Chapter 1. "Lost Memory, Lost Love"
Lowell's POV
Tulala akong nakamasid sa labas ng bintana at pinagmamasdan ang puno sa labas habang nakaupo sa kama ko. Narito ako sa ospital isang linggo na akong narito matapos ko raw maaksidente. Malamig ang simoy ng hangin na nanggagaling sa bintana pero natutuwa ako dahil ang sarap nitong damhin kapag tumatama sa mukha at balat ko. Pero hindi pa rin maalis sa isip ko ang mga tanong na bumabagabag sa isip ko. Ano bang nangyari?
Huminga ako ng malalim at pinikit ang aking mga mata at nilasap ang ihip ng hangin mula sa bintana papasok sa kwarto ko. Sa ganitong paraan man lang ay makalimutan ko ang pag-alala sa nakaraan ko at paggunita sa nabura kong alaala. Ang sabi sa akin, naaksidente raw ako at ito ang naging epekto ng aksidente sa akin. Wala akong maalala sa nangyari sa akin. May mga alaalang nabura sa isip ko, at ang sabi pa ng Doctor, ito raw yung mga memories na mahahalaga sa akin. Mga alaalang mahalaga ang naging parte sa buhay ko. Kaya naman ganoon na lang ang lungkot ko. Paano ko aalahanin ang lahat ng iyon? Nagising na lang ako na nandito sa ospital at burado ang alaala, na parang isang bagong silang na sanggol.
Ang sabi sa akin ng doctor, dahil raw sa aksidente ay naapektuhan ang utak ko. Post-traumatic amnesia raw. Maaaring panandalian lamang ito, yun ay kung dadaan ako sa ilang theraphy at tutulungan ako ng pamilya kong maalala ang lahat ng nawala kong alaala. Madalas na sumasakit ang ulo ko tuwing sinusubukan kong alalahanin ang lahat.
Napaigtad ako at nahinto ang pag-iisip ko nang marinig kong may kumatok sa pinto. Inagaw nito ang atensyon ko mula sa pagkatulala sa labas ng bintana.
"Pasok, nakabukas 'yan." Sabi ko rito.
Taimtim kong tiningnan ang pinto at hinintay ang pagbukas nito at kung sino ang papasok. Dahan-dahan na bumukas ang pinto pero walang tao ang pumasok. Nagtaka ako kaya tumayo ako mula sa kama para tingnan at kung bakit walang pumasok pero may kumatok. Kung ano-ano ang naisip ko na baka minumulto na ako rito pero baka may mga batang nangloloko lang sa akin. Pagdating ko sa pinto ay sinilip ko ang labas, pero pagtingin ko sa labas walang tao sa hallway ng ospital. Wala kahit isa. At isa pa, private room ang kwarto ko kaya imposible ring may basta na lang makapunta sa floor na ito ng ospital.
Napaisip ako sa nangyari pero mas mabuting hindi ko na lang pansinin ang kakaibang nararamdaman ko. Pumasok na ako sa kwarto ko at sinara ang pinto at ni-lock. Bumalik ako sa kama ko, pag-upo ko sa kama ko tumingin ako muli sa bintana kung saan ako nakamasid kanina pero laking gulat ko nang makita kong nakasara na ang bintana. Hindi ako maaaring magkamali, dahil nakabukas ito kanina habang nakamasid ako sa labas. Pumapasok pa nga ang hangin at dumadampi sa aking balat. Inisip kong mabuti kung nakasara ba o nakabukas ang bintana kanina, baka kasi epekto lang ng amnesia ko at nakalimutan ko. Pero hindi dahil alam kong nakabukas iyon kanina.
Kakaiba ang naramdaman ko ng mga oras na iyon habang inaalala ko kung nakabukas ba ito kanina o hindi. Nanginig ang buong kalamnan ko at kinabahan. May multo ba sa ospital na 'to? Marahan kong nilibot ng tingin ang kabuuhan ng kwarto ko. Tahimik ang buong paligid dahil ako lang naman ang mag-isa rito. Binalik ko ulit ang tingin ko sa bintana at pinagmasdan ito pero nagulat ako nang may biglang kumatok ulit sa pinto. Mabilis akong napatingin sa pinto. Bigla akong kinabahan at kumalat ang takot sa buo kong katawan.
Huminga ako ng malalim habang nakapako ang tingin sa pinto. Muli ay may kumatok ulit sa pinto. Kaya naman dahan-dahan na akong bumaba sa kama at sinuot ang tsinelas ko ng tahimik pero hindi ko pa rin inaalis ang mata kong nakatitig sa pinto. Kinuha ko ang librong binabasa ko bago ako matulog para ipanghampas sa kung sino man ang kumakatok.
Nang makarating ako sa likod ng pinto ay marahan kong hinawakan ang doorknob. Huminto ako at huminga ng malalim.
"Isa...dalawa..." Pagbibilang ako sa isip ko. Muli ay huminga ako ng malalim at mahigpit na hinawakan ang doorknob. "Tatlo!" Sigaw ko at mabilis na binuksan ang pinto at akmang hahampasin ang taong kumakatok nang mapahinto ako.