Kabanata III. Pamahalaan ng Republika ng Mamamayang Pilipino

3 0 0
                                    

Artikulo 1. Mga prinsipyo ng pamahalaan.

(1) Demokratiko at republikano ang Republika ng Mamamayang Pilipino. Nasa kamay ng sambayanan ang kapangyarihan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.

(2) Itinatakwil ng Republika ng Mamamayang Pilipino ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa, tinatanggap bilang bahagi ng batas ng bansa ang mga simulain ng batas internasyonal na kinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay, katanungan, kalayaan, pakikipagtulungan, at pakikipagkaibigan sa lahat ng mga bansa.

(3) Namamayani at sumasaibabaw sa lahat ng panahon ang awtoridad na sibilyan sa militar. Ang Sandatahang Lakas ang tagapangalaga ng Sambayanan at ng Republika ng Mamamayang Pilipino. Layunin nito na seguruhin ang ganap na kapangyarihan ng Republika at ang integridad ng pambansang teritoryo.

(4) Pangunahing tungkulin ng pamahalaan ang paglingkuran at pangalagaan ang sambayanan. Maaaring tawagan ng pamahalaan ang sambayanan upang ipagtanggol ang Republika ng Mamamayang Pilipino, at sa ikatutupad niyon, maaaring atasan ang lahat ng mga mamamayan na maghandog ng personal na serbisyo militar o sibil, sa ilalim ng mga kondisyong itinatakda ng batas.

(5) Dapat sundin ng Republika ng Mamamayang Pilipino ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at ari-arian, at ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya ng demokrasya.

(6) Dapat sundin ng Republika ng Mamamayang Pilipino ang isang malayang patakarang panlabas. Sa mga ugnayan nito sa ibang mga estado, dapat unang-unang isaalang-alang ang ganap na kapangyarihang pambansa, integridad na teritoryal, kapakanang pambansa, at ang karapatan sa sariling pagpapasya.

(7) Tinatanggap at sinusunod ng Republika ng Mamamayang Pilipino, nang naaalinsunod sa kapakanang pambansa, ang patakarang malaya laban sa pagkakaroon ng mga sandatang nukleyar sa teritoryo nito.

Basehan: Artikulo II, Seksyon 1-5, 7-9, PH.


Artikulo 2. Mga antas ng pamahalaan.

(1) Pambansa (National) at lokal na pamahalaan ang mga antas ng pamahalaan.

(2) Maaaring bumuo ng mga estado ang mga lokal na pamahalaan. Dapat binubuo ang isang estado ng mga lalawigan, mga lungsod at mga bayan, at mga lawak heograpiko na may panlahat at namumukod na manang kasaysayan at kalinangan, mga istrukturang pangkabuhayan at panlipunan at iba pang nauugnay na mga katangian, alinsunod sa balangkas ng Pangunahing Batas na ito, at ng kataas-taasang kapangyarihan ng bansa gayon din ng karangalang teritoryal ng Republika ng Mamamayang Pilipino.

(3) Kabilang sa mga maaaring bumuo ng estado ang mga lokal na pamahalaang bahagi ng ngayo'y rehiyong nagsasarili sa Muslim Mindanao o Bangsamoro.

(4) Maaari ring bumuo ng estado para sa rehiyong Cordillera.

(5) Para bumuo ng estado, dapat bumalangkas ng saligang batas ang mga yunit pulitikal na gustong sumali dito.

Dapat pangalagaan ng saligang batas ng estado ang lahat ng mga karapatang nakasaad dito.

Dapat ding tukuyin ng saligang batas ng estado ang saligang balangkas ng pamahalaan para sa rehiyon na binubuo ng kagawarang tagapagpaganap at kapulungang tagapagbatas na may isang kamara lamang. Kapwa dapat na halal at kumakatawan sa mga yunit pulitikal na bumubuo sa estado ang kapulungang tagapagbatas. Dapat iboto o italaga ang mga nasabing opisyal sa parehong proseso ng paghalal o pagtatalaga sa mga pambansang opisyal ayon sa nakasaad sa Pangunahing Batas na ito.

Pangunahing Batas ng Republika ng Mamamayang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon