Kabanata VII. Tagahukom

0 0 0
                                    

Artikulo 1. Kapangyarihang maghukom.

(1) Dapat masalalay ang kapangyarihang panghukuman sa isang Kataastaasang Hukuman, Hukuman ng Apela (Court of Appeals), Hukuman ng Apela Tungkol sa Buwis (Court of Tax Appeals), Sandiganbayan, at sa mga nakabababang hukuman na maaaring itatag ng batas.

(2) Saklaw ng kapangyarihang panghukuman ang tungkulin ng mga hukuman ng katarungan na ayusin ang nangyayaring mga sigalot na kinasasangkutan ng mga karapatang nararapat hingin at ipatupad nang naaayon sa batas at pasyahan kung mayroon o walang naganap na malubhang pagsasamantala sa diskresyon na humantong sa kawalan o kalabisan sa hurisdiksyon sa panig ng alin mang sangay o instrumentaliti ng pamahalaan.

Basehan: Artikulo VIII, Seksyon 1, PH.


Artikulo 2. Pagsasarili ng hukuman.

(1) Ang Tagapagbatas ay dapat na may kapangyarihang tumiyak, magtakda, at mag-ayaw-ayaw ng hurisdiksyon ng iba't ibang hukuman datapwat hindi maaaring alisan ang Kataastaasang Hukuman ng hurisdiksyon sa mga usaping iniisaisa sa Pangunahing Batas na ito.

(2) Hindi rin dapat magpasa ang Tagapagbatas ng anumang batas kung ang magiging resulta nito ay ang pagbuwag sa Hukuman ng Apela, sa Hukuman ng Apela Tungkol sa Buwis, o sa Sandiganbayan.

(3) Hindi dapat magpatibay ng anumang batas na nagbabagong-tatag sa mga hukuman kung ito'y magpapabuway sa kaseguruhan ng takdang panahon ng panunungkulan ng mga kasapi nito.

(4) Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang mga Hukuman. Ang laang-gugulin para sa Hukuman ay hindi maaaring bawasan ng lehislatura nang mababa kaysa sa halagang inilaan para sa nakaraang taon at, pagkaraang mapagtibay, dapat ipalabas nang kusa at regular.

(5) Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat magtaglay ng superbisyong pampangasiwaan sa lahat ng mga hukuman at sa mga tauhan niyon.

(6) Ang pinakamatagal na naglilingkod na Kasamang Mahistrado (Senior Associate Justice) ng Kataastaasang Hukuman ang siyang magiging Punong Mahistrado. Hindi kailangan, at hindi dapat, magtalaga ang Pangulo ng Punong Mahistrado. Ang Punong Mahistrado ay kapantay ng mga Kasamang Mahistrado (primus inter pares).

(7) Ang pinakamatagal na nagsisilbing Kasamang Mahistrado (Senior Associate Justice) ng mga hukumang kolehyado ang magiging Namumunong Mahistrado (Presiding Justice) ng mga hukumang kolehyado. Hindi kailangang magtalaga, at hindi dapat magtalaga, ang Pangulo ng Namumunong Mahistrado.

(8) Ang sweldo ng Punong Mahistrado at ng mga Kasamang Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, at ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman ay dapat itakda ng batas. Hindi dapat bawasan ang kanilang mga sweldo sa panahon ng kanilang panunungkulan.

(9) Dapat magtaglay ang Kataastaasang Hukuman en banc ng kapangyarihang disiplinahin ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman, o iatas ang kanilang pagkatiwalag sa pamamagitan ng boto ng nakararami at ng isa pang Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon ng mga iisyu sa usapin at bumoto roon.

Basehan: Artikulo VIII, Seksyon 2, 3, 7, at 10-11, PH.


Artikulo 3. Kasapi ng Kataastaasang Hukuman.

(1) Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat buuin ng isang Punong Mahistrado at labing-apat na Kasamang Mahistrado. Ito ay maaaring magpasya nang buo (en banc) o sa diskresyon nito, sa mga dibisyong binubuo ng tatlo, lima, o pitong kasapi.

(2) Ang anumang bakanteng posisyon na Kasamang Mahistrado ay dapat punan sa loob ng siyamnapung araw simula sa pagsapit niyon. Ngunit, hindi dapat magkaroon ng pagpuno kung magdudulot ito ng paglabag sa mga limitasyon sa kapangyarihang magtalaga na nasa Pangunahing Batas na ito.

Pangunahing Batas ng Republika ng Mamamayang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon