Simula

24 3 5
                                    

"Simple lang naman ang gusto ng mga taong narito, iisa lang kami ng mithiin at layunin--- na sana, bigyan kami ng karapatan na nararapat para sa amin. Na sana'y dinggin ang matagal na naming hinihiling. Umaasa pa rin kami na darating ang araw at bubuksan niyo ang inyong pandinig at pakikinggan ang sigaw ng bawat isa sa amin!" panimula ni Aelise, ang lider ng grupo namin. Kinakausap niya kami, ang panibagong grupo ng kabataan na gustong sumali sa samahang pinatatag apat taon na ang nakalipas ng naunang batch ng mga estudyante sa kolehiyo.

Ang mga salitang binitiwan niya ay lubusang nag-iwan ng marka sa aming mga isipan. Ang bawat kataga ay may diin, puno ng kasiguraduhan at tapang.

Kasalukuyan kaming nakaupo sa loob ng apat na sulok ng kwartong ito, hinahagilap ang paninindigan sa mata ng isa't isa. Batid kong iisa lamang kami ng layunin. Batid kong iisa lamang ang gustong isigaw ng nakatikom namin na labi.

Siguro nga'y hindi kami maiintindihan ng karamihan sa inyo, pero alam namin kung ano ang para sa amin at iyon ay ang karapatan. Mas pinili naming lumaban sa kabila ng pagtulak sa amin ng mga nasa itaas para lamang maibaba kami. Mas pinili naming magsalita sa kabila ng pagiging bingi ng mga tao na inaasahan naming magbibigay ng pagbabago. Mas pinili naming tumayo sa kabila ng pagpipilit na ibaon kami sa pinakamalalim na parte ng lupa.

Isa isa kong tiningnan ang mga kabataang nakataas ang noo, buo ang loob sa bawat laban na maaaring harapin.

Siguro nga'y may pag-asa pa ang mga kabataan. Baka sakaling tayo pa ang makakamit ng pagbabago na ipinaglaban ng mga nasa unang henerasyon.

Ang makabagong henerasyon na matagal nang hinihintay ng bayan. Marahil ang iba'y ginagamit ang kanilang tinig at ang iba nama'y inilalaan sa pagguhit o pagsulat ng akda, ngunit sa puso'y nakadikit ang iisang layunin. Iisang prinsipyo na ipaglalaban... katumbas man nito ay ang pag-aakala ng iba na mali ang ipinaglalaban mo.

"Nandito tayo para sa iisang layunin--- ang makuha ang karapatan ng bawat isa. Sabay-sabay nating salubungin ang ihip ng hangin, sabay sabay tayong humiwalay sa agos ng mundo." pagpapatuloy ko, at sa oras na ito, alam kong iisa lamang ang takbo ng isip ng mga tao na nasa loob ng kuwartong ito. Katapangan ang tanging babaunin namin sa laban na matagal na naming binibigyan ng pansin.

Siguro nga ay nagsisimula nang makaramdam ng takot ang karamihan dahil sa bawat paglipas ng panahon, mas tumatatag at dumarami ang mga kabataan na humahanap ng paraan para sa pagbabago. Ang matagal na nilang kinatatakot... ang pagkakaroon ng kabataan ng bukas na isip para punahin ang mga bagay na hindi nararapat.

MerakiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon