Capitulo Diez

620 62 9
                                    



Capitulo Diez




NGAYON lamang nangyari sa akin na hindi ako mapalagay dahil sa isang kwento ng buhay ng tao . Hindi ko magawang magkatulog dahil patuloy na tumatakbo sa aking isipan ang tungkol sa naging buhay ni Seraphim sa kanyang panahon. Sa murang edad, naranasan na niya ang kalupitan ng mundo. Hindi naramdaman ang pagmamahal ng mga magulang at pisikal na sinasaktan ng mga nag-aalaga sa kanila sa ampunan. Hindi ko napigilan ang aking sarili na humigpit ang hawak ko sa kopita.

"Ang bata pa niya noong mga panahong iyon. Hindi niya dapat naranasan iyon."

Noon, iniisip kong napakalupit na ng dinanas ko sa buhay dahil sa sunod-sunod na trahedyang dumating sa aming pamilya. Pero hindi ko inaasahan na mas naging malupit ang buhay para kay Seraphim. Ang taong akala ko'y masayahing tao ay tinatago lamang pala sa mga ngiti ang lungkot at sakit na dinanas. Na inakala kong taong sunod sa layaw ay kahit kailanman ay hindi naranasan makuha ang ninanais sa buhay. Lahat ng dinanas niya ay itinago niya sa likod ng isang maskara. Masyado kong minaliit ang pagkatao ni Seraphim na talagang pinagsisihan ko.

Hindi ko maintindihan ang aking sarili ng mga oras na nagkukuwento sa akin si Seraphim. Ako'y nasaktan nang makita ko sa aking mga mata ang labis na sakit sa mukha ni Seraphim habang kinukwento niya ang kaniyang naging buhay sa panahong pinanggalingan. Na kung maaari lamang ay ako na lang ang makaranas ng sakit na nararamdaman niya.

Mariin akong pumikit at huminga ng malalim. Dapat ay pigilan ko na ang sarili ko sa kakaisip tungkol sa dalagang marahil ngayon ay mahimbing nang natutulog. Hindi ko naman kailangan pagtuonan ng oras ang tungkol sa nakaraan ni Seraphim. Kinuha ko ang kopita at lumabas ng silid-aklatan upang magpahangin sa azotea. Nahinto ako sa paglalakad nang makita ko si Seraphim sa azotea. Nakatingin siya sa kalangitan at hinahayaang tangayin ng hangin ang kanyang buhok.

Pinagmasdan ko ang binibini. Nakaguhit sa kaniyang mga labi ang isang ngiti. Tila ba'y wala siyang pasan na problema sa mundo. Napakapayapa ng kaniyang mukha. Ilang beses akong kumurap bago tumikhim para makuha ang kanyang atensyon. Kaagad na lumingon sa gawi ko si Seraphim.

"O, gising ka pa pala. Akala ko, ako na lang ang gising sa ating dalawa."

Lumapit ako kay Seraphim. "Akala ko naman ay mahimbing ka nang natutulog sa iyong silid."

"Nagising lang ako kaya naisip kong magpahangin muna bago matulog." Tumango na lamang ako. "Ikaw? Mukhang hindi ka makatulog." Tinuro ni Seraphim ang hawak kong kopita.

"Oo. Hindi epektibo ang pag-inom ng alak upang ako'y dalawin ng antok. Gusto mo?" Alok ko sa kaniya.

"No thanks. Hindi ako umiinom ng alak. Hindi kasi healthy sa kalusugan."

Muli akong tumango. Sa tingin ko'y tungkol sa kalusugan ang kaniyang ibang sinabi. Ipinatong ko sa mesita ang kopita nang maubos ko ang laman nito. Tumingin din ako sa kalangitan, gaya ng ginagawa ni Seraphim ngayon.

"Alam mo? Gustong-gusto ko talagang pagmasdan ang buwan."

"Bakit?"

"Dahil ang buwan ay sumisimbolo ng pag-asa."

Kumunot ang aking noo at binaling ko sa kaniya ang aking tingin. "Hindi ba ang bukang liwayway ang sumisimbolo sa pag-asa."

Sandali siyang tumingin sa akin bago muling ibaling ang tingin sa kalangitan. "Oo, tama ka. Pero para sa akin, ang buwan ang simbolo ng pag-asa."

"Bakit naman?"

"Ang buwan ang nagsisilbing liwanag sa kadiliman ng gabi at nagsisilbing gabay ng mga manglalakbay. Para sa akin, ang liwanag na dulot ng buwan ang nagbibigay pag-asa sa isang tao sa gitna ng kadiliman." Huminga ng malalim si Seraphim. "Sa tuwing napapanaginipan ko 'yong mga nangyari sa akin sa ampunan, sobra akong nasasaktan at nalulungkot. Kaya ang ginagawa ko sa tuwing nagigising ako sa kalagitnaan ng gabi dahil sa ganoong panaginip, titingin na lang ako sa buwan para gumaan ang loob ko." Hindi nakaligtas sa aking paningin ang pagtulo ng luha sa pisngi ni Seraphim na mabilis naman niyang pinunasan.

Nagpanggap akong hindi ko nakita ang nangyari. Siguradong iiwas siya sa akin kapag pinuna ko iyon. "Napanaginipan mo ba ang iyong masamang nakaraan?"

"Ano?"

Nilingon ko siya. "Hindi ba't sabi mo kanina, tumitingin ka sa buwan kapag nalulungkot o nasasaktan ka?" Hindi sumagot si Seraphim sa akin katanungan. Nakakatitig lang siya sa akin at tila kay lalim ng kaniyang iniisip. "Hindi masamang tumangis kapag naaalala mo ang iyong nakaraan. Magiging daan ito upang gumaan ang iyong nararamdaman." Nanatili pa ring tahimik si Seraphim. Mas lumapit pa ako sa kaniya at hinila siya upang yakapin. Mayamaya'y naramdaman ko ang pagyugyog ng kanyang balikat kasabay ng lumalakas na paghikbi.

"Hindi ko alam kung bakit naging malupit sa akin ang buhay. Kung bakit kailangan kong maranasan iyon. Bakit iniwan ako ng mga magulang ko? Bakit ayaw nila sa akin? Ano bang ginawa kong masama para maranasan ko iyon?"

Marahan ang pagtapik ko sa kanyang likuran. Hinayaan ko lamang umiyak ng umiyak si Seraphim. Kailangan niya iyon upang gumaan ang kanyang kalooban. Dahan-dahan ko siyang dinala sa upuan upang hindi kami mangalay sa pagtayo. Magkayakap kaming dalawa habang siya'y patuloy sa pagtangis. Hindi ko inalintana ang pagbasa ng aking pantaas na damit dahil kailangan ngayon ni Seraphim ng karamay. Heto na naman ang aking pakiramdam na labis na nasasaktan dahil siya'y nasasaktan.

Halos kalahating oras kaming nasa ganitong posisyon hanggang sa unti-unting humina ang pagtangis ni Seraphim. Dahan-dahang lumuwag ang yakap niya sa akin. Magaan na rin ang kanyang paghingi kaya kaagad ko siyang tiningnan. Bumuntong hininga ako. Nakatulog na si Seraphim. Mabagal ang aking kilos upang siya'y kargahin ko. Ayaw ko siyang magising dahil natitiyak kong babalik na naman ulit sa alaala niya ang kanyang napanaginipan kanina.

Mabagal lang ang paglalakad ko papunta sa silid ni Seraphim para hindi ako makalikha ng ingay. Nang makapasok na kami sa kuwarto ay inihiga ko na siya sa kaniyang kama. Nang masigurong komportable na siya sa higaan ay tumayo na ako. Kailangan ko na iwanan si Seraphim para mas maging maayos ang kaniyang tulog.

"Manuel, ang sungit mo talaga sa akin. Ikaw rin, magkakaroon na ng permanent wifi signal ang noo mo."

Napangiti ako sa aking mga narinig. Mukhang ako na ang laman ng panaginip ni Seraphim. Mas mainam iyon kaysa sa mapanaginipan niya ang kaniyang nakaraan. Dahan-dahan kong ibinalot sa kaniyang katawan ang kumot. "Paumanhin kung ikaw ay aking napagsusungitan. Hayaan mo't susubukan kong hindi ka sungitan."

"Manuel, ang kulit mo rin minsan..."

Marahan akong tumawa. Masuyong kong hinaplos ang kaniyang buhok. "Pinapangako ko sa iyon na ikaw ay aking poprotektahan sa panahong ito. Na hangga't nandito ka, mararanasan mong maging masaya at walang makakapakit sa iyo. Magandang gabi sa iyo, Seraphim." Muli kong hinaplos ang kaniyang buhok bago ko lisanin ang silid.

Hangga't nandito si Seraphim, titiyakin kong magiging maayos ang buhay niya rito. Hinding-hindi siya makararanas ng paghihirap.

Una Vez en DiciembreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon