Parang pagpili lang ng ulam sa karinderya ang mga nagiging desisyon ko sa buhay. Minsang nangangarap ng mala-pelikulang takbo ng mundo. Hindi nauubusan ng tanong, na maaaring may sagot, madalas ay wala namang nakukuha. Minsan napakakumplikado ng sitwasyon, 'yong tipong hindi ka makawala at naiipit sa makitid na espasyo. Gano'n nga siguro. Minsan walang dahilan. Walang kasiguraduhan.Ano kayang luto ng itlog? Prito o nilaga? Scrambled o sunny side up? Bakit sinasabi nilang may lalabas daw na pari o tren kapag nagkasugat? Ano ba ang pinagkaiba ng afritada, kaldereta, mechado, at menudo? Bakit mas gusto ko na ngayon isawsaw ang tinapay sa juice kaysa sa kape? Bakit ginawang sawsawan ng kapatid ko 'yong ketchup para ro'n sa chicharon na dapat ay suka? Bakit sinasabi nilang gawa sa karne ng pusa ang siopao? Sa dami ng ulam sa karinderya namin, bakit kailangan ko pang mahirapang pumili?
Bago magbakasyon, may mga araw na hindi ako tumigil sa pagtatanong sa sarili kung bakit hindi ko nagawang kunin ang sukli ko no'n sa jeep. Tumataginting na isang daan, bente ang pamasahe at may otsenta sanang sukli na hindi man lang nakuha dahil sa sobrang hiya magtanong kay Manong. S'yempre, bumaba akong nagsisisi. Akalain mong napasobra pala ang lakas ng sigaw ko no'n nang magpara, pero hindi bumuka ang bibig sa buong biyahe para kunin ang sukli. Nalito lang siguro si Manong, dahil sa sobrang siksikan sa loob at sa dami ng pasaherong nagbabayad.
Kung iisipin mo, hindi naman kailangang mag-aksaya ng oras sa mga walang kwenta kong tanong. Sadyang bumabagabag lang ang mga 'to sa isip ko. Baka gusto ko lang siguro ng sagot.
"Afen! Pumasok ka na at pauwi na ang Tatay mo!" No'ng bata pa 'ko 'yan ang palagi kong pinoproblema, ang malakas at nakakatakot na boses ni Nanay sa tuwing sumasapit ang alas-singko ng hapon. May dala pang mahabang pamalo, maghahabulan pa kami bago ako makauwi. Kahit maging ang mga kaibigan ko ay tinutukso ako sa tuwing tinatawag na 'ko ni Nanay. "Umuwi ka na raw sa inyo, Afen. May dalang pamalo ang Nanay mo. Bukas na lang ulit." Kumaway ako sa kanila at mabilis na tumakbo papasok sa bahay.
Bukod sa mahabang pamalo ni Nanay na gawa sa kawayan, ang sinturon na suot ni Tatay sa tuwing uuwi siya galing ng trabaho ay isa sa mga kinatatakutan ko no'ng bata pa 'ko.
Sino ba naman kasi ang hindi matatakot na mapalo lalo na sa harap ng mga kalaro mo? Hindi ka lang matatakot, minsan makakaramdam ka talaga ng hiya. Mas okay pang mahulog na lang sa kanal o kaya naman ay mapigtas ang tsinelas dahil may pag-asa pa namang malagyan ng alambre.
"Hindi ka siguro natulog ng tanghali, 'no?" Madalas na sinasabi ng mga kalaro ko no'n. Hindi ako makatulog minsan lalo na tuwing tanghali, sabik na sabik nang makipaglaro sa labas. Busog na busog na nga ang mga mata ko sa tulog, e.
Pero sa totoo lang, mas madali pa itong masolusyunan kaysa sagutin ang sandamakmak na katanungang hinaharap ko ngayon. Masaya pa rin talagang balikan, kahit malabo nang mangyari.
Malaya kong pinagmamasdan ang mga batang naglalaro ng saranggola sa bukid. Dati ang iba ay nasasabit sa mga poste ng kuryente no'ng sa daan pa lamang sila naglalaro. Kaya isang malakas na pag-iyak ang naging kinalabasan dahil sa mga magulang nilang may hawak na mahabang pamalo para pauwiin sila. Nakakatuwa dahil hanggang ngayon ay may mga ganitong eksena pa rin akong nakikita.
Ang mga saranggolang nasabit, minsan nang naging dahilan nang pagkawala ng kuryente sa lugar namin. Kaya simula no'n, sa bukid na sila nagpapalipad ng mga saranggola.
Tumayo ako at sandaling sumandal sa puno. Pumikit ako at huminga nang malalim, sinabayan pa ng malakas at sariwang hangin. Unti-unti akong dumilat. Sa dami ng tanong na nasa isip ko ngayon, makakakuha ba 'ko ng sagot kahit isa mula sa mga 'yon?
