Kabanata IV. Tagapagbatas

3 0 0
                                    

Artikulo 1. Kapangyarihang gumawa ng batas.

(1) Nasa Tagapagbatas at nasa mamamayang Pilipino, nang naaayon sa nakasaad sa artikulong ito tungkol sa pagpapatiuna at reperendum, ang kapangyarihang gumawa ng batas.

(2) Binubuo ng Senado at ng Kamara ng Mamamayang Pilipino ang Tagapagbatas. Pantay ang dalawang kamara na ito. Walang mataas (upper) at mababang (lower) kapulungan (house).

(3) Maaaring tuwirang magpanukala at makagawa ng mga batas ang mga mamamayan.

Maaari rin silang makapagpatibay o makatanggi sa anumang batas o bahagi nito na pinagtibay ng Tagapagbatas o ng estadong kalupunang pangkapulungan o ng lokal na kalupunang pangkapulungan.

Para simulan ito, kailangang maghain ng petisyong na nilagdaan ng hindi kukulang limang porsyento ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante, kinakailangang katawanin ang bawat purok pangkapulungan ng hindi bababa sa isang porsyento ng mga rehistradong botante niyon.

Pagkahain ng petisyon, dapat isagawa ang pagpapatiuna at reperendum ng Komisyon ng Halalan.

Hindi pwedeng dagdagan o bawasan ang mga kundisyong ito.

Basehan: Artikulo VI, Seksyon 1, 32, PH. (Tignan din ang Batas Republika Blg. 6735, "The Initiative and Referendum Act").


Artikulo 2. Kwalipikasyon at halalan ng mga kasapi ng Kamara ng Mamamayang Pilipino.

(1) Dapat ihalal ang mga kasapi ng Kamara ng Mamamayang Pilipino mula sa mga lalawigan at mga lungsod, ayon sa rami ng kinauukulang mga naninirahan, at batay sa magkakatulad at paunlad na pagdami, at mula sa sistema ng representasyong proporsyonal ayon sa artikulong ito.

(2) Dapat buuin, hangga't maaari, ang bawat purok pangkapulungan ng teritoryong magkakaratig, buo, at magkakatabi.

(3) Dapat magkaroon ng isang kinatawan ang bawat lungsod hindi bababa ang populasyon sa dalawang daan at limampung libong tao. Dapat magkaroon ang bawat lungsod ng dagdag na isang kinatawan para sa bawat dalawang daan at limampung libong tao.

(4) Dapat ding magkaroon ng isang kinatawan ang bawat lalawigan. Dapat magkaroon ang bawat lalawigan ng dagdag na isang kinatawan para sa bawat dalawang daan at limampung libong tao.

(5) Hindi dapat maging kasapi ng Kamara ng Mamamayang Pilipino ang sinumang tao matangi kung siya ay katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at sa mga araw ng halalan, ay dalawampu't limang taong gulang man lamang, nakababasa at nakasusulat, at, maliban sa mga kinatawang hindi kumakatawan sa isang purok, rehistradong botante sa purok na paghahalalan sa kanya, at nakapanirahan doon sa loob ng panahong hindi kukulangin sa isang taon kagyat bago sumapit ang araw ng halalan.

(6) Dapat ihalal ang mga kasapi ng Kamara ng Mamamayang Pilipino para sa taning na apat na taon na magsisimula sa katanghalian ng tatlumpung araw ng Disyembre na sumusunod sa pagkahalal sa kanila.

Sa halalan, dalawa ang ibobotong kinatawan ng bawat mamamayan. Ang isa ang kinatawan ng lalawigan o lungsod, at ang isa ang partidong kanyang nais.

Para maisakatuparan ang representasyong proporsyunal, dadagdagan ang mga upuan sa Kamara ng Mamamayang Pilipino ayon sa botong nakuha ng mga partido sa halalan.

Pero hindi maaaaring tanggalin sa Kamara ang mga kinatawan ng mga lalawigan at lungsod kung hindi sasakto ang boto sa kanilang partido sa proporsyon ng kanilang mga miyembro sa kabuuan ng Kamara. Hindi rin maaaring tanggalin ang mga hindi kasapi ng anumang partido na hinalal para katawanin ang lalawigan o lungsod.

Pangunahing Batas ng Republika ng Mamamayang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon