15 - Bawal

8 1 0
                                    

BAWAL 

nagustuhan kita nang hindi ko inaasahan,
pinilit na hindi pansinin itong nararamdaman,
ngunit mas lalong lumalala sa mga araw na dumaraan,
lalo na't pinapakita mo na ako rin ay 'yong natitipuhan,

lagi-lagi tayong magkakasama,
kasama ang mga kaibigan ko at masasabi kong masaya,
puro tawa ang ating usapan,
tahimik lamang ako at minsan kang pinagmamasdan,

isang araw ay nagtanong na ako sa'yo,
"Ano ba ako sa'yo?" iyan ang sabi ko,
sabi mo na ako sa'yo ay espesyal,
galaw ng mundo ay mistulang bumagal,

nagdaan ang ilang buwan,
mas lalo kitang minamahal nang lubusan,
ngunit sa tingin ko'y mas dapat itong mawala,
dahil bawal ito sa kanilang mga mata,

laging nakahanda, papel at tinta,
nagsulat ng mga tula na ikaw ang paksa,
hindi alintana kung ilang saknong at linya,
ang mahalaga'y nakasulat ang aking nadarama,

tayo'y nagkamabutihan,
ngunit hindi pinakita sa kanilang harapan,
masakit man isipin,
pero ito'y bawal pa rin,

isang araw ay umalis ka nang hindi nagpapaalam,
ang sakit sa puso na lubos kong dinamdam,
ngunit pipiliting tanggapin na hindi nagtagal,
lumayo ka sapagkat ito talaga ay bawal,

itinigil ang pagsusulat ng tula,
kung magsulat man ay hindi na ikaw ang paksa,
tutulungan ang sarili na limutin ka,
sapagkat ngayon ay wala na akong magagawa pa.

Unspoken ThoughtsWhere stories live. Discover now