamunin na ako ng masamang panahon sa labas, ligtas ako at hindi mapapahamak dahil narito si Benjie, nakayakap sa akin ng mahigpit.
“Benjie.” nasambit ko kasabay ng paghahabol ng hininga at malakas na kabog ng dibdib. Humagulgol ako na parang bata. “I’m sorry. I’m so sorry. Bakit ko ba nagawang talikuran ka? Bakit ko ba nagawang hayaang mawala ka sa buhay ko? I’m really sorry, Benjie. I’m really sorry.”
Ang sumunod na ginawa ni Benjie ay hindi ko inaasahan. Siniil niya ng halik ang mga labi ko. Mapangahas, at napakainit. Balewala ang lamig sa paligid, ang basang damit na dumidikit sa katawan ko dahil sa init ng halik na iyon. Napakatagal kong inasam na mahalikan muli ang maninipis na labi ni Benjie. Labing-isang taon. Napakatagal kong nanabik. Napakatagal kong nangulila. Panahon na para mahanap ng puso ko kung saan talaga ito nararapat mapunta.
BINABASA MO ANG
Two Roads - Part II
RomanceThe bright boy and the bully meet again after 10 years. Will they finally have the chance to give way for the love they lost 10 years ago? 2013