05

315 17 3
                                    


""Wag mo masyadong damihan ng toyo, dapat balanse pa rin ang timpla."

Alas-singko ng umaga nang magising ako. Balak ko sanang magpaturo kay Nanay magluto ngayon, tamang-tama at adobo ang niluluto niya.

Nakakatawa mang isipin, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin natututunan ang tamang pagluluto ng adobo. Sabi nila, 'yon daw ang pinakamadaling iluto. Madali nga, pero pagdating sa 'kin ay hirap na hirap akong balansehin ang tamang timpla. Malayo pa 'kong maging reyna ng kusina.

Handa naman akong matuto dahil sa dami ng dahilan ko.

Una, makakatulong ako sa karinderya na magluto ng iba't ibang klase ng ulam. Para medyo gumaan naman ang trabaho at pagluluto nila.

Pangalawa, kapag natuto na 'kong magluto ay p'wede ko nang lutuan kahit sarili kong pamilya. Para rin sa 'kin, kapag dumating ang panahon na kailangan ko talagang magluto para sa sarili ko. Hindi lang puro delata na mabibili r'yan sa tindahan.

Pangatlo, makakabawi na rin ako sa kaklase kong hindi nagustuhan ang una kong niluto. S'yempre, iba na ngayon. Hindi na siya mabibilaukan at siguradong makakarating ang pagkain sa tyan niya.

Marami pa. Marami pang dahilan.

Binalik ko ang aking atensyon sa pagluluto, nagisa na ang baboy saka sinunod ang bawang. Sunod na nilagay ang toyo, paminta, at dahon laurel. Hinayaan ko itong maluto ng tatlongpung minuto hanggang sa lumambot pa ang baboy. Dinadagdagan ko ng tubig minsan kapag kailangan.

Pagkatapos ay nilagay ko ang suka, sabi ni Nanay, maghintay ng ilang minuto bago muling haluin. Hinalo ko na rin pagkalipas ng dalawang minuto hanggang mabawasan ng kaunti ang sabaw. Iba kasi ang pagluluto ni Nanay sa adobo, mas masarap daw kapag medyo nagmamantika at tuyo.

Ilang beses ko itong tinikman hanggang sa makuha ko rin ang tamang timpla at lasa. Hindi na 'ko makapaghintay na ipakita kay Nanay para matikman niya rin ang niluto ko.

Kumuha ako ng tinidor at platito. Kumuha ako ng karne ng baboy mula sa niluto kong adobo, lumapit ako kay Nanay at nakangiti naman siyang tumingin sa 'kin. Binigay ko ang tinidor at tinikman ang luto ko.

Napatango-tango siya habang ngumunguya. Mukhang masarap nga ang luto ko.

"'Nak, p'wede ka nang mag-asawa!"

Nanlaki naman ang mga mata ko. "Nay!"

Humalakhak naman siya at napainom ng tubig. "Biro lang 'yon, 'nak, Afen. 'Wag muna ngayon, ah?"

"Alam ko po 'yon, Nay," natatawang sagot ko. "Ano po ang... masasabi niyo sa luto ko? P'wede na po ba akong mag—"

Bigla naman akong kinurot ni Nanay sa beywang. "Kasasabi ko lang, 'di ba?"

Hindi ko na napigilan ang tawa ko. "Magtayo po kasi ng karinderya, Nay. Magtayo po. Hindi po mag-asawa," pagkaklaro ko sa sinabi.

"Ikaw talaga! Oo! P'wede ka nang magtayo ng sarili mong karinderya! Masarap 'yong adobo, malambot ang karne at tama na 'yong timpla. Ano naman ang susunod na ulam na gusto mong matutunan?"

Ano nga ba?

Kare-kare?

"Kare-kare po sana, Nay."

Dahan-dahan na napatango si Nanay. Napansin ko ang tingin niya, parang may ibang gustong ipahiwatig. Mabilis ko naman itong naintindihan at napabuntong-hininga. Nilagay ko ang platito sa hugasan at napainom ng tubig.

"Gustong matuto magluto ng kare-kare? Dahil? Para saan? Para kanino? Bakit?" sunod-sunod na tanong ni Kuya na parang kabute na bigla na lang lumitaw.

"Nay, tignan mo 'tong si Kuya, oh."

"Nalaman mo lang na kare-kare ang binibili ni Sya—"

"Hep! Itikom mo 'yang bibig mo, Kuya!" pigil ko sa kanya dahil alam ko na kung sino ang tinutukoy niya. "Hindi para sa kumag na 'yon, 'no. Ano siya, sinusuwerte? Neknek niya."

"Itigil mo 'yan, Afen. Kahit bago pa lang siya rito, bibigwasan ko 'yon," may halong galit sa tono niya at pinakita ang kanyang kamao.

"Ikaw ang tumigil, Pifer! Mabuti pa, tulungan niyo na lang akong magbukas ng karinderya at mag-aalas-sais na," suway ni Nanay.

Tumigil din si Kuya sa pang-aasar sa 'kin. Tumulong na lang kami sa pagbubukas ng karinderya.

Napansin ko naman ang bagong gising na si Eloy, humihikab at nakapikit pang naglalakad papunta sa karinderya. Ang aga naman 'atang nagising nito.

"Nay, may lugaw ngayon, 'di ba?" tanong niya habang nakapikit pa rin.

"Kung matulog ka muna kaya," sabi naman ni Nanay at biglang namulat ang mga mata ni Eloy.

Dahil medyo maaga pa at wala pa namang gano'ng bumibili, kumain muna kami ng almusal. Nagluto rin kasi sila Nanay ng lugaw ngayon para maibenta sa karinderya at almusal na rin para sa mga gustong kumain dito.

"Lugaw na lang! Mayro'n 'ata rito."

Napatingin ako sa dalawang lalaki na nasa tapat na ng karinderya. Si Syano at may kasama siya ngayon.

Magkamukha silang dalawa. Parang kambal. Matangkad lang ng kaunti si Syano sa kanya. Parehong hindi pinapayagang lumabas ng bahay kapag mainit ang panahon.

"Afen, tanungin mo kung ano'ng bibilhin," utos ni Nanay.

Tumayo ako at lumapit sa dalawa. Napatingin sa 'kin si Syano at seryoso pa rin ang mukha.

Walang kahit anong salita ang lumabas mula sa bibig ko. Nakatingin lang ako sa kanya at hindi na maigalaw ang mga mata na parang nalagyan ng pandikit. Napansin ko tuloy ang bago niyang gupit, medyo nabawasan sa harapan at kitang-kita na ang makapal niyang kilay.

"Titignan mo na lang ba 'ko?" Wala na namang gana ang tono ng boses niya.

May sakit ba 'to? Tamang-tama, may lugaw ngayon at baka sakaling makatulong kung may sakit nga siya.

Nilipat ko ang aking tingin sa kanyang kasama. Magkaiba ang gupit nila. Bigla ko tuloy naalala 'yong buhok ni Syano no'ng una ko siyang makita.

"Hi," bati ng kasama niya at nginitian ko na lang.

"Ngingitian mo na lang ba ang kasama ko hanggang mamaya?" Muli kong binalik ang tingin ko kay Syano nang magsalita siya. Ngayon ay seryoso na ang boses niya.

Afen, napipi ka na ba? Napahawak ako sa labi ko at napailing-iling.

"Syano, ano ba'ng bibilhin niyo?" Nabigla naman ako nang muli na namang sumulpot si Kuya. Ginulo niya naman ang buhok ko at bahagyang natawa. "Kanina ka pa hindi nagsasalita, Afen."

"G-Gusto 'ata ng lugaw." Sa wakas, nakapagsalita na rin ako.

"Oo, dalawang lugaw," sabi naman ng kasama ni Syano.

"Sige, upo muna kayo ro'n sa loob," sabi ni Kuya sa dalawa.

Naglakad na 'ko papasok sa karinderya at tinabihan si Eloy para ipagpatuloy ang pagkain ng lugaw.

Napailing na lang ako sa nangyari. Hindi ko alam, hindi lang 'ata ang mga mata ko ang nalagyan ng pandikit kanina kahit bibig ko, dahil hindi ako makapagsalita. Akala ko pa naman ay napipi na 'ko nang tuluyan.

Sa Hindi Malamang DahilanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon