Kabanata IX. Mga Pagbabago

0 0 0
                                    

Artikulo 1. Sino ang maaaring maghain ng panukala.

Maaaring ipanukala ang anumang pagbabago, konti man o malawakan:

(1) ng Tagapagbatas, sa pamamagitan ng tatlong-kapat na boto ng lahat ng mga kasapi nito, na hiwalay dapat bumoto; o

(2) sa pamamagitan ng isang Kumbensyong Konstitusyonal.

Maaari ring tuwirang ipanukala ang konting pagbabago sa pangunguna ng mga taong-bayan sa pamamagitan ng petisyon ng sampung bahagdan man lamang ng kabuuang bilang ng mga rehistradong manghahalal, na kinakailangang katawanin ang bawat purok lehislatibo ng isang bahagdan man lamang ng mga rehistradong manghahalal niyon. 

Hindi dapat pahintulutan ang anumang pagbabago sa ilalim ng artikulong ito sa loob ng limang taon kasunod ng ratipikasyon ng Konstitusyong ito ni nang malimit kaysa sa minsan tuwing limang taon pagkatapos noon.

Dapat magtadhana ng batas ang Tagapagbatas ukol sa pagsasakatuparan ng paggamit ng karapatan ng taong-bayan na magpanukala ng konting pagbabago.

Basehan: Artikulo XVII, Seksyon 1 at 2, PH.


Artikulo 2. Kumbensyong Konstituysonal.

Maaaring tumawag ang Tagapagbatas, sa pamamagitan ng dalawang-katlong boto ng lahat ng mga kasapi nito, na dapat hiwalay bumoto, ng isang Kumbensyong Konstitusyonal.

Sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kasapi ng Tagapagbatas, na dapat hiwalay bumoto, maaari nitong iharap sa mga botante ang tanong kung dapat bang tumawag ng Kumbensyon.

Bubuuin ang Kumbensyon ng mga kasaping halal ng mga botante. Hindi maaaring ihalal para sa Kumbensyong Konstitusyonal ang sinumang nakaupo sa pamahalaan, talaga o halal. Hindi maaaring ihalal at maglingkod sa Kumbensyong Konstitusyonal ang sinumang nakaupo sa Tagapagbatas, kahit magbitiw pa ito sa Tagapagbatas para mahalal at maglingkod sa naturang Kumbensyon. 

Basehan: Artikulo XVII, Seksyon 3, PH.


Artikulo 3. Bisa ng pagbabago.

Ang anumang pagbabago, konti o malawakan, sa Konstitusyong ito ay dapat na balido kapag naratipikahan ng nakararaming boto sa isang plebisito na dapat ganapin nang hindi aaga sa animnapung araw at hindi lalampas ang siyamnapung araw pagkapagpatibay ng gayong susog o pagbabago.

Ang anumang konting pagbabago na pinanukala ng taong-bayan ay dapat na balido kapag naratipikahan sa bisa ng nakararaming boto sa isang plebisito na dapat ganapin nang hindi aaga sa animnapung araw at hindi lalampas ang siyamnapung araw pagkatapos ng sertipikasyon sa kasapatan ng petisyon ng Komisyon sa Halalan.

Basehan: Artikulo XVII, Seksyon 4, PH.


---

Version 1.1, 20 Mayo 2021 (inayos ang pag-format o formatting)

Luma: 1.0, 16 Mayo 2021

Pangunahing Batas ng Republika ng Mamamayang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon