Chapter Ten

475 26 1
                                    

PANAY ANG tingin ni Bernadette sa suot niyang wrist watch. Halos mag-iisang oras na ang nakakalipas ay wala pa rin si Jacob doon sa set ng photoshoot ng Seven Degrees. Hindi na maipinta ang mukha ng photographer, habang ang ibang staff naman ng PhilKor Entertainment ay panay ang hingi ng pasensiya dito. Nang tingnan niya ang mukha ng mga kagrupo nito ay hindi na rin maipinta, partikular na ang leader ng mga ito na si Jay. Kinuha niya ang cellphone at saka tinext si Jacob.

Umaga at papunta na sana siya sa SBN Network para magbigay ng daily report niya kay Miss Jung nang makatanggap siya ng tawag mula kay Miss Jenna. Nakikiusap ito na baka puwede muna siyang umextra bilang personal assistant ng mga ito sa araw na iyon. Kaya imbes doon pumunta ay sa Namsan Park siya dumiretso kung saan ang location ng photoshoot ng grupo.

"Nasaan na ba kasi ang lalaking iyon?" bulong niya sa sarili.

Mayamaya ay nilapitan siya ni Yuan. "Noona, na-contact mo na ba si Jacob Hyung?" pabulong nitong tanong sa kanya.

"Hindi pa nga eh," sagot niya.

Napalingon silang dalawa ng marinig si Miss Jenna. "Hello Jones, nasaan na ba kayo? Sinabi n'yo dapat ng maaga na mag-eextend ang filming ng show ni Jacob! Hindi iyong pinaghihintay n'yo kami dito! Palagi na lang ganito! Nakakahiya sa photographer at sa buong staff! Bilisan n'yo!" sermon nito sa Manager ng grupo.

Makalipas ang sampung minuto ay dumating na sa wakas si Jacob. Agad itong nanghingi ng paumanhin sa lahat ng staff at sa photographer, pagkatapos ay nagmamadali itong nagbihis. Nakahinga ng maluwag si Bernadette ng matapos ang photoshoot ng matiwasay sa kabila ng nangyaring aberya. Nasa loob na sila ng tent kung saan ginawang dressing room ng grupo ay napahinto sila ng biglang magsalita si Jay. Nagkatinginan silang lahat dahil seryoso ang mukha nito.

"Jacob, mag-usap tayo sandali," anito sabay labas ng tent, agad naman tumalima si Jacob.

Nang akma siyang susunod ay pinigilan siya ni Yuan, nang tumingin siya dito ay marahan itong umiling. Ibig nitong ipahiwatig ay huwag siyang sumunod. Sa bawat segundong dumadaan na hindi pa rin bumabalik ang dalawa sa loob ng tent ay labis ang kaba ni Dette. Nag-aalala siya na baka pinagalitan ito ni Jay. Kanina sa kasagsagan ng photoshoot ay ilang beses din napagalitan si Jacob ng mismong photographer. Nakita niya kung paano bumukas ang lungkot at dismaya sa mukha ni Jacob. Gusto niya itong lapitan pero pinigilan niya ang sarili.

Mayamaya lang ay pumasok na si Jay, hinintay niyang sumunod si Jacob ngunit nakalipas na ang isang minuto ay wala pa rin ito.

"Jay, nasaan si Jacob?" tanong pa niya.

"Nasa labas," pormal na sagot nito.

Nagmamadali siyang lumabas, ngunit wala doon si Jacob kaya hinanap niya ito. Sinubukan niyang tawagan ito pero nakapatay ang cellphone nito. Bigla siyang napahinto sa pagtakbo ng matanaw ang hinahanap niya na nakaupo sa ilalim ng isang puno at nakaupo sa isang mahabang kahoy na upuan. Humugot siya ng malalim na hininga saka nilapitan ito at naupo sa tabi nito. Bakas sa mukha nito ang lungkot. Ang tanging nais lang ni Bernadette ay ang maramdaman nitong naroon siya sa tabi nito sa oras ng kalungkutan.

"Hindi ko na itatanong kung okay ka, kasi obvious naman na hindi," sabi pa niya.

"I'm just tired, that's all," sagot nito saka pumikit at bumuntong-hininga.

"Sige, iiwan muna kita dito. Akala ko kasi kung ano nang nangyari sa'yo kaya hinanap kita," sabi pa niya. Nang hindi ito sumagot at nanatiling nakapikit ay tumayo na siya. Marahil ay kailangan nitong mapag-isa, ngunit hindi pa niya naihahakbang ang paa ay bigla siyang napatinging dito nang hawakan nito ang kamay niya. Pagkatapos ay dahan-dahan itong dumilat at tumingin sa kanya.

Summer KissTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon