Capitulo 17
HUMINTO ako sa pagbuburda dahil dama kong nakatingin sa akin ngayon si Manuel. Umangat ako ng tingin para masiguro kong tama ang aking hinala. Nahuli kong nakatitig nga si Manuel sa akin pero kaagad niyang binaling ang tingin sa diyaryong hawak. Hindi ko alam kung bakit niya ako tinititigan na para namang may ginawa akong napakalaking kasalanan sa mundo.
Wala ba itong trabaho ngayon kaya rito tumatambay ang lalaking ito?
Binalik ko ang aking atensyon sa binuburda ko. Muli ko na namang naramdaman ang titig niya kaya kaagad akong tumingin sa kanya. Katulad ng ginawa ni Manuel kanina ay binaling niya ang tingin sa diyaryo. Huminga ako ng malalim. "May problema ba tayo, Manuel?"
"Wala naman. Ano naman ang magiging problema nating dalawa?" Nasa diyaryo pa rin ang tingin ni Manuel. Naisip ko lang. Naiintindihan pa ba niya ang binabasa niya lalo na't baliktad ang diyaryo?
"Ewan ko. Napansin kong kanina mo pa ako tinititigan." Nagpatuloy na ako sa ginagawa ko. "Hindi ko alam kung bakit panay ang tingin mo sa akin. Pakiramdam ko'y may problema ka."
"Wala at saka, hindi kita tinititigan."
Kumibit balikat na lang ako at hindi na nagsalita pa. Mayamaya'y nakatitig na naman siya sa akin. "Manuel, sabihin mo na ang gusto mo sabihin. Wala namang masama kung magsasalita ka."
"Uulitin ko lamang, hindi kita tinititigan." Inagaw ko ang diyaryo sa kanya at sinamaan ko siya ng tingin. Bumuntong hininga si Manuel bago umayos ng upo. Mayamaya, tinuro niya ang binuburda ko.
"Anong problema rito?"
"Maraming kumpol ng sinulid sa likod ng tela. Maaaring makasira iyan sa disenyo ng iyong binuburda."
Kaagad kong tiningnan ang likod ng telang binuburdahan ko. Tama nga si Manuel. Ang dami ngang kumpol ng sinulid at may mga buhol pa. Bakit hindi ko ito napansin? Mahirap na ayusin ito. Nakaka-frustrate naman. Pinatong ko na lang sa coffee table ang tela. "Ayaw ko na. Give up na ako. Hindi siguro para sa akin ang pagbuburda."
"Ganoon lang iyon? Susuko ka na kaagad."
"Hindi naman kasi ako mahilig sa ganyang bagay. Sadyang nababagot lang ako kaya naisip kong magburda."
"Base sa pamamamaraan mo ng pagtatahi, natitiyak kong isa sa mga pampalipas oras mo ang pagbuburda." Binawi na sa akin ni Manuel ang diyaryo at itinupi niya ito. "Sadyang ayaw mo lamang solusyunan ang munting problema sa iyong ginagawa kaya ka kaagad sumuko. Hindi dapat ganoon. Hindi ka dapat sumusuko kaagad dahil lahat ng bagay ay may solusyon."
"Paano kung ang solusyon sa isang bagay ay ang pagsuko? Hindi lahat ng problema ay may magandang solusyon. May mga problema na ang tanging kasagutan ay ang sumuko. Parang pag-ibig."
"Pinag-uusapan lang natin ang kumpol diyan sa iyong tinatahi tapos napunta na tayo sa pag-ibig. Anong koneksyon na naman ng sinasabi mo sa pag-ibig?"
"Sa pag-ibig, hindi lahat ng umiibig ay natutugunan ang kanilang nararamdaman sa taong sinisinta nila. May tao na palihim na nagmamahal, at may iba namang patuloy na umiibig kahit pa alam nilang hindi na sila ang mahal ng taong iniibig nila. Nagbubulag-bulagan na lamang na umaabot sa punto na sobrang sakit na rito." Tinuro ko ang tapat ng puso ko. "Sa sobrang sakit nagiging manhid na. Pero aabot sa punto na mapagtatanto na dapat nang sumuko. Na kailangan nang bitawan ang taong iyon at pakawalan ang nararamdaman para mawala na ang lahat na sakit na nararamdaman."
Dumaan ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Nakatitig lang sa akin si Manuel. Tila kay lalim ng iniisip niya. Mayamaya'y huminga siya ng malalim. "Ang deep naman ng sinabi mo."
Bumunghalit ako ng tawa dahil hindi ko inaasahan na lalabas iyon sa bibig niya. Parang ka-generation ko lang si Manuel sa way ng pagkabigkas niya ng deep. Hindi ko tuloy napigilan ang aking sarili na mahinang kurutin ang pisngi niya. "Ang cute mo, Manuel. Bagay sa iyo magsalita ng Filipino slang."
"Hindi ko man alam kung anong kahulugan ng kyut pero sa tingin ko'y nakakatuwang salita iyon dahil natutuwa ako."
"Huwag mo na ring alamin dahil hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa iyo ang salitang iyon. Basta tama lang ang nararamdaman mong matuwa. Hayaan mo at tuturuan kita ng mga ibang Filipino slang para hindi mahalatang malaki ang agwat ng edad mo sa akin." Nag-peace sign ako nang samaan ako ni tingin ni Manuel. "Ito naman. Joke lang. Isang taon nga lang pala ang tanda mo sa akin kaya huwag ka na magalit. Mawawala ang ka-cute-an mo." Kinuha ko ang tela binuburda ko. "Nang dahil nga ikaw ay cute, tatapusin ko ito." Kinurot ko ulit si Manuel sa pisngi bago ko siya iwanan. Nakakatuwang lalaki. Sarap pisilin ng paulit-ulit ang malambot na pisngi.
Ano kaya ang skin care niya? Matanong nga mamaya.
"HINDI mo ba pupuntahan ang binibining kanina mo pa palihim na tinititigan?"
Lumingon ako kay señorita Realonzo. Nawala sa aking isipan na kasama ko pala siya dahil nalunod ako pagmasdan ang binibining abalang tingnan ang mga paru-paro na nakadapo sa mga bulaklak. "Paumanhin, señorita Realonzo. Tungkol saan na nga ang ating pinag-uusapan?"
"Sabi na nga't hindi mo ako naririnig. Tungkol sa mga manggagawa ng Hacienda Irabon ang ating pinag-uusapan." Tumayo si señorita Realonzo at tumingin sa bintana. "Tama nga ako ng hinila na kay señorita Santiago ang iyong atensyon kaya hindi mo nasasagot ang aking mga katanungan."
Binaling ko muli ang aking tingin kay Seraphim. Ngayon ay may isang paru-paro na nakadapo sa kanyang daliri. Sa tingin ko'y kinakausap niya ang munting nilalang. "Sulit ang pagod namin sa pag-aayos ng hardin na iyan. Nagustuhan ni Seraphim ang hardin."
"Tunay na nawiwili ka kay señorita Santiago. Parang ayaw kong maniwala na hindi mo siya kasintahan."
"Ngunit hindi ko naman talaga kasintahan si Seraphim." Sa isang linggong nakasama ko si Seraphim, ilang beses na napagkamalan ng mga kakilala ko na kasintahan ko siya. Ito ang pangatlong pagkikita namin ni señorita Realonzo at tila ba'y ayaw nitong paniwalaan na wala kaming relasyon ni Seraphim.
"Hindi nga ngunit ang iyong ikinikilos at inaakto ay tila ba ikaw ay novio niya. Mukhang may pagtingin ka na sa binibini, señor."
"Wala akong pagtingin sa kanya. Nais ko lamang na maging maayos lahat habang siya'y nandito sa aking bahay. Ayaw ko lamang na magkaroon siya ng hindi magandang karanasan dito."
"Na isang dahilan ng binatang may pagsinta sa isang binibini."
"Magkaibigan lang kami ni Seraphim. Iyon lang." Nagsalin ako ng tsaa sa dalawang tasa na nakapatong sa mesa ko.
"Magkaibigan nga ba o magka-ibigan?" Kinuha ni señorita Realonzo ang tasa na may tsaa na nakalaan para rito. "Hindi mo dapat ikaila ang iyong nararamdaman para sa binibining sinisinta ng iyong puso."
"Muli'y uulitin ko lamang na wala akong pagtingin kay Seraphim at saka, walang taong umiibig kaagad sa taong ilang araw pa lang nito nakikilala."
"Mayroon, señor Saenz. Isang halimbawa na riyan ay ang aking Kuya Gabriel at ang kanyang esposa na si Ate Keira. Ilang araw pa lang silang magkakilala pero kaagad ding nag-ibigan. Kaya hindi imposibleng mangyari sa iyo 'yon, señor. Sa inaakto mo pa lamang ngayon ay kitang-kita na sinisinta mo na kaagad si señorita Santiago."
Napailing na lamang ako. Hindi na lamang ako nagkomento sa sinabi ni señorita Realonzo dahil alam kong talo lang ako. Muli akong tumingin sa bintana. Eksaktong nakatingin sa gawi ko si Seraphim. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi at kumaway sa akin.
Napasapo ako sa aking dibdib dahil sa pagkabog ng aking puso. Tila ba'y nakikipagsabay ito sa pagtakbo ng mga kabayo sa bilis ng pagtibok.
"Kung ayaw mong mawala sa iyo si señorita Santiago, dapat harapin mo ang iyong nararamdaman sa kanya. Ikaw rin at baka pagsisihan mo sa oras na mawala siya sa tabi mo. Bueno, dumako tayo sa pinag-uusapan natin..."
Hindi ko alam kung bakit kay bilis ng tibok ng aking puso. Nakatitig pa rin ako kay Seraphim kahit pa wala na sa akin ang atensyon niya. Gusto kong pumunta sa kanya upang bumalik muli sa akin ang kanyang pansin. Na gusto ako ang dahilan ng kanyang pagngiti.
Ano ba itong nararamdaman ko ngayon?
BINABASA MO ANG
Una Vez en Diciembre
Historická literaturaDahil sa maling bahay na pinasukan, biglang nagbago ang takbo ng buhay ni Seraphim. Hindi niya inaasahan na mapupunta siya sa pahanon kung saan makikilala niya ang isang napakasungit na binatang nagngangalang Manuel Saenz. Okay naman kay Seraphim na...