"A-Ano'ng ginagawa mo rito?" nauutal kong tanong kay Syano."Hindi ba dapat ikaw ang tinatanong ko n'yan?" seryoso niyang tugon saka tumingin sa batang tinawag niya kanina.
Lupa, lamunin mo na 'ko. Ngayon na!
Para siyang nag-aalborotong bulkan. Kita sa mga mata ng bata ang takot at kaba nang makita siya.
"Bukas na bukas, babalik ka na sa Katipunan. Kaya mamaya, ayusin mo na ang mga gamit mo at sasabihan ko na si Manong Ben. Maliwanag ba, Samuel?"
Mangiyak-ngiyak na umiling ang bata. "Kung gusto mong bumalik do'n, e 'di, bumalik ka mag-isa mo!"
Oo nga, bakit mo kasi pinipilit?
"Tama si Kuya Pogi! Bumalik ka na sa inyo! 'Wag ka nang magpapakita sa amin! Duwag! Do'n sa bukid ka maglaro kasama ang mga baka!"
"Mooooo!"
"Sana paggising mo bukas, may kagat ng ipis 'yang mata mo!"
"Walang ipis sa bahay nila, may Baygon sila. Saka mukhang ang yaman, oh. 'Di nga masyadong sanay makipaglaro sa atin. Wala pang peklat."
"Bacon at spam siguro almusal n'yan."
"Tigilan niyo na ang kapatid ko, pakiusap. Ano ba ang totoong nangyari?" kalmadong pag-awat ni Syano.
Kapatid niya.
Hindi sumagot ang mga bata. Mabilis silang tumakbo palayo. Sinubukan ko pang sumigaw para bumalik sila at maging maayos na ang naging away nila. Sinabi ko pa man din na gagamutin ko ang sugat ng isa at ibibigay sa kanila ang nabili kong crinkles.
May pakondisyon pa kasi akong nalalaman. Binigay ko na lang sana kanina. Gusto ko lang naman kasi silang magbati.
Napatingin sa 'kin si Syano. Sinasabi ng mga mata niya na gusto niyang malaman ang totoong nangyari.
Tumikhim ako bago magsalita. "Nakita kong naglalaro lang sila no'ng una, pero mukhang napikon 'ata ang kapatid mo. Wala akong kinakampihan sa dalawa. Ang sa 'kin lang ay... hindi maganda ang ginawa ng kapatid mong biglang pagsugod do'n sa bata. Nagpagulong-gulong sila sa lupa kaya may sugat silang pareho. Nagulat lang ako dahil kwinelyuhan-"
"Kwinelyuhan?" hindi makapaniwalang tanong ni Syano saka matalim na tumingin kay Samuel. "Ginawa mo na naman 'yon? 'Wag mong sabihing sinuntok mo rin 'yong bata?"
"Hindi, Syano. Sandali lang. Huminahon ka muna, 'no, bago umusok 'yang ilong mo at mag-alboroto ka na naman sa galit. May dahilan ang kapatid mo kung bakit niya nagawa 'yon, pero alam nating mali 'yon. Pakinggan mo muna ang paliwanag niya, Syano, para mas maintindihan mo."
Nakatingin lang siya. Parang unti-unti na ring nauunawaan ang nangyari.
Ang mahirap lang ay hindi ko nakita ang buong pangyayari tungkol sa ipinaliwanag sa 'kin ni Samuel. Alam ko rin naman na hindi niya gagawin 'yon nang walang dahilan, pero mali pa rin 'yon at mas maganda sana kung walang away at sakitang naganap.
"Kahit sino naman ay hindi magugustuhan ang nangyari. Hindi lang 'to ang unang beses na ginawa ng kapatid ko 'to. Pero salamat, dahil nandito ka para pigilan sila," sabi ni Syano. "Ako na ang bahalang kumausap sa kapatid ko."
BINABASA MO ANG
Sa Hindi Malamang Dahilan
Roman pour AdolescentsTugtog sa radyo at walkman. Cassette tape na buhol-buhol. Ikot ng lumang plaka sa ponograpo. Bibingka na walang itlog na maalat sa ibabaw. Kare-kare na may dinikdik na mani. Galunggong na may crispy fry. Ipaghihimay ng isda para hindi matinikan. Nak...