Kabanata V. Tagapagpatupad

1 0 0
                                    

Artikulo 1. Kapangyarihang magpatupad ng batas.

Nasa Pangulo ng Pilipinas ang kapangyarihang magpatupad ng batas.

Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kontrol sa lahat ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga kawanihan, at mga tanggapan. Dapat niyang seguruhin ang matapat na pagpapatupad ng mga batas.

Basehan: Artikulo VII, Seksyon 1 at 17, PH.


Artikulo 2. Kwalipikasyon, pagpili, at termino ng Pangulo at Pangalawang Pangulo.

(1) Hindi maaaring maging Pangulo ang sino mang tao matangi kung siya ay isang katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas, isang rehistradong botante, nakababasa at nakasusulat, apatnapung taon man lamang ang gulang sa araw ng halalan, at isang residente ng Pilipinas sa loob ng sampung taon man lamang kagyat bago ang gayong halalan.

(2) Dapat magkaroon ng dalawang Pangalawang Pangulo na may katangian at taning ng panunungkulan na katulad ng sa Pangulo at dapat piliing kasabay ng sa Pangulo. Maaari siyang alisin sa panunungkulan sa paraang katulad ng sa Pangulo.

(3) Dapat piliin ang Pangulo at ang mga Pangalawang Pangulo ng Kamara ng Mamamayang Pilipino, sa pamamagitan ng partido o mga partidong nakakuha ng mayoryang boto sa halalan para sa Kamara ng Mamamayang Pilipino. Dapat kumpirmahin ng tuwirang boto ng sambayanan ang piniling Pangulo at mga Pangalawang Pangulo sa isang halalan na dapat ganapin sa ikalabing-limang araw matapos ang halalan para sa mga kasapi ng Kamara ng Mamamayang Pilipino na binanggit sa huling kabanata. Hindi pwedeng hiwalay na piliin at kumpirmahin ang Pangulo at mga Pangalawang Pangulo.

(4) Kung bumoto ang sambayanan na hindi kumpirmahin ang piniling Pangulo at mga Pangalawang Pangulo, dapat pumili ng panibagong Pangulo at mga Pangalawang Pangulo ang partido o mga partidong nakakuha ng mayoryang boto sa halalan para sa Kamara ng Mamamayang Pilipino, at dapat kumpirmahin ang panibagong Pangulo at mga Pangalawang Pangulo ng tuwirang boto ng sambayanan sa halalang dapat ganapin sa ikalabing-limang araw matapos ang huling halalan para kumpirmahin ang piniling Pangulo at mga Pangalawang Pangulo. Kung sa halalang ito, bumoto ang sambayanan na hindi kumpirmahin ang piniling Pangulo at mga Pangalawang Pangulo, uulitin ulit ang nakasaad sa talatang ito hanggang bumoto ang sambayanan na kumpirmahin ang piniling Pangulo at mga Pangalawang Pangulo.

(5) Ang mga ulat ng bawat halalan para kumpirmahin ang Pangulo at mga Pangalawang Pangulo, na pinatibayan gaya ng nararapat ng lupong tagabilang ng bawat lalawigan o lungsod, ay dapat ipadala sa Senado, tukoy sa Pangalawang Pangulo (President Pro-Tempore) ng Senado. Pagkatanggap sa mga sertipiko sa bilang, dapat buksan ng Pangulo ng Senado ang lahat ng mga sertipiko sa harap ng Senado, at dapat bilangin ng Senado ang mga boto sa sandaling matiyak ang pagiging totoo at ang nararapat na pagsasagawa niyon sa paraang itinatadhana ng batas. Dapat matapos ang pagbilang sa loob ng limang araw pagkaraan ng araw ng halalan,

(6) Habang wala pang pinili at kinumpirmang Pangulo at mga Pangalawang Pangulo, o kung hindi marapat ang lahat sa kanila, ang pinakamatataas na opisyal ng serbisyo sibil ng bawat kagawaran ng Gabinete ang siyang mamumuno sa kanilang kagawaran ng Gabinete, at silang lahat ang magiging pansamantalang Tagapagpatupad bilang collective presidency. Kailangan ang boto ng pitumpu't limang bahagdan sa kanila para gamitin ang anumang kapangyarihang inilaan ng Pangunahing Batas na ito o iba pang mga batas sa Pangulo.

(7) Dapat maging tanging hukom ang Kataastaasang Hukuman, na buong nagkakalipon (en banc), ng lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga ulat, at mga kwalipikasyon ng Pangulo o mga Pangalawang Pangulo, at maaaring maglagda ng mga tuntunin nito para sa layuning iyon.

Pangunahing Batas ng Republika ng Mamamayang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon