Meraki 2

13 2 18
                                    

Issha

Tahimik akong nakaupo sa sala habang nanonood sa balita. Pinakita ang mga nag-ra-rally, mga magsasaka. Nakakalungkot. Umabot na sila sa ganitong punto.

Muli kong binuksan ang aking cellphone at nagresearch tungkol sa kasalukuyang balita. Bigla kong naisip ang kalagayan nila, sobrang hirap. Mula sa mga gawain nila na alam kong hindi madali, hanggang sa pagkakaroon ng maliit na kita sa kabila ng naranasang hirap.

Aaminin kong minsan ko na ring pinangarap na makiisa sa mga nag-ra-rally. Hindi ba ay parang masaya na may nagawa ka para mapunan ang pagkukulang?

Ngunit sa kabila ng kagustuhan kong ito ay siya ring pagpili kong manahimik. Takot... 'yon ang kumakain sa sistema ko. Kaya kahit alam ko na may mali ay pinipili ko na lang na pumagitna sa mga tao na may alam, sa mga walang ideya, at maging sa mga tao na sarado ang isipan. Heto ako, ang tao na pinipilit isara ang isipan.

Siguro, iniisip ng iba na wala akong alam sa mga ganitong bagay. Pero alam ko sa sarili ko na ito ang pinakamalaki kong sikreto. Ang pagpilit na pagtalikod sa dapat na tungkulin ko para sa bayan. Nakakapanghinayang.

Meron man akong isip na bukas sa ganitong usapin, wala naman akong boses na handang pag-usapan ito. Meron man akong mata na nakadilat sa ganitong usapin, wala naman akong puso na handang harapin ito.

Naubos ang oras ko kakaisip sa mga pagkukulang ko hanggang sa dumating isa-isa sila Mama. Saglit akong tumayo para salubungin ng halik si Mama, at matapos ang ilang oras ay si Papa naman na galing sa trabaho. Irap lang ang ibinigay ko sa kapatid ko, masungit kasi ako.

"Naglinis ka ba ng bahay, Issha?" Tanong ni Mama nang maalala ang inutos niya sakin bago umalis.

"Walang kalat, Mama, kaya oo ang sagot diyan." Sagot ko sabay kindat pa.

Aakyat na sana ako sa taas para pumunta sa kwarto ko nang muli itong sumigaw para itanong kung nalinis ko ba yung kwarto nila. Nilakasan ko na lang ang sagot ko dahil tapos naman na talaga.

Umupo ako sa harap ng lamesa at kumuha ng isang ballpen. Nagsimula akong sumulat ng tula, konektado sa mga bagay na naisip ko kanina. Ang tanging magagawa ko sa ngayon ay ang magsulat nang tahimik, nang hindi nalalaman ng kahit sino. Iyon ang sandata ko sa ngayon.

Kinabukasan ay nakatanggap ako ng message mula sa mga kaibigan ko at nag-aaya sa plaza dito sa amin. Maliban kay Via, nakabuo rin ako ng kaibigan nang makatungtong ako sa sekondarya. Pero magkakaibang school na kami ngayong college. Iba't ibang kurso pero iisang goal. Napangiti na lang ako sa naisip at nagsimula nang ihanda 'yung mga gamit ko para sa araw na 'to.

Simpleng white shirt at short lang ang sinuot ko. Sigurado naman akong hindi rin sila magbibihis nang sobrang formal dahil kwek-kwek at fishball lang din naman ang kakainin namin. Nagpaalam na ako kay Mama at kilala na rin niya 'yung mga 'yon kaya hindi naman ako binawal.

Pagkadating ko ro'n ay ako na lang ang hinihintay. Inirapan nila ako isa isa kaya naman wala akong nagawa kundi ngumiti at mag-peace sign. Alas diez pa lang naman. Yun lang, alas nueve y media ang usapan namin.

"Ang aga naman kasi, mga ateng!" Pasimpleng reklamo ko nang nakitang masama pa rin ang tingin nila sa akin.

"Maaga nga, late ka naman. Reklamo ka pa diyan, pahampas nga." Gigil na sabi ni Luna.

"Sorry na nga, attitude mo, ha." Nang-aasar pa na sagot ko sa kaniya kaya 'di na nakapagpigil at nahampas na niya ako, buti na lang at malakas ang instinct ko, nakaiwas ako agad kaya nadaplisan lang ng kamay niya ang braso ko.

Naghanap kami ng magandang pwesto nang makapasok kami sa bilihan ng pagkain. Prente akong naupo at inabot ang share ko na pera. Sila na ang bahala, tutal mag-Accountant naman yung dalawa sa kanila, kaya na nilang i-divide 'yan nang maayos.

"Kumusta yung pag-enroll mo, Issha?" Tanong ni Lyra. Sa aming apat, siya yung pinaka-seryoso. Hindi ko alam kung paanong nasama sa amin 'to, parang anghel at itinulak sa tahanan ng mga demonyo.

"Ayos, easy lang siya, girl. Tamang fill up lang ako ng form." Sabi ko sabay kindat ko pa. Napangiwi naman siya sa inasta ko. "Ikaw ba, Attorney?" Pagtatanong ko sa kaniya pabalik.

"Hoy, parang tanga. Kinilig ako ro'n ah." At hinampas pa ako ng baliw. "Well, the exam is not easy. The result will probably disappoint my family, the three of you, and especially me. I would probably give up. But no, that should never happen." Natahimik naman ako nang sandali dahil sa sagot niya. Nakakaloka, parang sobrang hirap nga.

"Ano ka ba, naniniwala kami sa 'yo. Alam naming kaya mo 'yan." Pagpapalakas ko ng loob niya. Napangiti naman siya at tumango na lang. "We are going to reach our goals, go lang!" Dugtong ko pa at ginulo niya naman ang buhok ko.

Kwentuhan lang ang ginawa namin habang kumakain. Tungkol sa goals, sa kurso na kinuha sa college, sa mga balita sa tv, sa mga organizations na pwedeng salihan sa pagpasok sa college, at hindi ko malaman kung paanong napunta sa crush.

"Ikaw nga crush mo si Lino, tanda mo 'yon? Ang harot mo no'n, girl." Pang-aasar sa akin ni Shaira.

"Excuse me, maharot ako hanggang ngayon." Pagbabalik ko at tumawa na naman sila nang malakas. Babaw rin ng mga 'to, eh.

Kung saan saan lang napunta ang usapan namin hanggang sumapit na ang alas dos. Nagpaalam na kami sa isa't isa dahil may mga pupuntahan pa sila.

Naglakad ako pauwi dahil kaya namang lakarin. Pang-alis taba sa katawan. Buti na lang at may silong ang mga daan dito. Habang naglalakad, naisip ko bigla ang mga issue ng bansa.

Hindi ko alam kung bakit, pero malakas ang kutob ko na may nagbibigay na ng pahiwatig. Kailangan ko nang bigyan ng pansin itong mga naiisip ko. Kailangan ko nang ayusin ang mga desisyon ko dahil maaaring ito ang calling ko sa buhay.

Kailangan ko nang gamitin ang  boses ko para sa bayan. Kung hindi boses, marahil sapat na ang pagsulat at pagkakaroon ng mulat na isipan. Siguro ito talaga yung kulang sa 'kin. Sana ay sapat pa ang panahon ko bago magsimula ang klase para patatagin ang loob ko. Takot lang ito.

,

MerakiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon