Part 2 - Chapter 4 (1 of 2)

1.5K 160 5
                                    

Benjamin

Ibang klase rin kung maglaro ang tadhana no? Sa loob ng sampung taon, inasam asam kong makitang muli si Jerry. Sampung taon akong nasabik. Sampung taon akong nangulila. At kung kailan hindi ko inaasahan, saka ko siya biglang nakita. At lahat ng nangyari, taliwas sa inaasahan ko.

Hindi ko akalaing makakakilos ako na parang normal lang. Na parang walang nangyari. Na parang hindi sampung taon ang lumipas. Akala ko noon, pag nakita ko si Jerry, bubuhos ang emosyon ko. Akala ko hindi ko mapipigilan ang sarili ko. Pero iba pala talaga kapag nadadagdagan ka ng edad at karanansan. Mas nagiging mature ka. Mas nagkakaroon ka ng control. Mas nakakapag-isip ka nang tama, kung ano ang dapat ikilos at sabihin.

Hindi lang kami basta nagkita ni Jerry. Pinatuloy ko pa siya dito sa bahay ko. Kaya pala kahapon, kahit marami akong dapat asikasuhin, naisipan kong ayusin at linisin yung kwarto malapit sa kwarto ni JB. Siguro naforesee na ng isip ko na may mahalagang paggagamitan ang kwartong iyon kinabukasan.

Ewan ko bakit mabilis pa sa alas kwatro ang desisyon kong patuluyin si Jerry dito. Basta ang alam ko lang, si Jerry siya. At hindi maaatim ng konsensya kong pabayaan siya ngayong nakita ko na siya ulit. Kaya lang, iba na siya. Iba na siya sa Jerry na nakilala ko. Para bang twing titingnan ko siya, may kung anong nakabalot sa kanya. Hindi malinaw sa akin kung ano, pero ang alam ko lang, bumibigat ang pakiramdam ko. Parang nakakalungkot.

Nang isara na niya ang pinto ng kwarto niya, parang gusto kong umiyak. Hindi ko alam ang eksaktong dahilan. Dapat nga masaya ako kasi sa wakas, nakita ko na siyang muli.

Siguro dahil alam ko sa sarili ko na hindi na gaya ng dati ang lahat. Matagal ang sampung taon. Kung ano man ang mga napagdaanan namin sa loob ng sampung taon ay mahirap ikumpara sa iilang buwan na pinagsamahan namin noong mga bata pa kami. Sa madaling salita, para kaming bumalik sa pagiging estranghero sa isa't isa. Dapat pang kilalanin, dapat pang sanayin ang sarili sa presensya ng isa't isa. Napakahirap. Dahil kahit ganun, sa puso ko naman ay hindi nabubura kung sino ba talaga si Jerry, at kung ano siya sa buhay ko.

Kinabukasan, pumasok ako sa trabaho at si Jerry ay umalis para lakarin ang mga papeles niya. Alas onse ng umaga hanggang alas syete ng gabi ang shift ko sa spa. Matagal na rin ako sa trabaho kong ito kaya nakasanayan ko na ang oras. Pero iba ang araw na iyon. Parang bigla na lang, gusto ko nang hilahin ang oras para makauwi na ako. Oo, dati ay excited akong makauwi kaagad para makita ang anak ko, maabutan siyang gising. Pero sa pagkakataong ito, doble ang pagkasabik ko. Alam ko kung bakit. Dahil dalawa sila na uuwian at dadatnan ko sa bahay.

Kaya naman nakakainis nang sabihin ng boss ko na magextend pa ko ng 1 hour dahil may Koreanong kliyente daw na nagbook sa akin ng 7 PM para sa 1 hour Shiatsu massage. Hindi na ko nakahindi dahil matagal ko nang kliyente iyon at malaki rin magbigay ng tip dahil daw sa Koreano din ako tulad niya. Pero nakakapagsisi dahil bago pa man din magstart ang massage ay nagrequest na ibody scrub ko daw muna siya. Lalo tuloy nagtagal.

Dumaan na lang ako sa McDo para magtake out ng fries at sundae para ipasalubong kay JB dahil dalawang magkasunod na gabi na kong umuuwi nang late. Syempre, idinamay ko na rin si Jerry sa pasalubong ko.

Pagdating ko sa bahay, tahimik na tahimik. Tulog na siguro ang dalawa. Dumeretso ako sa kwarto ni JB. Tama ang inisip ko. Tulog na nga ang anak ko. Ibig sabihin, binasahan ulit siya ni Jerry ng kwento dahil hindi naman nakakatulog ang batang iyon kung hindi babasahan. Nakakatuwang isipin na palagay na agad ang loob niya kay Jerry kahit kagabi lang sila nagkakilala. Siguro, ramdam din niya ang pakiramdam ko para kay Jerry noong mga bata pa kami.

Sunod kong sinilip ang kwartong pinagamit ko kay Jerry. Bukas ang pinto kaya di na ko kumatok. Nagtaka ako nang hindi ko makita doon si Jerry. Hindi pa kaya siya umuuwi? Kung ganoon, sino ang nagpatulog sa anak ko? Hindi naman pwedeng si Manang Jean dahil hindi nga iyon marunong magbasa. At isa pa, hindi iyon aalis hangga't wala pa ako. Nasaan si Jerry?

Two Roads - Part IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon