Meraki 9

11 2 6
                                    

Naupo ako sa upuan na inilaan sa 'kin ni Kai. Katabi niya ko kasi raw close na kami. Nasa kaliwa ko siya. May dalawang space pa sa kanan ko at hindi ko alam kung may nakalaan na ba rito o kung sino lang ang gustong umupo. 

Sabi nila, 27 daw kaming lahat. Nang binilang ko ang nandito ay 22 pa lang kami. Wala pa yung apat na nakasalubong ko kanina sa cafè. At si Aelise na mangunguna sa meeting. 

Nakakalat pa sila kahit nakaayos na ang mga upuan. May nasa lamesa nila Nathan, may tumayo para kumuha ng tubig, may nasa pintuan para abangan ang ibang miyembro at may nagse-cellphone na nakahiga sa sahig. Hindi naman marumi rito dahil may naglilinis araw araw bago umuwi kaya ayos lang kahit gumulong gulong pa siya.  At wala rin namang dumadaan sa side na 'yon kaya malinis talaga.

5:05 na, ang lakas ng loob nilang sabihan ako pero sila naman yung wala pa hanggang ngayon. Hay nako. 

Nag-cellphone na lang ako at ilang sandali lang ay bumukas na ang pinto dahilan kung bakit napaangat ang tingin ko.

Nandito na yung mga paepal na paespesyal. 

Dumako ang tingin ni Dex sa 'kin at nang nakitang may dalawang blankong upuan pa ay hinila niya si Archer.

Jusko, mang-aasar na naman 'to.

Hindi ko na lang sila nilingon kahit alam kong nakatingin sila. Hay nako, makapambwiset lang.

Buti na lang ay dumating na si Aelise. May rason na ko lalo para hindi tumingin at mailang dahil nakafocus na kami kay Aelise. Nagsimula na siya at naramdaman kong biglang nagbago ang ihip ng hangin.

"Simple lang naman ang gusto ng mga taong narito, iisa lang kami ng mithiin at layunin--- na sana, bigyan kami ng karapatan na nararapat para sa amin. Na sana'y dinggin ang matagal na naming hinihiling. Umaasa pa rin kami na darating ang araw at bubuksan niyo ang inyong pandinig at pakikinggan ang sigaw ng bawat isa sa amin!" panimula ni Aelise, ang lider ng grupo namin. Kinakausap niya kami, ang panibagong grupo ng kabataan na gustong sumali sa samahang pinatatag apat taon na ang nakalipas ng naunang batch ng mga estudyante sa kolehiyo.

Ang mga salitang binitiwan niya ay lubusang nag-iwan ng marka sa aming mga isipan. Ang bawat kataga ay may diin, puno ng kasiguraduhan at tapang.

Kasalukuyan kaming nakaupo sa loob ng apat na sulok ng kwartong ito, hinahagilap ang paninindigan sa mata ng isa't isa. Batid kong iisa lamang kami ng layunin. Batid kong iisa lamang ang gustong isigaw ng nakatikom namin na labi.

Siguro nga'y hindi kami maiintindihan ng karamihan sa inyo, pero alam namin kung ano ang para sa amin at iyon ay ang karapatan. Mas pinili naming lumaban sa kabila ng pagtulak sa amin ng mga nasa itaas para lamang maibaba kami. Mas pinili naming magsalita sa kabila ng pagiging bingi ng mga tao na inaasahan naming magbibigay ng pagbabago. Mas pinili naming tumayo sa kabila ng pagpipilit na ibaon kami sa pinakamalalim na parte ng lupa.

Isa isa kong tiningnan ang mga kabataang nakataas ang noo, buo ang loob sa bawat laban na maaaring harapin.

Siguro nga'y may pag-asa pa ang mga kabataan. Baka sakaling tayo pa ang makakamit ng pagbabago na ipinaglaban ng mga nasa unang henerasyon.

Ang makabagong henerasyon na matagal nang hinihintay ng bayan. Marahil ang iba'y ginagamit ang kanilang tinig at ang iba nama'y inilalaan sa pagguhit o pagsulat ng akda, ngunit sa puso'y nakadikit ang iisang layunin. Iisang prinsipyo na ipaglalaban... katumbas man nito ay ang pag-aakala ng iba na mali ang ipinaglalaban mo.

"Nandito tayo para sa iisang layunin--- ang makuha ang karapatan ng bawat isa. Sabay-sabay nating salubungin ang ihip ng hangin, sabay sabay tayong humiwalay sa agos ng mundo." pagpapatuloy ko, at sa oras na ito, alam kong iisa lamang ang takbo ng isip ng mga tao na nasa loob ng kuwartong ito. Katapangan ang tanging babaunin namin sa laban na matagal na naming binibigyan ng pansin.

Siguro nga ay nagsisimula nang makaramdam ng takot ang karamihan dahil sa bawat paglipas ng panahon, mas tumatatag at dumarami ang mga kabataan na humahanap ng paraan para sa pagbabago. Ang matagal na nilang kinatatakot... ang pagkakaroon ng kabataan ng bukas na isip para punahin ang mga bagay na hindi nararapat.

Matapos ng seryosong usapan na 'yon ay pinatayo kami, ang apat na bagong miyembro ng grupo, para magpakilala.

Sinamaan ko ng tingin si Dex dahil kanina pa siya mukhang tanga roon. Palakpak nang palakpak at tulak nang tulak kay Archer. Tuwang tuwa naman yung isa. Bigla na naman akong nagtaka sa kilos nila.

Balik sa usapan, iniisip ko noong una kung bakit parang ang dami namin. Nalaman ko na lang na pito pala sa kanila ay graduating na. Siguro, ito yung pinakamalungkot sa lahat. Pag-alis sa lugar na ilang taon mong nakasanayan.

Karamihan dito ay second year. Nakakatuwa na halos lahat dito ay first year pa lang, sumubok nang pumasok sa Club na 'to.

I can sense the passion and the eagerness of everyone to write. These people are definitely eagles.

Maging si Dex na madalas na nanloloko ay seryosong nakikinig kay Aelise kanina. I felt his connection to words.

Si Archer na minsan ay seryoso pero mas madalas na nang-aasar ay gano'n din. If you'll look at him for the first time, you'll never know that he can be this passionate in everything. Ang magaan na awra ay sandaling bumigat. Ang nakakulong na agila ay tila biglang nakalaya.

Sobrang payapa niyang tingnan, maliban na lang nang makita niya akong nakatitig. Nakipag-ngisihan na lang ako para 'di masyadong nakakahiya.

Muli kong inikot ang tingin ko. Sa lahat ng nandito ay si Aelise at Kuya Karl ang may pinakamabigat na tingin.

Mga agila na namumuno sa mga agila upang makasulat nang malaya at payapa.

Mga agila na may iisang layunin, magsulat hanggang sa marinig. 

Mga agila na tila nagsisimula nang maging ganap na agila; matapang at puno ng paninindigan. Handa nang salubungin ang malakas na ihip ng hangin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 11, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

MerakiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon