Hindi ko mapigilang mapalunok nang makita ang nanlilisik niyang mga mata. Umatras pa 'ko kaunti mula sa kanya. Napansin niya naman ang kabang nararamdaman ko kaya agad din siyang huminahon at umiwas ng tingin. Muli niyang inayos ang kanyang salamin na kada minuto ay parang mahuhulog.Nakakaloka rin ang tabas ng dila ko. Ang hirap kasing makipagkaibigan sa lalaking 'to. Parang kailangang mo pang paghiwalayin ang kape, creamer, at asukal sa 3-in-1 para maging kaibigan niya.
Parang bumalik lang sa kinder, unang araw ng klase at naghahanap ka ng bagong kaibigan. Napansin mo siya kaya gumawa ka ng paraan para maging kaibigan siya. 'Yong tipong manghihiram ka sana ng panulat para maging daan para makausap siya, pero ayaw niya dahil napansin niya 'yong pambura ng putol mong lapis na ubos na at may kagat pa. Iniisip niya na baka gawin mo rin 'yon sa lapis niya.
Pero sa totoo lang, may kagat talaga ang lapis ko no'n, sayang 'yong natitirang pambura, e.
"Umuwi ka na," seryosong sabi niya.
"Simula ngayon, magkaibigan na tayo," lakas-loob na sabi ko at tinignan siya ng diretso sa mata.
"Kailan pa 'ko sumang-ayon?"
"Ngayon. Ngayon din mismo," mariin na sabi ko.
Bahagya siyang natawa at napailing-iling. Hindi matanggap ang nangyayari.
Naalala ko 'yong araw na inalok niya 'ko ng tubig, mabait naman siya no'n kahit may halong pangaral sa sinabi dahil tinanggap ko 'yong tubig. Kahit no'ng unang beses siyang kumain sa karinderya namin.
"Bumibili ka ba ng sisiw na may kulay tuwing pista? Alam mo, marami rito. 'Yong huling bili ko no'ng bata pa 'ko, kulay green. Kaso nawala rin kinabukasan, kinain pala ng pusa namin. Tapos paa na lang 'yong natira."
Bakas ang kaguluhan sa kanyang mukha. Napailing-iling at natawa. Gumana ba?
"Okay na ba 'yon para maging kaibigan mo?"
Tumikhim siya. Naguguluhan pa rin. "Ano'ng kinalaman ng sisiw do'n?"
"No'ng grade two kasi ako, may naging kaklase ako na nagbigay ng sisiw na kulay pink sa isa kong kaibigan. Ginawa niya raw 'yon dahil gusto niyang makipagkaibigan, masuwerte nga lang siya dahil tinanggap ng kaibigan ko 'yong alok niya. Naaliw 'ata sa sisiw," paliwanag ko.
"Kahit ibigay mo pa sa 'kin 'yong buong kariton ng nagtitinda ng sisiw, hindi ko matatanggap ang alok mo."
"E ano'ng gusto mo, buong poultry? Baka naman nagpapadagdag ka lang ng isda na nasa plastic ng yelo," natatawang sabi ko.
Umiling siya. "Kahit malaking aquarium pa 'yan."
Hindi ako nagsalita. Sandaling namuo ang katahimikan sa aming dalawa.
"Alam mo, kahit magmistulang dragon ka, 'yong tipong lumalaki ang butas ng ilong at may usok na lalabas... ang cute mo pa rin. Kaya crush kita, e," pabiro kong sabi.
Pero totoo talaga 'yon.
Nakatitig lamang siya sa 'kin na blanko ang ekspresyon sa mukha. Pero unti-unti kong napansin ang kanyang pagngisi.
"Tumatakbo ang oras at panahon, mabilis lang 'tong bakasyon. Babalik na naman tayo sa dati nating mga lungga. Kaya kung ako sa'yo, susulitin ko ang mga natitirang araw bago magpasukan. Maghahanap ng bagong kaibigan, kaysa magmukmok sa isang sulok."
BINABASA MO ANG
Sa Hindi Malamang Dahilan
Teen FictionTugtog sa radyo at walkman. Cassette tape na buhol-buhol. Ikot ng lumang plaka sa ponograpo. Bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw. Kare-kare na may dinikdik na mani. Galunggong na may crispy fry. Ipaghihimay ng isda para hindi matinikan. Nak...