Capitulo Dieciocho
"MANUEL, mi hijo! Anong ginagawa mo riyan? Tulungan mo ako rito dahil natitiyak kong paparating na ang iyong mga kapatid galing sa Maynila."
Huminto ako sa pagbabasa at nagmadali akong pumunta sa kusina. Abala si Mama sa pagluluto ng mga paboritong putahe nina Kuya Matias at Ate Victoria. Gusto kasi ni Mama na ito ang magluto dahil sabik na raw ang aking mga kapatid sa luto nito. "Ano pong maitutulong ko?"
"Ayusin mo na ang mesa sa komedor. Lagyan mo na ng mga pinggan, baso, at kubyertos upang maayos na ang lahat."
Kaagad kong sinunod ang utos ni Mama dahil maski ako ay sabik na ring makita ang aking mga nakakatandang kapatid. Matagal na rin ang huling pagkikita namin. Pinili kong ilagay sa mesa ang mga mamahaling kubyertos, pinggan, at baso na kalimitang ginagamit sa tuwing may mahalagang bisitang dumarating sa amin. Iyon kasi ang nais ipagamit ni Mama kapag uuwi ang aking mga kapatid galing Maynila o sa ibang bansa.
Lumabas ng kusina si Mama. "Victoriano, nasaan ka na ba? Baka dumating na sina Matias at Victoria!" sigaw ni Mama bago pumunta sa sala kaya sumunod na ako.
"Nandito na ako. Hindi mo na kailangan." Nagmamadaling bumaba ng hagdanan si Papa habang inaayos ang suot na kurbata. "Anong masasabi ninyo sa ayos ko." Nakasuot si Papa ng itim pantalones, at abrigo. Sa panloob ng abrigo ay itim na chaleco, at puting camisa. Karaniwang kasuotan ng mga ilustrado.
"Bagay sa iyo ang suot mo, aking esposo." Ipinasok ni Mama ang kurbata ni Papa sa loob ng chaleco. "Ikaw ay lalong naging makisig."
"Eres tan hermosa, mi amor. Te amo mucho."
"Te amo mucho."
Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi. Ang sabi ng aking mga kapatid ay hindi nagmamahalan ang aming mga magulang. Ngunit sa paglaki ko na kasama sila ay nakikita ko kung gaano nila minamahal ang isa't isa.
"Don Victoriano, Doña Consolacion, at señor Manuel, nandito na po rito sila." anunsyo ni Aling Martha. Ang mayordoma namin.
Nagkatinginan kami at bago pa kami pumunta sa pintuan ay sinalubong na kami ng aking mga kapatid. Sobra-sobra ang galak na aking nararamdaman ngayon.
"Nandito na kami!" masayang sabi ni Kuya Matias bago yakapin ang aming mga magulang. Ganoon din ang ginawa ni Ate Victoria. "Aba! Ang laki mo na, Manuel!" Niyakap ako ni Kuya. "Ang tagal nating hindi nagkita. Mahigit apat na taon na rin."
"Ang tangkad na kamo. Nilagpasan ka pa ni Manuelito." Yumakap din sa akin si Ate Victoria. "Kumusta ka na, Manuelito?"
"Sa awa ng Diyos ay maayos naman ako, Ate."
"Ano pang ginagawa natin dito? Pumunta na tayo sa komedor dahil natitiyak kong gutom na kayo." Hinawakan ni Mama ang kamay ni Ate Victoria. "Niluto ko ang paborito ninyong pagkain. Lalo ka na, mi hija."
Sabay-sabay kaming pumunta sa komedor upang kumain ng hapunan. Si Ate Victoria ang nag-usal ng dasal ng pasasalamat sa lahat ng biyaya na natanggap namin bago kami kumain. Nagkukwento ang aking mga kapatid tungkol sa mga karanasan nila sa Maynila. Nakakatuwang marinig ang tungkol sa kaganapan na mayroon doon lalo na't ang tagal noong huling punta ko roon. Nang magtapos ako sa medisina at maipasa ang pagsusulit upang maging isa akong manggagamot ay umuwi na ako rito sa San Pablo at naging abala na sa pagpapatakbo ng hacienda.
Ipinagpatuloy namin ang kuwentuhan sa sala dahil pati rin sina Mama't Papa ay may baon ding kuwento tungkol sa pagbakasyon nila sa España. Ang sayang makita na masaya sila. Patuloy lamang ako sa pakikinig sa kanila hanggang sa unti-unting nawala ang ngiti sa aking mga labi dahil sa aking napagtanto.
"Masaya na ako sa buhay ko ngayon sa Maynila, Manuel. Kasama ko na ang lalaking iniibig ko." nakangiting sabi sa akin ni Ate Victoria. Sabay ng pagsabi niya nito ang unti-unting paglaho niya. Ganoon din ang nangyayari kina Mama, Papa, at Kuya Matias. Lahat sila'y nakangiti sa akin habang sila'y unti-unting naglalaho sa aking harapan.
"Sandali! Huwag kayong umalis. Huwag ninyo ako iwanan!" Bago ko sila mahawakan ay biglang nagbago ang aking paligid. Nasa harapan ko na ngayon si Seraphim at nakangiti sa akin. Hawak-hawak niya ang librong binigay ko sa kanya
"Napakaganda talaga sa panahon namin. Ang moderno na talaga ng mga kagamitang ginagamit." Pinakita niya sa akin ang kanyang cellphone. "Sa pamamagitan nito ay kaya mo nang makipag-usap sa mga taong mahalaga sa iyo na nasa malayong lugar." Umupo si Seraphim at patuloy pa rin siya sa pagkwento. "Kaya hindi ka talaga mababagot doon..."
Dahan-dahan akong umupo sa tabi ni Seraphim. Matamnam ko siyang pinagmamasdan. Kitang-kita ko ang saya sa kanyang mga mata. Puno ng buhay ang kanyang mukha. Ang taong dahilan kung bakit bumalik ang sigla sa aking buhay. Unti-unti akong nahahawa sa kasiyahan na mayroon kay Seraphim.
"May mga kagamitan din doon na mas magpapaganda sa pag-aalaga ng halaman. Siguro makakasundo mo roon ang mga plantito at plantita kasi isa ka sa kanila."
Napangiti ako. "Mukhang magandang bagay iyan."
Gumanti sa akin ng ngiti si Seraphim. "Matitiyak kong magugustuhan mo roon." Dumako ang aking paningin sa colgante ng kuwintas na suot ni Seraphim. Pamilyar sa akin ang kuwintas na iyon. "Sana makabalik ako sa panahong pinanggalingan ko." Sa pagbigkas niya ng mga katagang iyon ay unti-unti siyang naglaho katulad ng nangyari sa aking pamilya.
"Hindi. Huwag mo rin akong iwanan, Seraphim." Hinawakan ko siya ngunit tuluyan pa rin siyang naglaho. "Hindi!"
"HINDI!" Napabalikwas ako ng bangon habang habol-habol ko ang aking paghinga. Napasapo ako sa aking mukha. Isang bangungot ang aking panaginip. Bangungot na paulit-ulit kong napapanaginipan pero ito ang pinakamalala. Huminga ako ng malalim.
Noong tuluyan akong iwanan ng aking pamilya ay pinilit kong isiksik sa aking isipan na sila'y pumunta sa malayong lugar upang magbakasyon. Na sina Ate Victoria at Kuya Matias ay nasa Maynila lamang, at ang aming mga magulang ay nagbabakasyon sa España. Na kaya ako narito sa hacienda upang asikasuhin ito. Na kahit sa ganoong ideya ay parang nand'yan lang sila.
Hindi ko inaasahan na ang panaginip ko ngayon ay mas malala sa mga nakaraan kong panaginip. Ang huling kaganapan doon ang ayaw kong mangyari. Ang mawala si Seraphim.
Huminga ako ng malalim. "Bakit ko ba hinahangad na hindi siya umalis dito?" Alam kong darating ang araw na babalik si Seraphim sa kanila dahil aksidente lamang ang pagpunta niya rito. Hindi naman niya ginusto na nandito siya. Dapat pigilan ko na ang aking sarili. Muli akong huminga ng malalim bago tumayo sa aking kinahihigaan. Dapat ay hindi na ako nag-siesta para hindi ko napanaginipan iyon.
Kumunot ang aking noo dahil sa makintab na bagay na pumukaw sa akin atensyon. Nasa sulok ng aking silid ang kumikislap dahil sa pagtama ng sikat ng araw dito. Kaagad kong nilapitan ang bagay na kumikintab at nagpatanto kong isa iyong kuwintas. Kinuha ko kaagad ito. Pamilyar ang kuwintas.
Pinilit kong alaalahanin kung saan ko nakita iyon. Pumasok sa aking isipan ang aking Ate Victoria. Suot-suot nito ang kuwintas na ito bago ito umalis dito. Ang kuwintas na naging daan para makabalik si Ate Victoria sa hinaharap at makasama ang lalaking tunay nitong minamahal. Ito rin ang suot ni Seraphim sa aking panaginip.
"May pendant na star 'yon. Kumikintab kapag natatamaan ng liwanag kaya para siyang bituin galing langit."
Kumabog ang aking dibdib. Nabitawan ko ang hawak na kuwintas at patakbo akong lumabas ng aking silid. "Huwag mo akong iwan, Seraphim."
BINABASA MO ANG
Una Vez en Diciembre
Historical FictionDahil sa maling bahay na pinasukan, biglang nagbago ang takbo ng buhay ni Seraphim. Hindi niya inaasahan na mapupunta siya sa pahanon kung saan makikilala niya ang isang napakasungit na binatang nagngangalang Manuel Saenz. Okay naman kay Seraphim na...