Meraki 4

7 1 0
                                    

Ilang araw pa ang lumipas at nagsimula na ang klase. Kasalukuyan akong naglalakad sa kalagitnaan ng hallway, nakakatawa dahil mukha akong batang nawawala.

Si Via ay nagpunta na sa building nila. Medyo malayo siya sa building namin kaya baka hindi rin kami madalas magkita. Naalala ko 'yung tawag niya nang gabi na 'yon. Pagkatapos no'n ay nakatulugan na namin ang isa't isa nang hindi pa rin binababa ng kahit sino sa amin ang linya. Kinabukasan ay narinig kong may maingay sa ibaba kaya dali dali akong tumakbo sa hagdan. Ka-close niya sila Mama kaya ayon, sanay na sanay mag-ingay ang loka. Hinayaan ko lang siya at naghilamos na. Nang matapos ang tanghalian ay nag-usap kami. Di tulad kagabi, parang nahimasmasan na siya.

"Si Mama kasi, sobrang bigat ng idinadagan niya sa akin. Parang wala akong choice kundi sakalin ang sarili ko kaysa siya ang sumakal sa akin. Nakakasawa na." Nakatulala niyang sabi. Kilala ko si Tita at totoo ang sinabi ni Via ngayon. Simula nung Elementary, sobrang taas ng expectation niya rito sa isa kaya kapag hindi naaabot ni Via ay mahahalata mong disappointed siya. Nakakalungkot na kailangan pang maging ganito. Nakinig lang ako sa kaniya at inalo siya. Ilang oras lang kaming ganoon hanggang sa tinawag kami ni Mama para sa miryenda.

"Psst, Issha, nasa'n yung Kuya mo?" Mahinang tanong nito at humagikgik pa. Binatukan ko naman siya at inirapan na lang. Crush nito yung kapatid ko at alam naman ni Kuya, hindi lang talaga pinapansin.

Nang mag-alas singko na ay nagpaalam na siyang uuwi na. Nagpasalamat siya kay Mama at inirapan ako. Aba, napakasama talaga ng ugali ng impakta na 'to.

"Ate, napansin mo si Maam Ria?" Pagkalabit sa 'kin ng isa.

"Ay, bago lang po ako. Hindi pa familiar sa teachers, sorry po." Nagawa ko pang ngumiti nang nahihiya. Nagulat ako, akala ko kung sino. Pero hindi ko naman siya kilala kaya hindi ko talaga alam kung sino.

"Ay, gano'n ba? Sige salamat." Parang nahihiya rin na sagot niya at umalis na. Mabilis ko namang hinanap ang room ko. Nagpost naman na ang school sa website ng schedule at kung saan ang section namin. Nakita kong kaunti lang ang mga nag-take ng BA Psychology, apat na section lang ang meron kami.

Mabilis akong umupo sa bakanteng upuan sa gawing gitna nang mahanap ko ang room namin. Mabilis na nanlaki ang mata ko nang makita si Alice, kaklase ko nung Junior High. Agad siyang kumaway at lumipat sa tabi ko. Hindi naman kami gaanong magkasundo nito pero masaya ako tuwing kausap ko siya noon. Seatmates kami at nasanay na rin ako sa presensya niya. Pero lumipat siya ng school nang mag-Senior High kami at nawalan ng komunikasyon. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko man lang naisip na hanapin siya sa facebook.

"Hoy, nakita ko yung name mo sa website! Natuwa ako kasi may kakilala agad ako kahit papaano." Tumatawang sabi niya pa sabay hampas sa braso ko. Ang hinhin niya, pero laging ganito. Nagkakasakitan kami.

"Hala, hindi ko na binigyan ng pansin 'yon dahil alam kong wala naman akong kakilala. Basta section at schedule lang ang tiningnan ko." Wala akong kamalay-malay na ganito 'yong mangyayari kaya hindi ko na na-check.

"Keri lang 'yan. Tamad ka pa rin." Pang-aasar niya sa 'kin. Sinamaan ko naman siya ng tingin at sa huli'y natawa na rin.

"Hoy, nagbago na ko." Pagmamalaki ko kahit hindi naman talaga. Nakasanayan na naming asarin ang isa't isa noong magkaklase pa kami. Hindi kasi ako nagsusulat ng lectures at umaasa sa hiram na notebook pagkatapos ng klase.

"Dapat lang, 'no," Nag-make face pa ang loka. "Natatawa na lang ako kapag naaalala ko 'yong mga ginagawa natin. Sobrang isip bata, kahit na alam kong bata pa naman talaga tayo no'n, hindi talaga siya naaayon sa edad natin." Napahalakhak pa siya na agad ko namang nasabayan dahil tama naman siya.

"Nga pala, bakit ito yung course na kinuha mo?" Nagtatakang tanong ko sa kaniya. Napakunot pa ang noo ko dahil wala talaga akong idea. "Ang buong akala ko, Doctor ang kukunin mo. Hindi ba, napag-usapan na natin 'yan noon? Although alam kong hindi ka sure doon, nakikita kong 'yon ang gusto mo. So, anong nangyari?" Kuryoso kong dugtong.

"Well, hindi gusto ni Mama. Nagkaaway na kami nang ilang ulit pero wala talaga. Hindi ko naman kayang pag-aralin ang sarili ko, kaya wala akong magawa. Dahil may tatlong choices naman ako, I chose this. I was about to take BS Psych pero walang slot so..." ramdam ko ang lungkot sa boses niya. Nakakalungkot na hindi siya kayang suportahan sa bagay na gustong gusto niya. Ngumiti na lang siya sa 'kin, ipinapakita na ayos siya. Tinitigan ko lang siya.

"If you really want to be a doctor, siguro kapag kaya mo nang pag-aralin ang sarili mo. Medyo matatagalan ka riyan pero sana... sana maabot mo." Nakangiti kong sabi sa kaniya.

"Well, yes. That's my plan, pero tingin ko naman, mamahalin ko rin 'tong kurso na ito." Nakangiti pa ring sabi niya. "Ikaw, why did you chose this?" Biglaang tanong niya sa akin. Saglit naman akong nag-isip at hinanap ang tamang salita.

"There's something about broken people that I love the most. I can see the bravery in their eyes. The eagerness to fight and save themselves from drowning into the deep sea of sadness." Malumanay na sabi ko at hindi ko namalayang nakangiti na ako habang binabanggit ang mga 'yon.

MerakiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon