Meraki 3

10 2 10
                                    

Inayos ko 'yung mga binili kong pagkain at inilagay sa ref. 'Pag ito naubos, alam kong si Kuya yung nagpabalik-balik.

Nang matapos kong ayusin ang mga pagkain ay umakyat ako sa kwarto para naman ayusin ang mga gamit ko. Pagpasok ko sa kwarto ay agad na nag-ring ang cellphone ko at nakitang si Via ang tumatawag.

"Lah, para kang tanga." Bungad ko sa kaniya sabay tawa pa. Wala lang, trip ko lang maging ganito sa kaniya.

Ilang minuto ang lumipas at hindi pa rin siya nagsasalita. Napakunot ang noo ko at pinakinggan ng mabuti ang kabilang linya.

"Hoy, baliw ka. Anong nangyari sa 'yo?" Nag-aalala kong tanong nang marinig ko ang tahimik na paghikbi niya.

Ganito kadalasan ang set-up namin ni Via. Kapag inaatake ng kalungkutan ang isa sa amin, ginagawa naming takbuhan ang isa't isa. Nasanay na kami na gano'n pero hindi pa rin ako nasasanay sa mga pag-iyak niya. Nalulungkot ako kasabay ng lungkot na nararamdaman niya.

"Via, ano ba? Anong nangyari sayo, ha?" Pamimilit ko sa kaniya. Nang hindi pa rin siya magsalita ay tumahimik na lang din ako at pinakinggan ang pag-iyak niya. Unti unti na niyang pinakawalan ang tahimik na paghikbi hanggang sa makarinig na ako ng mahinang hagulgol.

Natatakot ako para sa kaniya. Nanghihina ako para sa kaniya. Hindi ko alam kung paano ko tutulungan ang kaibigan ko.

"Via, makinig ka. Gusto ko lang sabihin sa 'yo na hindi ko kayang iligtas ka mula sa kalungkutan mo. Hindi ko kayang sagipin ka mula sa dagat ng kalungkutan dahil alam kong ikaw lang ang makakagawa niyan. Ikaw lang ang makakalangoy para sa 'yo." Panimula ko sa kaniya. Kahit walang salita ay alam kong nakikinig siya sa akin.

"Pero kahit gano'n, gusto ko rin na malaman mo na kasama mo ako sa bawat hamon na 'yan. Nanonood ako habang pinipilit mong lumangoy para umahon, at naghihintay ako sa 'yo nang nakangiti  dahil alam kong kaya mo at kakayanin mo. Naiintindihan mo ba ko?" Pagpapatuloy ko pa. "Umiyak ka lang ngayon. Hayaan mo lang ang sarili mong magpahinga. Bigyan mo nang oras ang sarili mo para maging mahina. Pero siguraduhin mong pagkatapos niyan, siguraduhin mong lalangoy ka ulit. Kahit gaano kalalim. Naniniwala ako sa 'yo. Kaya sana lang ay maniwala ka rin sa sarili mo."

Ilang oras kaming gano'n. Hindi naman ako nag-alinlangan. Alam kong kailangan niya ako, pero alam ko rin na pinipilit niyang palakasin ang sarili niya sa tulong ng sarili lang din niya.

Hindi naman nga siguro masama ang maging mahina, pero sa kabila nito, dapat din bigyan mo ang sarili mo ng pagkakataon para lumakas... at para maging matapang. Hindi natin kalaban ang oras, ito ay siyang nagbibigay sa 'tin ng pagkakataon. Para baguhin ang sarili natin at maging aral ang pagkakamali natin.

Bigla kong naalala ang sarili kong kahinaan. Siguro nga, may pagkakataon pa talaga ako para harapin ito.

MerakiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon