V-Day, Big Deal?

230 14 5
                                    

V-Day, Big Deal?

By: imbethqui

Pagbili ng bulaklak at tsokolate, reservations sa mamahaling restaurant, trip abroad, movie tickets, stuffed toys, alahas at kung anu-ano pa. Bakit nga ba masyadong pinagkaka-abalahan ng mga tao ang Valentine's day?

Kilala sa pagiging likas na romatiko ang mga Pilipino at isa ang Valentine's Day sa pinaka-aabangang araw ng karamihan sa atin. Ito ang pagkakataon para maipakita ng lubos sa iyong minamahal kung gaano siya kahalaga sa 'yo. At ngayon, hindi na lang sa isang simpleng Valentine's card idinadaan ang pagpapahayag ng pagmamahal sa isang tao.

Kung noon, sulat lang sa isang mabango at magandang stationery ay mapapa-kilig mo na ang iyong nililigawan o kasintahan, ngayon, pwede na rin itong idaan sa mas modernong paraan tulad ng tarpaulins, neon signs o kahit billboard pa! Nandiyan din ang mga social media na mas mabilis pa sa virus ng sipon kung kumalat. Isang malupit at sweet na sweet na mensahe lang, tiyak kikiligin na ang iyong mahal!

Sa mga hindi naman masyadong magaling sa mga salita, idinadaan na lang nila ito sa mga materyal na bagay. Pero hindi rin ito basta basta, dahil ang mga bagay na ito ang nagpapadala ng mensahe ng nagbigay para sa taong importante sa kanya. Isa sa pinaka-popular na bagay na ibinibigay tuwing araw ng mga puso ay ang alahas. At ngayon, hindi lang simpleng singsing, kwintas, hikaw, bracelet o relo ang ibinibigay. Pwede na rin itong i-personalize!

May mga tao naman na gusto ng adventure sa araw ng mga puso. Mas gusto nilang mag-byahe sa malayong lugar o sa labas ng bansa para ipagdiwang ang araw na ito. Gusto nilang ma-experience ang kultura ng ibang lugar at kung paano ipinagdiriwang dito ang espesyal na araw na ito. Magastos? Oo. Pero baka sa byaheng ito magsimula ang ibang level na byahe ninyo na magkasama!

Pero ang isa sa pinaka-epektibo pa ring paraan ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay ang pagkain sa isang magarang restaurant. Uso pa rin talaga ang candle light dinner, kaya't ang mga restaurants ngayon ay talagang abala sa kanya-kanyang promotions para sa naturang araw. Hindi lang sa mga restaurants, pati sa mga hotel ay mayroon nito. Pero ang pinaka-simple, pwede naman sa bahay ito gawin. Kung marunong kang magluto at mag-ayos ng konti ng inyong likod-bahay, hindi na kailangang gumastos para magpa-reserve sa mamahaling restaurant!

Tayong mga Pilipino, kahit gipit na, basta may okasyon, talagang paghahandaan ito. Ngunit hindi sa laki ng gastos, sa presyo ng regalo o sa kung gaano ka-garbo ang lugar masusukat ang pagpapakita ng pagmamahal sa isang tao. Nasa sinseredad pa rin ito ng taong nagmamahal. At hindi lang naman sa araw na ito pwedeng ipadama na mahal mo siya, araw araw pwede mong sabihin at ipakita sa kanya kung gaano siya kahalaga sa 'yo at kung gaano mo siya kamahal.

A WattMag Special Issue: Love is in the AirTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon