Chapter 18

44 5 3
                                    

Maria Therese Angelique's

"Anong ginagawa mo sa lugar na ito, Angelique?" Mahina pero mataas ang intensidad na tanong sakin ni Lolo. Mahigit isang taon ko syang hindi nakita at nakausap pero ganun parin ang kaba ko sa presensya nya.

"Dito po ako pumupunta lagi pag bakasyon" nakayukong sabi ko dahil hindi ko kayang salubungin ang mga mata nya. Wala akong natatandaang magandang ala-ala namin ni Lolo. Lagi kasi syang galit at hindi nya rin ako pinapansin maliban nalang pag nakagawa ako ng pagkakamali.

"Paano mo nalaman ang lugar na ito?" Muling tanong nya bago umupo sa nilatag nyang jacket. Hindi ko alam kung paano sya nakarating dito at mukhang mag-isa lang sya. Mataas ang lugar na kinalalagyan namin at hindi na rin naman ganun kalakasan si Lolo kaya hanga ako sa kanya dahil nakaakyat pa rin sya dito.

"Aksidenteng nadiskumbre ko lang po ito noong umalis ako pagkatapos ng graduation ko. Simula po noon, lagi na akong nagpapabalik balik dito dahil iba yung comfort na binibigay sakin ng lugar" hindi na sumagot si Lolo. Narinig ko rin ang pagbuntong hininga nya.

Tumayo ako sa pinaka edge at gaya ng lagi kong ginagawa, dinipa ko ang mga kamay ko at sinamyo ang masarap na simoy ng hangin. Hindi ko alam kung anong magic mayroon ang lugar na ito pero talagang ibang kapayapaan ang nararamdaman ko.

Akala ko noon ay dahil lang yun kay Mr. Black Shirt pero kahit wala na sya dito, natatagpuan ko pa rin ang sarili kong pabalik balik.

"Hindi mo ba tatanungin kung bakit ako narito?" Pagkuwa'y tanong ni Lolo. Lumingon ako sa kanya at tinapik naman nya yung space sa tabi nya. Dahan-dahang lumapit ako dun at umupo.

"Alam mo bang namana mo sa prinsesa ko ang kahiligan sa mga matataas na lugar? Pag nagdiriwang sya noon ng kaarawan, ayaw nya ng regalo. Mas gusto nyang mag hiking kami o di kaya ay magpicnic sa mga burol. Tuwang-tuwa sya pag sumasampal ang malakas na hangin sa mukha nya" tahimik na nakikinig lang ako kay Lolo. Ito ang unang pagkakataon na narinig ko ang masuyo nyang boses. Puno ng lungkot iyon at pangungulila.

"Pangarap rin nya noong maging isang flight stewardess para daw lagi syang nasa eroplano. Syempre dahil nga sya ang prinsesa naming lahat, sinuportahan namin sya kahit na sya lang ang umiba ng landas sa amin. Alam mo namang ang lahi natin ay nasa pagtuturo lahat, diba?" Marahang tumango ako at lumingon sa kanya pero diretso lang ang tingin nya.

Nakikita ko ngang mahal na mahal talaga nila ang mommy ko at ako ang dahilan kung bakit sya maagang nawala. Hindi ko masisisi si Lolo kung bakit galit na galit sya sa akin. Kung siguro ay hindi nabuntis si Mommy, naoperahan sya agad at nabuhay pa sya ng mas matagal.

"Napakalambing ng batang yun. Gusto nun lagi ay nakasiksik sakin kahit na dalaga na sya" natawa pa sya pero nakita ko ang tumulo nyang luha. Nasasaktan ako para sa kanya.

"Lolo, sorry po. Sorry po kung dumating ako ng hindi inaasahan. Sorry po kung dahil sakin, nawala yung prinsesa nyo" umiiyak na sabi ko kaya napatingin sya sakin. Yumuko ako at pinunasan ang mga luha ko pero patuloy pa rin ang pagtulo nun.

"Saan mo nakuha ito?" Tanong nya sabay hawak sa pendant ng kwintas ko.

"Binigay po sakin ni Nanay Rosing. Sa tunay na ina ko raw po yan at binigay nya yan kay Nanay Rosing isang araw bago ako maipanganak" tumingin sya sa mukha ko at tuloy-tuloy na rin ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata.

"Kamukhang kamukha mo talaga ang Maria ko" lalo lang akong napahagulhol nung hinaplos nya ang mukha ko. Parang ito ang unang pagkakataon na hinawakan ako ni Lolo. Ang sarap sa pakiramdam.

Pinunasan nya ang mga luha ko at bahagyang ngumiti sya.

"Patawarin mo sana si Lolo, apo. Patawarin mo ako kung nasaktan kita. Nauunahan kasi ako ng galit pag nakikita kita. Paulit-ulit sa isip ko na ikaw ang bunga ng kawalang hiyaan ng hayop na lalaking iyon"

TagpuanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon