16

176 8 0
                                    


Dumating na nga ang araw ng kaarawan ko. Naging abala kami sa preparasyon para sa mga bisita at sa pag-alis nila Kuya bukas. Tulong-tulong na rin kaming nagluto ng mga pagkain at naglinis ng bahay. Hindi ko tuloy maiwasang hindi malungkot habang nag-aayos ng gamit ang kapatid ko, parang kailan lang no'ng si Tatay naman ang aalis. Lalo na sa tuwing naiisip ko kapag nasa terminal na kami. Hindi mo namamalayan may tumutulo na pa lang luha sa pisngi mo habang sinusundan nang tingin ang pagsakay nila sa bus, maya-maya ay wala na at tuluyan na ngang nakaalis.

Tumawag din sa 'kin si Tatay kanina at binati niya 'ko. Humingi siya ng pasensya dahil hindi siya makauwi, pero naiintindihan ko naman 'yon. Sa bawat kaarawan ko, palagi ko na lang naririnig ang boses niya sa kabilang linya. Nakakalungkot man na hindi ko siya kasama sa ganitong klaseng selebrasyon, kailangan kong tanggapin at unawain. Kaya sinusulit din namin ang araw kapag nandito siya, lalo na tuwing pasko. Kahit hindi madalas ang pagtawag niya, maraming oras naman ang nilalaan niya para makausap kami.

Nitong mga nakaraang araw, palagi ang pagbisita ni Potpot sa karinderya. Bumibili siya sa tinda naming mga inihaw na pagkain at makikipagkuwentuhan sa amin. Halos tatlong araw ko namang hindi nakikita si Syano, hindi ko maaninag kahit anino man lang niya. Napapatingin tuloy ako sa bahay nila sa tuwing napapadaan ako, pero mukhang walang tao at tahimik ang lugar.

Hanggang ngayon, hindi pa rin ako nakakaligo at nakakapag-ayos. Mamayang alas-kwatro pupunta ang mga kaibigan ko, nagprisinta naman si Noemi na aayusan niya raw ako. Pero sinabi ko na hindi na kailangan ng make-up at baka magmukhang payaso ako. Hindi rin kasi ako nasanay maglagay ng kolorete sa mukha.

Inimbita ko na rin ang mga kaibigan at naging kalaro ko no'n, pero tulad ni Potpot, ang iba sa kanila ay tuluyan na ring umalis dito sa Sta. Helena. Kaya ginawa ko na ring simple at hindi magarbo, dahil karamihan sa mga kamag-anak namin ay nasa malalayong lugar. Ang mahalaga para sa 'kin ay mairaos at maging masaya ang araw na 'to.

Masasayang lang ang oras ko kakaiisip kung hindi pa 'ko kikilos at mag-aayos. Kaya imbes na tumunganga, dumiretso na 'ko sa banyo at naligo. Nang matapos akong maligo, sandali akong napatitig sa puting bestida na nakasampay sa kuwarto ko. Napangiti ako sa regalo ni Nanay, ito na rin ang balak kong isuot. Kaya mabilis na 'kong nagbihis at nagsuklay ng buhok. Napatitig na naman ako sa salamin at bumuntong-hininga. Hay, isa ka na talagang ganap na dalaga.

Nagpasya akong lumabas ng kuwarto, pagkabukas ko ng pinto ay tumambad ang masayang mukha ni Noemi habang si Eloy naman ay nasa gilid.

"Maligayang bati! Maligayang bati! Maligayang-maligaya, maligayang bati!" pagkanta ni Noemi at may kasama pang palakpak. Binigay niya naman sa 'kin ang hawak niyang regalo.

"Salamat, Noemi. Nag-abala ka pa," sabi ko.

"Ayan ka na naman, Afen. May dala nga pala akong gamit. Ano'ng gusto mong ayos ng buhok? Bagay sa'yo 'yong kulot, sa may dulo ng buhok."

"Kung ano sa tingin mo ang babagay sa 'kin, ayos na 'ko ro'n," nakangiting sabi ko. Bumaba naman ang tingin ko kay Eloy. "Ano'ng ginagawa mo rito? Magpapakulot ka rin?"

Umiling siya. "Kanina pa 'ko pinapagalitan ni Nanay sa kusina, e."

Natawa naman ako. "Paano kasi kanina ka pa nangingialam sa pagluluto. Mauubos na nga dahil sa kakatikim mo."

"Kayo talagang magkapatid. Tara na nga, aayusan na kita," sabi ni Noemi.

Tumango naman ako at pinapasok sila sa loob. Pinatong ko muna ang regalong binigay ni Noemi sa lamesa sa loob ng kuwarto ko. Nagsimula na rin akong magpatuyo ng buhok. Hanggang sa pinanood ko lang ang ginagawa ni Noemi na pagkulot sa aking buhok. Kaunting suklay lang ay ayos na 'ko, madalas nakakalimutan pa nga. Ayos na rin ako sa pulbo, hindi na kailangan ng iba pang kolorete sa mukha.

Sa Hindi Malamang DahilanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon