Capitulo Diecinueve
NAHINTO ako sa pagpupunas ng coffee table nang makita ko si Manuel na nagmamadaling bumaba ng hagadan. Ako naman dahil dakilang Marites, sumunod ako sa kanya. Bigla pa namang sumulpot na parang nakakita ng multo. Dumeretso si Manuel sa kusina. Parang may hinahanap siya. Mayamaya ay hawak na niya ang pitsel na naglalaman ng tubig at nagsalin sa baso para uminom. Sunod-sunod ang pag-inom niya ng tubig.
Lumapit ako sa kanya. "Ayos ka lang ba?" Hindi ko napigilan ang sarili ko na magtanong sa kanya. Mukha kasing hindi siya okay.
Lumingon si Manuel sa akin at walang sabi-sabing niyakap niya ako ng mahigpit na parang mawawala ako sa mundo. Heto na naman ulit ang eratikong pagtibok ng puso ko na palagi kong nararamdaman sa tuwing kasama ko siya.
Marahan kong tinapik ang likod niya. Binalewala ko ang pagtambol ng puso ko dahil mukhang kailangan ni Manuel ngayon ng comfort mula sa akin. "Nakatulog ka ba tapos ang pangit ng panaginip mo?" Hindi niya sinagot ang tanong ko. Nagpatuloy si Manuel sa pagyakap sa akin kaya hinayaan ko na lang siya. Mukhang hindi nga maganda ang tulog niya. Dahan-dahan akong pumikit at hinayaan ko na lang ang sarili ko na mag-enjoy sa pagyakap niya sa akin. Na hindi ko alam kung bakit ako natutuwa sa pagyakap sa akin ni Manuel ngayon.
Mayamaya'y unti-unting lumuwag ang pagkakayakap niya sa akin hanggang sa kumalas na siya sa akin. Ilang beses siyang huminga ng malalim. "P-Paumanhin sa aking kapangasan."
"Mukhang binangungot ka kanina."
Muling huminga ng malalim si Manuel at nagsalin siya ng tubig sa baso. Inisang lagok niya ang laman ng baso.
Inalalayan ko siyang umupo sa silya. Para kasing anytime matutumba na siya. "Gusto mo bang ikwento sa akin ang napanaginipan mo kanina?"
Ilang segundong nakatitig sa akin si Manuel na tila mawawala ako sa paningin niya kung sakaling kumurap siya. Dahan-dahan siyang tumango. "Alam mo namang mag-isa na lamang ako sa pamilya namin, 'di ba?" Tumango ako. Mukhang tungkol sa pamilya nila ang kanyang napanaginipan. "Kasama ko sila sa aking panaginip. Masaya kaming nagkukwentuhan sa sala hanggang sa isa-isa silang naglaho. Ako na lamang ang natira sa sala. Hanggang sa panaginip ko'y mag-isa lang ako." Bakas sa boses niya ang sobrang sakit.
Hindi ako nagkomento. Alam kong medyo emotional siya ngayon at hindi pwedeng basta-basta na lang ako magsalita. Baka ma-offend ko siya ng wala sa oras.
"Pero bigla kang dumating sa harapan ko. Puno ng saya ang iyong mukha. Nagkukwento ka tungkol sa iyo hanggang sa unti-unti na akong nalulunod sa galak. Nakakahawa ang iyong ngiti."
"Tapos?"
Yumuko si Manuel. Ayaw niyang ipakita sa akin ang sinasabi ng mga mata niya. "Katulad nila'y unti-unti ka ring nawala sa aking paningin nang hawakan mo ang suot mong kuwintas." Unti-unting humihina ang kanyang boses.
Natigilan ako sa sinabi niya. Hindi ko ine-expect iyon. "Ako ba ang dahilan kung bakit ganoon ka kanina?" Wala akong narinig mula sa kanya. "Oy, Manuel." Mahina ko siyang niyugyog.
"Oo." Umangat ng tingin si Manuel. Kung kanina ay kalungkutan ang nakikita sa mga mata niya, ngayon ay pangamba o takot. "Ikaw ang dahilan kung bakit bumalik ang sayang aking naramdaman. Sa tingin mo ba'y ikakatuwa ko sa oras na ika'y mawala?"
BINABASA MO ANG
Una Vez en Diciembre
Narrativa StoricaDahil sa maling bahay na pinasukan, biglang nagbago ang takbo ng buhay ni Seraphim. Hindi niya inaasahan na mapupunta siya sa pahanon kung saan makikilala niya ang isang napakasungit na binatang nagngangalang Manuel Saenz. Okay naman kay Seraphim na...