Kabanata VIII. Ang Mga Komisyong Konstitusyonal

0 0 0
                                    

A. Mga Karaniwang Tadhana

Artikulo 1. Listahan at mga pinuno.

Ang mga Komisyong Konstitusyonal, na dapat malaya at nagsasarili, ay ang Komisyon sa Serbisyo Sibil, ang Komisyon sa Halalan, ang Komisyon sa Awdit, ang Tanggapan ng Ombudsman, at Komisyon sa mga Karapatang Pantao.

Basehan: Artikulo IX-A, Seksyon 1, PH.


Artikulo 2. Pagbabawal

Ang sinumang kasapi ng isang Komisyong Konstitusyonal, sa panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat humawak ng ibang katungkulan o trabaho. Hindi rin siya dapat magpraktis ng anumang propesyon o aktibong mamahala o mangasiwa ng anumang negosyo na sa ano pa mang paraan ay maaaring makaugnay sa mga gawain ng kanyang katungkulan, ni hindi dapat maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di tuwiran sa anumang kontrata sa, o sa anumang prangkisya o pribilehyong kaloob ng, Pamahalaan, o anumang bahagi, sangay, o instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o ang mga, sangay nito.

Basehan: Artikulo IX-A, Seksyon 2, PH.


Artikulo 3. Pagsasarili.

(1) Maliban sa Tanggapan ng Ombudsman, ang Tagapangulo at Komisyonado ang mga pinuno ng mga Komisyong Konstituyonal. Ang pinakamatagal na naglilingkod na Komisyonado ang siyang magiging Tagapangulo. Hindi kailangan magtalaga, at hindi dapat magtalaga, ang Pangulo ng Tagapangulo ng anumang Komisyong Konstitusyonal. Subalit, maaaring magtalaga ang Pangulo ng Tagapangulo na kasabay ng unang pagtatalaga ng mga Komisyonado ng mga Komisyong Konstitusyonal sa ilalim ng Pangunahing Batas na ito.

(2) Ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang para sa isang taning na panahon ng panunungkulan na pitong taon na di na muling mahihirang.

(3) Sa mga unang nahirang sa ilalim ng Pangunahing Batas na ito, maliban sa Komisyon sa Halalan, sa Tanggapan ng Ombudsman, at sa Komisyon sa mga Karapatang Pantao, ang Tagapangulo ay dapat manungkulan sa loob ng pitong taon, ang isang Komisyonado sa limang taon, at ang isa pang Komisyonado sa tatlong taon, na hindi na muling mahihirang. Para sa Komisyon ng Halalan at sa Komisyon ng mga Karapatang Pantao, tatlong (3) kasapi ang manunungkulan sa loob ng pitong (7) taon, dalawang (2) kasapi sa limang (5) taon at ang mga natitirang kasapi sa tatlong (3) taon, na hindi na muling mahihirang.

(4) Ang paghirang ukol sa anumang bakante ay dapat lamang sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panungkulan ng hahalinhan.

(5) Kailanman ay hindi dapat hirangin o italaga ang sinumang kasapi sa katayuang pansamantala o nanunungkulan.

(6) Dapat staggered o hindi magkakasabay ang termino ng mga kasapi ng mga Komisyong Konstitusyonal, maliban sa Ombudsman. Hindi pwedeng isang Pangulo lang sa isang termino ng Kamara ng Mamamayang Pilipino ang magtatalaga ng lahat ng kasapi ng mga Komisyong Konstitusyonal.

(7) Ang sahod ng mga kasapi ng mga Komisyong Konstitusyonal ay dapat itakda ng batas at hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan.

(8) Dapat humirang ang mga Komisyong Konstitusyonal ng kanilang mga pinuno at kawani ayon sa batas.

(9) Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang mga Komisyon. Dapat na kusa at regular na ipalabas ang kanilang pinagtibay na taunang laang-gugulin.

(10) Ang bawat Komisyon en banc ay maaaring maglagda ng sarili nitong mga tuntunin tungkol sa mga pleading at praktis dito o sa alin mang tanggapan nito. Gayon man, ang mga tuntuning iyon ay hindi dapat magbawas, magdagdag, o magbago ng mga karapatang makabuluhan.

Pangunahing Batas ng Republika ng Mamamayang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon