Chapter Eight: Birthday Gift
JIANNE
"Tell me, anong birthday gift sayo ni Mark?" Pasimpleng tanong sa akin ni Trisha nang makalingat si Jared. Abala ako sa pagkukumpuni ng nagkaaberya nilang sasakyan nang usisain ako ng pinsan.
Bagaman hindi ako kumibo, hindi ko pa rin napigilan ang sarili na mapangiti.
"Huwag mo akong ngitian d'yan. Dali na, magkuwento ka naman."
"Wala akong ikukuwento dahil wala naman siyang binigay."
Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin sa kanya na higit pa sa materyal na regalo ang natanggap ko mula kay Mark. At hanggang ngayon ay hindi ako maka-get over sa mga halik na pinagsaluhan namin dalawa. Iyon nga lang, hindi aware ang binata tungkol doon.
"Kainis ka!" Nagdududa na tinitigan ako ni Trisha.
"Wala nga sabi! Kung iyong birthday ko nga ay nakalimutan niya, ang regalo ko pa kaya? Busi-busihan ngayon si Hitler sa ospital. Masyado na niyang kinakarir ang pagiging ermitanyo, este ang pagiging presidente ng ospital na iyon."
Dalawa araw na rin siyang hindi nagpaparamdam sa akin. Umaasa pa naman ako na tutuparin ni Mark ang kanyang pangako na babawi siya. Ngunit katulad ng birthday ko, mukhang nakalimutan na rin niya ang tungkol doon.
"Hindi lang pala manhid ang lalaking iyon, kundi ulyanin pa!"
"Sinabi mo pa! Konting-konti na lang, malapit na talaga akong sumuko sa kanya."
"Jianne, iyan huwag mong gagawin," seryosong wika ni Trisha. "Ikaw na lang ang natitira kong pag-asa para hindi tumandang binata si Mark."
"Tange!" Natatawang tugon ko. "Ang sabihin mo, ako lang ang bukod tanging nagtitiyaga at nakakatagal sa ugali niya. Dahil kung ibang babae lang iyon, trauma ang aabutin sa kanya."
"Pero dahil sa mga katangian na iyon ni Mark kaya maraming naghahabol sa kanya."
I agree. At dahil din doon kaya marami akong karibal sa kanya. Biglang sumingit sa isipan ko ang mestisang doktora na nagpe-flirt sa binata. Napakalaking threat niya para sa akin. Sa pisikal na aspeto pa lang ay talo na ako.
"Flowers delivery for Miss Jianne!"
Sabay kaming lumingon ni Trisha sa bagong dating.
"Peace offering sayo ni Mark," humahagikgik na siniko ako ng pinsan sa tagiliran. "Akalain mo, may natatago palang ka-sweetan sa katawan ang lalaking-tuod na iyon."
Bagaman walang kibo, lihim naman akong natutuwa. Kinikilig na naman ako. Pagkatapos kong pirmahan ang receiving form ay basta na lamang kinuha ni Trisha ang maliit na card na nakaipit sa mga bulaklak. Mas excited pa siya kaysa sa akin.
"Galing kay Yuan," may himig na pagkadismaya na sabi niya.
Kung nadismaya siya, mas lalo na ako. Asa pa ako na makakatanggap ng mga bulaklak mula sa mandhid na lalaking iyon!
Pag-alis nila Trisha at Jared, ilang sandali ay dumating naman si Mark. Speaking of the devil.
"Anong masamang hangin ang nagdala sa'yo rito?" Hinarangan ko ang kanyang daanan ngunit nilagpasan lamang ako ng binata at tuluy-tuloy na pumasok ng opisina ko. "Yayayain mo na ba akong mag-date?"
"No! Busy pa ako."
Sumimangot ako at napilitan na sundan siya. Akala ko pa naman ay tutuparin na niya ang kanyang pangako. "Eh ba't nandito ka?"
Basta na lamang sumalampak sa sofa si Mark at itinaas pa ang mga paa sa ibabaw ng center table. Akala siguro niya ay nasa bahay siya.
"Gusto ko ng coffee." Kung makautos ay parang mayroon siyang pinatagong kape sa akin.
BINABASA MO ANG
COLD HEARTED CUPID (Soon To Be Published)
RomanceDr. Love and Mr. Cupid. Iyon ang bansag kay Dr. Mark Mendoza ng mga kaibigan niya. Ngunit sa kabila ng mga naging kontribusyon niya sa lovelife ng mga ito, nananatili pa rin boring ang kanyang buhay pag-ibig. Cold hearted and Hitler- iyon naman ang...