07

316 16 0
                                    


"Mas gusto ko ang ulan. Malaya kong naitatago ang luha ko."

Kahit sa pagtulog ko, naririnig ko pa rin ang boses niya. Binabangungot dahil sa huling binanggit niya. Lahat ng bagay ay seryoso pagdating sa kanya. Kahit may ilang pagkakataon na nagagawa niyang magbiro, nando'n pa rin ang seryoso niyang mukha.

Nakaupo ako ngayon sa parke, malapit dito ang tinayo nilang perya dahil nalalapit na ang pista sa lugar. Kasama ko si Kuya Pifer at Eloy, pero bigla silang umalis para bumili ng p'wedeng makain.

Kapag dapit-hapon na ay maraming nagbebenta ng iba't ibang pagkain. Napatingin ako sa nagtitinda ng bibingka sa labas, tumayo ako at nagpasya na bumili. Ang huling bili ko nito ay noong may pasok pa, sa tuwing alas-singko ng hapon at tapos na ang klase ay madalas akong dumadaan kay Aling Agnes at siya pa rin ang nagbebenta.

"Afen!" bati ni Aling Agnes nang makalapit ako sa paninda niya. "Dalawang bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw, 'yon ba ang bibilhin mo?"

Natawa naman ako sa sinabi niya at tumango-tango. "Opo. Ikaw talaga, Aling Agnes, hindi mo na 'ata makakalimutan 'yon."

"Hinding-hindi ko na makakalimutan 'yon lalo na kapag ikaw na ang bumibili. Lagi ba namang pinapaalala ng mga kaibigan mo," natatawang sabi ni Aling Agnes.

Napangiti ako dahil sa huling sinabi niya. Minsan, kapag hindi kami pupunta sa bahay ni Lola kasama si Kuya at Eloy, sumasama ako sa mga kaibigan ko para magmeryenda rito bago umuwi.

May mga araw na dumidiretso rin sila sa bahay lalo na kapag may proyekto kaming tatapusin, do'n kami sabay-sabay na magmemeryenda. Pero madalas silang nag-aaya rito dahil malapit ito sa parke, hindi tuloy namin maiwasang pumunta sa palaruan para magsaya kahit saglit lang. Mag-aagawan pa sa duyan hanggang sa hindi na namin namamalayan na nahulog na pala ang fishball sa hawak naming baso.

Hindi ko na masyadong nakakausap ang iba sa kanila, simula no'ng magbakasyon. Naiintindihan ko naman, dahil kahit sino naman ay hindi na makapaghintay na magbakasyon.

Mas maraming araw at oras lalo na kapag bakasyon. Mahaba ang panahon mo para makapag-isip at magawa ang mga bagay na hindi mo nagagawa no'n dahil kinukulang ka ng oras. Kaya hindi ko rin itatanggi na masaya ako kapag malapit nang magbakasyon.

"Tatlong bibingka."

Napatingin naman ako sa matandang lalaki na biglang dumating, nasa sitenta anyos ang edad. Sa likod nito ay ang seryoso at walang kabuhay-buhay na mukha ni Syano.

Unti-unti akong tumalikod, parang tinataguan ang taya sa isang laro.

"May itlog na maalat po?" tanong ni Aling Agnes.

"Oo," sagot ng matandang lalaki.

"Afen, hihintayin mo na lang ba ang sa'yo?" biglang tanong ni Aling Agnes sa 'kin.

"Opo," sagot ko nang hindi tumitingin o nakaharap. "Wala naman po akong pupuntahan," dagdag ko.

Siguradong narinig 'yon ni Syano. Wala rin akong nagawa at humarap din, pero pumunta ako sa isang gilid. Tumingin ako sa matandang lalaki at kay Syano, sandali niya 'kong tinignan at umiwas din agad ng tingin.

Napansin ko ang kasama niyang matandang lalaki, ngayon ko pa lang 'to nakita. Iba pa ang mag-asawang nakatira no'n sa bahay ng mga Armateo. Kahit hindi aminin sa 'kin ni Syano na isa siyang Armateo, nararamdaman ko 'yon.

Sa Hindi Malamang DahilanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon