Iba't ibang klase ng ulam ang mayro'n sa karinderya ngayon, may apat na isda na may kanya-kanyang luto. Nand'yan si GG, BG, TG, at TP. 'Yan lang talaga ang tawag ko sa kanila para hindi masyadong mahaba. Galunggong na naprito, sinigang na bangus, ginataang tulingan, at sweet and sour na tilapia.Hindi naman gano'n karami ang niluto nila para sa isang putahe, 'yong tama lang at mauubos para sa araw na 'to.
Maraming na ang kumakain, sa loob at labas ay puno ng tao. Lalo na't alas-onse na. Nahagip naman ng mga mata ko ang lalaking papasok sa karinderya, si Syano. Tumalikod ako at mabilis na inayos ang buhok. Nilagay sa likod ng tainga ang takas na buhok at naramdaman ang bilis ng pagtibok ng puso ko. May nagkakarera na naman bang mga kabayo sa dibdib ko?
Pagkaharap ko ay biglang tumambad sa 'kin ang seryoso na mukha ni Syano. Ngumiti naman ako at kumaway.
"Nandito pala si suki, 'nak, ikaw muna bahala at may kukunin ako saglit sa bahay," sabi ni Nanay at nagmamadaling umalis nang hindi man lang ako nakapagsalita.
"Kare-kare," maikling sabi ni Syano.
Tumikhim ako bago magsalita. "Naku, walang kare-kare ngayon, e."
Tinignan ko pang maigi ang mga ulam at wala talagang kare-kare ro'n, hindi nakapagluto sila Nanay.
"Sige," tanging sinabi niya at tumalikod.
Aalis na siya?
"Sandali! Marami pa namang ibang ulam dito," sabi ko at bigla naman siyang huminto.
Muling humarap sa 'kin. "Ano?"
"Subukan mo 'yong GG at munggo." Tinuro ko naman ang ulam na tinutukoy ko.
Kumunot naman ang noo niya. "GG? Galunggong?"
Tumango ako at natawa. "Tumpak! Masarap 'yan, malutong tsaka p'wedeng makain 'yong ulo."
Nilibot niya ang kanyang paningin sa ibang ulam. "Naiwan ko 'yong pera ko." Ang huli niyang sinabi bago umalis.
Napakamot naman ako sa noo. Naiwan niya ba talaga? Dahil ba walang kare-kare, hindi na siya bibili? Ang dami niya namang p'wedeng pagpilian na ibang ulam, masarap rin naman ang ibang luto ni Nanay.
Paborito niya ba ang kare-kare? Ayaw niya ba ng isda? Saktong-sakto 'yong pritong galunggong sa munggo. Ipaghihimay ko pa man din sana siya para hindi matinikan.
"Afen, ano'ng binili ni pogi?"
Nagulat naman ako sa biglang pagdating ni Nanay.
"Nay, hindi po bumili, e. Wala po 'ata kasing kare-kare."
"Gano'n ba? Sige, hayaan mo at magluluto na 'ko araw-araw ng kare-kare."
Bahagya naman akong natawa. "Hindi naman po siya araw-araw bumibili rito, Nay."
"Para sigurado!" natatawang sabi ni Nanay.
Napailing-iling ako at natawa rin. Napakalaking tulong ng karinderya namin, mahigit walong taon na rin at hanggang ngayon ay nandito pa rin. Noon, hindi ganito kalaki at kaluwang ang karinderya. Lumipas ang ilan pang taon at napagawa rin namin para mas lumaki at maraming makakain.
BINABASA MO ANG
Sa Hindi Malamang Dahilan
Teen FictionTugtog sa radyo at walkman. Cassette tape na buhol-buhol. Ikot ng lumang plaka sa ponograpo. Bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw. Kare-kare na may dinikdik na mani. Galunggong na may crispy fry. Ipaghihimay ng isda para hindi matinikan. Nak...