Capitulo 22
NAKATUON ang atensyon ko sa San Pablo lake habang si Manuel ay abala sa pagbabasa ng libro. Nakaupo kaming dalawa sa inilatag ni Manuel na kumot. Wala akong naririnig na ingay bukod sa nature sounds at talaga namang nakakakalma ng isipan. Hindi ko inaakala na may mas tatahimik pa bukod sa Saenz Mansion. Kaninang umaga ay niyaya ako ni Manuel na pumunta rito para raw makita ko ang ibang part ng San Pablo at makapasyal na rin. Sobrang saya ko dahil sa wakas naigala na rin ako ng matandang ito. Fifteen minutes away sa Hacienda Saenz ang San Pablo lake. Nilakad lang naming dalawa ang pagpunta rito. Huminga ako ng malalim bago umayos ng upo. "Alam mo? Dito lang ako muling nakaranas ng peace of mind."
"Pis op maynd?"
"Peace of mind ay napayapa ang isipan ng isang tao. Isa iyon sa mga magagandang bagay na gustong-gusto maranasan ng isang tao."
Marahang tumango si Manuel. "Bakit mo naman nasabi na rito ka lang nakaranas ng sinasabi mong pis op maynd? Hindi ka ba nakaranas ng kapayapaan sa pinanggalingan mo?"
Kaagad akong umiling. "Hindi. Puros paghihirap lang ang naranasan ko roon. Simula nang mapunta ako sa panahong ito, naging palagay na ang loob ko. Nawala ng isang iglap ang nararamdaman ko palagi sa amin na kaba, takot, at pag-aalala sa mangyayari sa akin sa hinaharap." Nilingon ko si Manuel na ngayon ay taimtim na nakatitig sa akin. "Maswerte ka, Manuel."
"Saang aspeto naman ako naging maswerte?"
"Maswerte ka dahil lumaki ka sa masaganang buhay at kasama mo ang iyong pamilya. Samantalang ako, paghihirap ang dinanas ko habang lumalaki. Tinalikuran ako ng mga magulang ko dahil kung mahal nila ako, hindi nila ako iiwanan sa harap ng isang simbahan habang umuulan ng malakas. Sa tingin ko plano pa nila na mamatay ako."
Huminga ng malalim si Manuel bago ipatong sa picnic blanket ang hawak na libro. "Marahil ay maswerte nga ako na pinanganak ako sa isang buena familia ngunit hindi ko rin masasabi na naging masaaya talaga ako sa aking buhay. Ang aking mga magulang ay masyadong iniisip ang ikabubuti ng pangalan ng aming pamilya. Pinagkasundo nila kaming magkakapatid sa mga taong galing din sa mga buena familia. Si Kuya Matias ay pinagkasundong ikasal sa unica hija ng mga Irabon ngunit hindi naging maganda ang kinahinatnan nito dahil hindi sila naikasal. Namatay si señorita Luciana Irabon at ang pumatay sa binibini ay si Kuya Matias. Pinagkasundo naman nila si Ate Victoria sa panganay na anak ng mga Pelaez ngunit hindi rin natuloy ang kasal dahil nawala na si Ate. Pinaniwalaan na ng buong pamilya na siya ay pumanaw na."
Sa pagkukwento ni Manuel ay unti-unting bumigat ang aking pakiramdam. Hindi rin pala okay maging mayaman sa panahong ito. "At ikaw?" tanong ko sa kanya. Umaasang sana ay wala nang binibini na nakatakdang ipakasal sa kanya.
"Noon ay nais nilang ipakasal ako sa bunsong anak na babae ng mga Torres ngunit hindi ito natuloy dahil ayaw ng aking mga magulang na pati rin ako ay tuluyang mawala sa kanila. Ngayon naman ay pinipilit ako ni Tiyo Reymundo na ipakasal sa ikalawang anak na babae ng mga Sandoval." Huminga siya ng malalim at binaling ang tingin sa lawa. "Kung hindi dahil sa iyo baka kasal na ako sa binibining iyon. Salamat sa iyo dahil hindi na ako mangangamba na mapikot sa babaeng gusto ng tiyo ko para sa akin."
Gumaan ang loob ko sa aking narinig mula sa kanya. Hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling ikakasal sa ibang babae si Manuel. Kanina habang kinukwento niya ang tungkol sa plano ng mga magulang niya para sa kanilang magkakapatid, nakakadama ako ng sakit dito sa puso ko pero nang sabihin niyang hindi siya ikakasal sa ibang babae nawala na parang bula ang sakit na nararamdaman ko. Napalitan iyon ng saya. Saya dahil alam kong hindi mapupunta sa ibang babae si Manuel.
Bakit ko ba ito nararamdaman ngayon?
Binaling ko rin ang tingin ko sa lawa at huminga ng malalim. Maraming gansa na nagtatampisaw sa tubig na lalong nagpaganda sa lawa. Kahit papaano ay nada-divert sa mga gansa ang attention ko. "Ang ganda nila." Hindi ko napigilang mapabulalas sa tuwa sa kanila. Akala ko kasi mapapanood ko lang sa mga movies ang ganitong scenario.
"Tama, ang ganda nga."
Nilingon ko si Manuel para makita ko kung paano niya tingnan ang lawa pero laking gulat ko dahil sa akin pala siya nakatingin. May munting ngiti sa kanyang mga labi. "M-Manuel."
"Ngayon ko lamang pinagmasdan muli ang iyong mukha. Tunay nga'ng ikaw ay napakagandang dilag."
Umiwas ako ng tingin. Damang-dama ko rin na namumula ang pisngi ko. "Naniniwala na akong mga bolero ang mga ka-timeline ni Rizal."
"Sa tingin mo ba'y hindi totoo ang aking sinambit kanina?"
"Oo. Palagi ka kayang naiinis sa akin." Kumuha ako ng maliit na bata at ibinato iyon sa lawa. "Kaya imposibleng magandahan ka sa akin."
"Ngunit totoo ang aking sinabi. Ika'y napakagandang binibini. Kahit sinong lalaki ay mabibighani sa iyong kagandahan, Seraphim."
Tumingin ako deretso sa mga mata niya. "Ibig sabihin ay nabighani ka rin sa kagandahan ko?"
"Oo," kaagad niyang sagot na nagpabilis ng tibok ng puso ko. "Unang kita ko pa lamang sa iyo nang tanggalin ko ang iyong suot na sumbrero ay kaagad akong nabighani sa iyong kagandahan. Hindi ko iyon maitatanggi. Tila ba noong gabing iyon ay may isang diwata na naligaw sa kwarto ng aking kapatid."
Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari basta nagulat na lang ako nang bigla akong hinapit ni Manuel at walang sabi-sabing hinalikan ako sa labi. Parang biglang nag-shutdown ang buong sistema ko dahil sa biglaang pangyayari. Dapat tinulak ko si Manuel palayo sa akin dahil bigla siyang nanghahalik pero heto ako ngayon, unti-unting gumaganti sa halik niya. Kung hindi lang kami nakaupo ngayon ay baka kanina pa ako natumba sa sobrang panlalambot ko. Gusto kong magprotesta nang pinutol na ni Manuel ang halikan naming dalawa.
Hinaplos niya ang mukha ko, "Isang kapangahasan ang halikan ang isang binibining hindi ko naman novia ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili na matagal nang ninanais na malasahan ang iyong matamis na labi."
BINABASA MO ANG
Una Vez en Diciembre
Historical FictionDahil sa maling bahay na pinasukan, biglang nagbago ang takbo ng buhay ni Seraphim. Hindi niya inaasahan na mapupunta siya sa pahanon kung saan makikilala niya ang isang napakasungit na binatang nagngangalang Manuel Saenz. Okay naman kay Seraphim na...