Capitulo Cinco

992 64 12
                                    



Capitulo Cinco


"HAD to take the time to cut 'em off, I need help. I know how to make the girls go crazy..."


Hindi ko maintindihan kung anong inaawit ng binibining ito. Tila ba'y tuwang-tuwa siya sa kanyang inaawit habang nagwawalis. Mayamaya'y huminto si Seraphim sa pagwawalis at sumayaw ng pagkagaslaw. Ano bang mayroon sa hinaharap kaya ganito kumilos ang binibining ito?


"When you treat her like your number one baby" Huminto si Seraphim sa pag-awit at pagsayaw nang napatingin siya sa gaw iko. "Oy, Manuel! Good morning-este magandang umaga sa iyo! Kanina ka pa ba d'yan?"


Matamnam ko lamang siyang tinitigan at hindi sinagot ang kaniyang katanungan. Napapaisip talaga ako kung bakit ko ba hinayaang dumito ang binibining ito kahit pa alam kong sasakit lamang ang ulo ko rito? Dahil naaawa ka sa kanya, Manuel. Tama. Naaawa ako sa binibining ito dahil para siyang dayuhan sa sarili niyang bayan.


"Kumain ka na ba, Manuel? Nakapagluto na ako ng agahan. Medyo nahirapan lang ako sa pagluluto dahil pugon nga pala ang gamit ninyo rito sa pagluluto at hindi stove. Sa panahon namin madali na lang ang magluto dahil do'n. May iba't ibang uri ng stove. May gas stove..."


Parang sumakit ang aking ulo sa mga kinukwento ni Seraphim. Tila ba'y hindi siya nauubusan ng kwento. Pangalawang araw na niyang nakikitira rito at dalawang araw na ring maingay ang paligid ko. Minsan ay naririndi na ako sa labis na kaingayan ng binibining ito. Hindi ba niya naisip na kailangan ko rin ng katahimikan? Ganito ba talaga kadaldal ang mga kababaihan sa hinaharap?


"Maaari bang magsalita ka ng wikang Tagalog. Hindi ko mawari ang iyong mga pinagsasabi."


"Ay pasensiya na. Nawaglit sa isipan kong hindi pa pala uso ang English language sa panahong ito. Highblood ka naman kaagad." Mahina pa niyang tinapik ang aking balikat.


Kaagad akong lumayo sa kanya dahil baka kung saan pa dumako ang kamay niya katulad ng mga pinaggagawa niya kahapon ng madaling araw. "Binibini-"


"Ang formal mo naman masyado. Nakaka-awkward lang. Itawag mo na lang ako sa pangalan ko, okay?"


Nabigla ako nang hawakan ni Seraphim ang kamay ko at marahan akong hinila papunta sa komedor. Tinanggal niya ang mga nakatakip na pinggan. "Pasensiya na kung pinakialaman ko ang kusina ninyo. Gutom na gutom na talaga ako pero hindi naman ako kumakain pagkatapos kong magluto."


"Bakit naman?"


"Gusto ko kasing sabay tayo kumain para masaya ang kain. Ngayon ko lang ulit mararanasan na may kasabay kumain ng almusal."


Hindi ako umimik. Ngayon ko lang din muling mararanasang may kasabay kumain ng agahan. Palaging ako lang mag-isang kumakain. Ako lang din ang nagluluto ng pagkain ko dahil pinaalis ko rito lahat ng aming mga katulong magmula nang mabalitang nagmumulto rito ang aking Ate Victoria. Oo, totoo ang bali-balitang iyon dahil ako ang saksi sa pamamalagi rito ng kaluluwa ni Ate Victoria ng ilang buwan. Matapos ko tanggapin na siya'y wala na at hindi ko na makakasama kahit kailan, doon lamang tuluyang umalis ang kaluluwa niya. Natitiyak kong masaya na siya ngayon.

Una Vez en DiciembreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon