Noong walong taong gulang ako, akala ko, sinusundan ako ng buwan. Hanggang sa pagtulog ko, nakabantay pa rin ito at nagsisilbing liwanag sa madilim kong kuwarto.Akala ko, mabibilang ko ang mga bituin sa langit, makakapunta sa bahaghari para magpadulas tulad ng mahabang padulasan na nasa parke, at makakalipad tulad ng mga ibon gamit ang saranggola.
Naaalala ko kung paano ako kumaway sa tuwing may eroplano akong nakikita sa langit. Minsan, naiiyak naman kapag pinalibutan na ng limang aso sa daan, kung hindi tatakbo, umiiyak na naglalakad kahit patuloy na tumatahol nang malakas ang mga aso. Mapapahawak na lang talaga nang mahigpit sa damit hanggang sa mapunit dahil sa takot.
Umaakyat pa sa puno, pero hindi marunong bumaba. Kapag hindi pinayagang lumabas para maglaro, magbabahay-bahayan na lang sa loob ng bahay gamit ang mga kumot. Maglalaro ng lutu-lutuan at si Kuya naman ang bumibili sa mga pekeng pagkain na niluluto ko.
Kapag umuulan naman, madalas binabawalan maligo dahil madaling sipunin at lagnatin. Mapapasilip ka na lang sa bintana at makikita ang mga batang pinayagang maligo sa ulan. Parusa 'ata ang hindi nila pagpayag dahil hindi ako natulog ng tanghali. At sa huli, ipagluluto na lang kami ng champorado.
Nang makatungtong ako ng grade three, sabi ng mga kaklase ko, kung sino ang maging crush mo ay siya na ang mapapangasawa mo. Dahil sa murang edad at wala pang masyadong kaalam-alam tungkol sa mga ganitong bagay, pinaniwalaan ko 'yon. Pero no'ng tumagal, kalokohan lang pala ang mga 'yon. Ang ibig sabihin pala no'n ay paghanga sa isang tao.
Kanina pa 'ko nakatitig sa salamin, hindi mawala ang tingin sa maliit at nag-iisang tigyawat sa ilong ko. Bakit sa ilong ko pa? P'wede namang sa noo na lang. Ayaw kong bigyan ng kahulugan ang tungkol sa tigyawat ko sa ilong. Kung ano-ano kasi ang naririnig ko, mali lang siguro ang nasa isip ko.
"May crush ka, 'no?"
Napabuntong-hininga ako. 'Yan na lang palagi ang tinatanong ni Eloy at Kuya Pifer sa tuwing nakikita nila ang tigyawat ko sa ilong. Nabuhay 'ata sila para mang-asar.
Ang lakas ng ulan. Lumapit ako sa bintana at napasandal. Alas-singko ng hapon at Linggo ngayon. Tuwing Linggo, hindi na nagbubukas sila Nanay, para makapagpahinga na rin.
Nang marinig kong tumugtog ang Kasama Kang Tumanda ni Ogie Alcasid, medyo nilakasan ko at hindi ko mapigilang sabayan ang kanta. Pagtapos nito, pinatay ko na muna dahil baka mas lumakas ang ulan dahil sa boses ko.
Tumungtong ako sa isang upuan malapit sa bintana ng kuwarto ko at napahawak. Pinagmasdan ko ang karinderya namin. Inaalala ang mga oras na kung saan tinatayo pa lang ito at nagsisimula pa lang kami. Simple, masaya, at kuntento ako sa kung paano ang naging pamumuhay namin. Kahit kailan hindi ko ikinahiya kung saan ako nanggaling. Nabibigay ang pangangailangan at pag-aaral naming magkakapatid.
Muntik na 'kong mahulog mula sa pagkakatayo ko sa upuan nang biglang may itim na sasakyang huminto sa labas ng bahay. Dali-dali akong bumaba at napahawak sa dibdib kong parang may tambol dahil sa kaba.
Hindi siya 'yon. Bisita lang siguro.
Hindi ko magawang sumilip. Imposible. Kung lumabas na lang kaya ako? Pero sa sobrang lakas ng ulan... bakit ngayon pa kami nagkaroon ng bisita?
Nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga. Dahan-dahan akong lumakad papunta sa pinto. Dinikit ko ang tainga ko rito, pero nagulat ako nang biglang may kumatok.
BINABASA MO ANG
Sa Hindi Malamang Dahilan
Teen FictionTugtog sa radyo at walkman. Cassette tape na buhol-buhol. Ikot ng lumang plaka sa ponograpo. Bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw. Kare-kare na may dinikdik na mani. Galunggong na may crispy fry. Ipaghihimay ng isda para hindi matinikan. Nak...