Nagpasya na rin akong umalis mula sa lugar na 'yon. Alas-singko ng hapon at Sabado ngayon. Bawat daan ay may mga batang naglalaro.
Dito sa lugar ng Sta. Helena ako lumaki at namulat sa iba't ibang katotohanan sa buhay. Habang naglalakad ako, hindi ko maiwasang mapatingin sa napakalaking bahay ng mga Armateo. Sa pagkakatanda ko, pitong taong gulang ako no'n nang may makita akong batang lalaki sa bahay na 'yon. Halos ka-edad ko lang din siguro. Minsan ko lang siyang nakita, simula no'n ay hindi na siya bumalik.
May matandang mag-asawa naman ang nakatira sa bahay ng mga Armateo, minsan namin itong kinatakutan dahil sa tuwing sumasapit ang buwan ng Nobyembre ay kahit isang ilaw ay walang nakasindi. Pero baka wala lang talagang tao no'n.
Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ang tunog ng lata. Napatingin ako malapit sa tapat ng bahay namin, may mga batang naglalaro ng tumbang preso. Natatanaw ko rin mula rito ang kapatid kong kulang na lang ay maligo sa sarili niyang pawis.
"Sali ka, Ate Afen!" sigaw ng isa niyang kalaro nang makarating ako sa tapat ng bahay.
Umiling ako at ngumiti. "Maglaro lang kayo r'yan at papauwiin ko na itong kapatid ko."
Nakapamewang at nagpupunas ng pawis ang kapatid kong basang-basa ang damit. "Mamaya na, Ate!" reklamo niya.
"Uuwi ka o uuwi ka?" seryoso kong tanong at humalukipkip.
"Hindi pa. Mamaya na kasi!" Pumadyak-padyak pa ang mga paa na parang batang maliit. "Para ka namang si Nanay, e!"
"Pumasok ka na sa loob, Eloy! Tignan mo nga 'yang damit mo, oh. Kulang na lang ay maligo ka sa pawis."
Nabigla naman ako nang magsalita si Kuya. Tumalikod ako at nakita siyang kasama ang isang niyang kaibigan. Kumunot naman ang noo ko nang mapansin ang isa pa niyang kasama. Bihis na bihis. Mas matangkad lang kaunti si Kuya sa kanya.
Mas napansin ko ang kutis ng balat niya. Parang siyang isang bata na hindi pinapayagang maglaro sa labas tuwing mainit ang panahon. Hindi nagkakasugat o peklat, kahit lamok hindi 'ata hahayaang dumapo sa balat niya.
Hindi ako pinaglihi sa labanos, buko, at sa gatas. Katamtaman lang ang puti at mas nangingibaw ang kasimplehan. Madalas nahihirapang pumili kung ano ang isusuot. Bukod sa terno na pajama at shorts na halos lampas na ng tuhod tulad ng kay Kuya, nand'yan din ang bestida na mula pagkabata ay 'yon na ang madalas ipasuot ni Nanay.
Naligaw lang ba 'to? P'wede kong ituro ang tamang daan kung naliligaw nga at makarinig man lang ng pasasalamat mula sa kanya na may kasamang ngiti at kindat.
Tama na ang pagpapantasya kay pogi--este kasama ni Kuya.
'Yong gupit niya parang bunot na panlinis ni Nanay, pero bumagay naman sa kanya. May nunal sa tabi ng kanan niyang mata. Matangos ang ilong. Ang labi niya ay manipis at mapula. Hindi ko gaanong makita ang kilay niya dahil sa buhok niyang malapit nang matakpan ang mga mata niya. Dumagdag pa ang suot niyang salamin.
Para lang akong nagsusuri ng bawat detalye, salita, at pangungusap sa isang pagsusulit.
Kahit mayroon siyang suot na salamin, kapansin-pansin pa rin ang mga mata niya na may pagkasingkit at mukhang matamlay, pero sa tuwing magtatama ang mga tingin namin ay para akong kakapusin ng hininga.
Sa pelikula lang 'yan, Afen. 'Yon ba'ng tipong malakas ang hangin at nililipad ang mahaba mong buhok habang bumabagal ang paligid. Nakatingin sa isa't isa at kayong dalawa lang ang nasa lugar na 'yon.
Pero baka hindi sumang-ayon ang hangin sa aming dalawa. Kahit malaking electric fan ay bigla na lang mag-overheat dahil sa kabaduyang iniisip ko. Ayaw makisama sa mala-pelikulang imahinasyon ko. Epekto 'ata 'to nang kakapanood ko sa mga pelikula ni Rico Yan at Claudine Barretto.
BINABASA MO ANG
Sa Hindi Malamang Dahilan
Teen FictionTugtog sa radyo at walkman. Cassette tape na buhol-buhol. Ikot ng lumang plaka sa ponograpo. Bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw. Kare-kare na may dinikdik na mani. Galunggong na may crispy fry. Ipaghihimay ng isda para hindi matinikan. Nak...