"Lola, ano po ang naramdaman niyo no'ng nalaman niyo po na mayro'ng itinayong bahay ang mga Armateo rito sa Sta. Helena?" tanong ko habang nakaupo kami ni Lola sa loob ng karinderya at alas-syete na ng umaga."Nagulat ako no'ng una, pero alam kong huli na rin, Afencia. May asawa't anak na 'ko no'n, may mga apo na rin. Nakuwento sa 'kin ni Jose no'ng nagkita kami sa simbahan, itinayo 'yon ng isa niyang anak. At 'yon ang ama ni Syano. Parang bahay-bakasyunan lang, dahil madalas ang mga nagbabantay lang naman ang nakatira ro'n. Sa Katipunan pa rin nagsimula at namuhay ang pamilya nila. Nang maitayo ang bahay na 'yon, kahit minsan hindi ko nakita si Jose. Masyado 'atang naging mapaglaro sa amin ang panahon."
Tumango-tango naman ako dahil sa nalaman ko. Siguro nga, si Syano ang nakita ko noon, pero isang beses lang 'yon.
"Dito ko pa rin piniling manirahan ulit. Dahil dito ko rin nakilala ang Lolo mo. Kahit umalis kami sa tinitirhan namin no'n, pilit pa rin akong binabalik sa lugar na 'to."
Sa Sta. Monica tumutuloy si Lola, kasunod ito ng San Idelfonso at nando'n din ang eskwelahan na pinapasukan namin. Si Manang Minda naman ang kasama niya sa bahay na kamag-anak din ni Lola. Noong may pasok pa, kami nila Kuya at Eloy ay dumidiretso minsan sa bahay ni Lola galing sa eskwelahan. Madalas nakikimeryenda sa luto niyang banana cue.
"Anak, Afen, samahan mo muna ako sa palengke. Baka hindi ko na maabutan 'yong kumare ko ro'n, bibili ako ng karne at iba pang pangsahog sa iluluto ko sa Biyernes," biglang sabi ni Nanay.
Mabilis naman akong tumayo. "Sige po, Nay."
"Mang, pupunta muna kami sa palengke."
"Sige, 'nak. Samahan mo na ang Nanay mo, Afencia," sabi ni Lola at tumango naman ako.
"Pifer, ikaw na muna ang bahala rito. Wala pa naman masyadong kumakain, babalik din kami."
"Sige, Nay!" sagot naman ni Kuya.
Lumabas na kaming dalawa ni Nanay at may dala naman siyang malaking bayong para ilagay ang mga pinamili niya ro'n.
"Tay Pido, punta lang po kami sa palengke."
"Sige, kami na ang bahala rito," sabi naman ni Lolo Pido habang inaayos ang mga upuan at lamesa sa labas.
Sumakay kaming dalawa ni Nanay sa tricycle sa may kanto papunta sa palengke. Sa San Idelfonso pa ang palengke, kaya dinadamihan na ni Nanay ang pagbili ng mga kakailanganin sa bahay at sa karinderya para minsanan na lang din.
Nang makarating kami sa palengke, bumaba na kami ni Nanay sa tricycle at binigay ang bayad kay Manong.
Dumiretso agad kami sa loob at hinanap ang pwesto ni Ninang Wena na nagtitinda ng karne ng baboy at madalas pinagbibilhan ni Nanay. Pero parang sandali akong naestatwa nang makasalubong namin si Syano at si... Nikolas?
Tuwang-tuwa naman si Nanay nang makita niya ang dalawa, habang si Syano naman ay parang nakakita ng multo at gustong tumakbo palayo.
"Syano, namamalengke ka rin?" tanong ni Nanay.
Tumango naman si Syano. "Opo," sagot niya at tumingin sa kasama niya. "Si Nikolas nga po pala, pinsan ko po."
Ngumiti naman si Nikolas at kumaway. "Hi po! 'Di ba po, kayo 'yong may-ari ng nag-iisang karinderya sa Sta. Helena? Kami po 'yong bumili ng lugaw no'n."
BINABASA MO ANG
Sa Hindi Malamang Dahilan
Teen FictionTugtog sa radyo at walkman. Cassette tape na buhol-buhol. Ikot ng lumang plaka sa ponograpo. Bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw. Kare-kare na may dinikdik na mani. Galunggong na may crispy fry. Ipaghihimay ng isda para hindi matinikan. Nak...