Bakit siya matatakot sa 'kin? Mukha ba 'kong kumakain ng tao? Isang dragon o halimaw? Pero medyo nakaramdam lang ako ng inis noon no'ng ayaw niyang tanggapin 'yong bibingka. Kung ano-ano pa tuloy ang nasabi ko na nakasakit sa kanya, kahit hindi naman totoo."Leche."
"Ano?" kunot-noo niyang tanong.
Napatakip ako sa bibig at umiling-iling. Inalis ang sumbrero sa ulo ko at binigay sa kanya. "Manonood ka ba mamaya? May banda raw na tutugtog."
Umiling siya.
"Si Samuel? Nasa Katipunan na ba? Napagalitan ba ni Lolo Jose--ng Lolo mo pala. Pasensya na, baka ayaw mo kasing tawagin ko siya ng gano'n."
"Ayos lang. Siya rin naman mismo ang nagsabi sa'yo no'n. Si Samuel, nasa bahay pa rin. Hindi siya babalik sa Katipunan. Pinaikot niya na naman si Lolo."
Natuwa naman ako ro'n. "Talaga? Hindi naman ba napagalitan? Saka pa'nong pinaikot? Baka hindi lang matiis ng Lolo mo at napapayag ang gusto niya."
"Mukhang hindi naman napagalitan ni Lolo no'ng kinausap siya. Napagsabihan, oo. Pero ako naman ang kumausap sa kanya kinabukasan."
Tumango ako.
"Hindi ko siya pinagalitan," sabi niya nang hindi nakatingin.
Bahagya namang akong natawa. Dapat lang, 'no. Nakakatakot ka kayang magalit.
Pero napansin ko na pala-kuwento na rin siya ngayon, sana magtuloy-tuloy. Para naman mas makilala ko pa siya, siguro sa una ay hindi lang siya sanay dahil hindi niya 'ko kilala. Hindi naman kaduda-duda ang pagmumukha ko kapag nakikipag-usap. Sadyang madaldal lang, naghahanap ng sagot sa mga katanungan, minsang inaalala ang masasayang nangyari sa nakaraan, at malawak ang imahinasyon sa mga bagay-bagay.
"Hanapan mo kaya si Samuel ng salagubang, tapos lagyan mo ng sinulid. Gano'n ang ginagawa ko no'ng bata pa 'ko, pinapalipad nga namin na parang saranggola. Kaso... baka siya pa 'yong lumipad dahil sa takot."
Wala siyang naging reaksyon sa sinabi ko. Nakatingin lang siya sa palubog na araw. Nakabibingi naman minsan ang hindi niya pagsagot.
"Afencia Filomena Teodoro!"
Isang matinis na sigaw naman ang narinig ko. Ito ang totoong nakabibingi. Buong pangalan ko pa talaga.
Nakita ko si Noemi na may malawak na ngiti sa labi at masayang lumapit sa 'kin. Kasama rin si Linton at nakipag-fist bump ako sa dalawa.
"Halos isang buwan na ang bakasyon. Kung hindi lang siguro pista rito, hindi kayo magpapakita," pabiro kong sabi sa dalawa.
"Tagal nga magpasukan, hindi na tayo nalilibre ni Polo ng matabang na sopas sa canteen," sabi naman ni Linton at natawa naman ako ro'n.
"Kaya nga makikikain na rin sana kami sa inyo," sabi ni Noemi at pumunta sa gilid ko. Bigla niya naman akong siniko. "Uy, sino 'yan?" tanong niya at ngumuso para ituro si Syano na nakababa na ngayon ang suot na sumbrero at natatakpan ang mga mata.
"Aalis na 'ko," biglang sabi ni Syano at nagmamadaling naglakad palayo.
Hindi ko na siya pinigilan. Takot nga 'atang makisalamuha sa ibang tao.
BINABASA MO ANG
Sa Hindi Malamang Dahilan
Teen FictionTugtog sa radyo at walkman. Cassette tape na buhol-buhol. Ikot ng lumang plaka sa ponograpo. Bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw. Kare-kare na may dinikdik na mani. Galunggong na may crispy fry. Ipaghihimay ng isda para hindi matinikan. Nak...