No'ng huling taon ko sa hayskul, nararamdaman ko na ang maraming pagbabago pagtungtong ng kolehiyo. Palagi ang pagsulong sa ulan sa tuwing buwan ng Hunyo. Hatid-sundo kaming dalawa ni Eloy gamit ang tricycle ni Lolo Pido, pero kapag dumadating ang hindi inaasahang pangyayari ay nag-aabang kami ng jeep. Naninibago no'ng una dahil hindi na tulad ng dati na kasabay pa naming umuuwi si Kuya Pifer. Hanggang sa makatungtong ako ng kolehiyo, nand'yan pa rin si Lolo Pido.Kolehiyala. Buhay kolehiyo. Tulad ng inaasahan ko, marami nga ang nagbago. Umpisahan na lang natin sa mga kaibigan at kaklase ko na ang ilan sa kanila ay hanggang hayskul ko lang pala makakasama. Hindi naman maiiwasan ang bagay na 'yon. Bihira lang mangyari na magkakasama ulit kayo sa panibagong taon, klasrum, at iisang eskwelahan. Sa bandang huli, magkakaiba pa rin ang napili niyong kurso. Ang iba sa kanila ay nagtungo na sa ibang lugar para ituloy do'n ang kanilang pag-aaral at tuparin ang kanya-kanya nilang mga pangarap.
Nagkaroon din kami sa wakas ng pagkakataon na makilala ang buong pamilya ni Syano. Hindi para mamanhikan. Muli silang bumalik dito sa Sta. Helena para ipagdiwang ang pasko at bagong taon. 'Yon din ang taon kung saan ko siya unang nakilala at tinupad ang pangako na babalik nga sila. Hindi nalalayo ang ugali ng mga magulang niya kay Lolo Jose, pala-kuwento at mababait din ang mga ito. No'ng una, hindi maalis sa 'kin na isipin na baka iba ang maging pakikitungo nila sa amin, dahil malayong-malayo ang mundo at buhay namin sa kanila. Nagkamali ako ro'n at malaki ang pagsisisi ko na naisip kong mangyayari ang bagay na 'yon.
Hindi ipinaramdam sa 'kin ni Syano ang kaibahan ng buhay naming dalawa. Kahit kailan wala akong narinig mula sa pamilya niya. Mula kay Lolo Jose, hindi mawawala ang kabutihan pagdating sa pakikitungo niya sa amin. Hindi dahil kilala niya si Lola, may nakaraan man sila o wala, hindi pa rin mababago ang kabutihan ng puso niya. Isang pakikitungo na hindi mo aakalain na mangyayari pala. Isang pakikitungo na magpaparamdam sa'yo na parang isa lang kayong masayang pamilya. Walang langit-lupa sa paningin ng bawat isa.
Sa loob ng mahigit na anim na taon, do'n mas lalong nadagdagan ang mga katanungan ko sa aking sarili. Mula sa nararamdaman ko, hanggang sa kung paano ba nabuo at nagsimula 'yon. Isang bente-tres anyos na walang mahagilap na dahilan at naghahanap pa rin ng sagot. Ako na nga 'yon.
Hindi ko alam. Kailangan ko pa bang maramdaman ang mga 'yon? Hanggang matapos ako ng hayskul at kolehiyo, nandito pa rin ang mga kabayong nagkakarera sa dibdib ko at hindi ko pa rin alam kung may nanalo na ba kahit isa mula sa mga 'yon. Nangyayari lang naman 'yon sa tuwing bumabalik siya rito sa Sta. Helena. Binibigyan talaga ako ng pagkakataon na makausap siya kahit ilang araw lang silang nagtatagal dito.
Nang makatungtong kaming pareho ng kolehiyo, halos tuwing pasko na lang sila bumabalik at sinasalubong ang bagong taon dito. 'Yon na rin pala ang una at huling beses na makakadalo siya sa kaarawan ko. Taon-taon nakakapag-usap naman kami at nagkakamustahan. Lagi naming bukambibig ang buhay sa kolehiyo at ang mga naging propesor namin. At sa gitna ng kuwentuhan namin, hindi mawawala ang mga kabayong nagkakarera sa dibdib ko. Mas lalo pang bumibilis sa tuwing nagtatama ang mga mata namin. Bigla na lang walang iimik at do'n na magsisimulang mabuo ang katahimikan sa aming dalawa.
No'ng nasa kolehiyo pa si Kuya, kapag bakasyon niya ay umuuwi silang dalawa ni Lola. Pero dahil nakatapos na rin siya at may trabaho na rin ngayon, minsan na lang siyang nakakauwi. Napagdesisyunan niya na sa Panayan na kumuha ng trabaho dahil nasanay na siguro siya sa lugar na 'yon. Unti-unti kaming nakakapag-ipon, natutulungan na rin namin si Nanay sa karinderya at si Eloy na nasa hayskul na ngayon. Pero hindi pa rin namin magawang mabago ang desisyon ni Tatay na 'wag nang magtrabaho sa ibang bansa.
BINABASA MO ANG
Sa Hindi Malamang Dahilan
Teen FictionTugtog sa radyo at walkman. Cassette tape na buhol-buhol. Ikot ng lumang plaka sa ponograpo. Bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw. Kare-kare na may dinikdik na mani. Galunggong na may crispy fry. Ipaghihimay ng isda para hindi matinikan. Nak...