Kabanata I. Katipunan ng mga Karapatan (Bill of Rights)

68 0 0
                                    

Artikulo 1. Dangal ng bawat tao.

(1) Hindi pwedeng labagin ninuman ang karapatang-pantao. May bisa ang Katipunan ng mga Karapatang ito laban hindi lang sa Estado at pamahalaan, kundi sa lahat, indibidwal man, samahan (partnership), o korporasyon.

(2) Trabaho, tungkulin, at responsibilidad ng Republika ng Mamamayang Pilipino na pangalagaan ang karapatang-pantao ng lahat ng taong nasa teritoryo nito.

(3) Tungkulin din ng Republika ng Mamamayang Pilipino na protektahan ang lahat ng karapatan ng mga Pilipino sa labas ng Pilipinas.

Basehan:

(1) Artikulo 1(1), Pangunahing Batas ng Alemanya (Basic Law of the Federal Republic of Germany), (GER)

(2) Case Concerning Barcelona Traction, Light, and Power Company, Ltd [1970] ICJ 1

(3) Nottebohm case (Liechtenstein v. Guatemala) [1955] ICJ 1


Artikulo 2. Pagkakapantay-pantay.

(1) Pantay-pantay ang lahat ng indibidwal. Bawal ang diskriminasyon base sa anumang dahilan, kabilang ang pagkakakilanlan, lahi, pinagmulan, nasyonalidad, wika, kasarian nang pinanganak, oryentasyong sekswal, pagkakakilanlan ayon sa piniling kasarian, antas ng pamumuhay, yaman, edad, kapansanan, relihiyon, at mga paniniwalang ideyolohikal at pulitikal.

(2) Tungkulin ng Republika ng Mamamayang Pilipino na tiyakin at isulong ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng indibidwal sa pag-aaral, sa trabaho, sa pamahalaan, sa pamilya, sa mga benepisyong binibigay ng pamahalaan at pribadong sektor, at sa lahat ng aspeto ng lipunan.

Basehan:

(1) Kabanata I, Seksyon 1, Artikulo 1 at 3, Burador na Saligang-Batas ng Silangang Alemanya na gawa ng mga Kalahok ng Bilog na Mesa (Draft of the Constitution of the German Democratic Republic by the members of the Round Table), Abril 1990, (DDR-1990);

(2) Parte II, Artikulo 2(1), International Covenant on Civil and Political Rights, (ICCPR);

(3) Artikulo II, Seksyon 14, PH.


Artikulo 3. Due process, equal protection, at kahulugan ng "mamamayan".

(1) Karapatan ng lahat na mabuhay, magdesisyon tungkol sa kanilang buhay, at mamatay nang marangal. 

(2) Bawal tanggalan ng buhay, kalayaan, anumang karapatan, o ari-arian ang sinumang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sinumang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.

(3) Pantay-pantay ang bawat tao. Pinagbabawal ang anumang uri ng hindi pantay-pantay na pagtrato nang wala o mahinang basehan.

(4) Pero, pag nakasaad na mga "mamamayan" ang maaaring magtamasa ng nasabing karapatan, mga mamamayan lamang ang maaaring magtamasa ng mga karapatang nabanggit. Pantay-pantay ang lahat ng mga mamamayan sa pagtamasa mga karapatang ito.

(5) Ang ibig sabihin ng "mamamayan" ang mga sumusunod:

(a) Mga mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagkakapatibay ng Pangunahing Batas na ito;

(b) Yung ang mga ama o mga ina ay mga mamamayan ng Pilipinas; at

(c) Yung mga naging mamamayan ayon sa batas.

(6) Ang katutubong inianak na mga mamamayan ay yaong mga mamamayan ng Pilipinas mula pa sa pagsilang na wala nang kinakailangang gampanang ano mang hakbangin upang matamo o malubos ang kanilang pagkamamamayang Pilipino. 

Pangunahing Batas ng Republika ng Mamamayang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon