Wakas I

205 14 0
                                    

Wakas I
Note: You can use #KPLPuwedeNa in posting/tweeting your reactions or thoughts so that I can see them as well.


"Para namang first time mong pumasok sa school," sita ng aking pinsang si Ricon na na sa aking tabi lamang.

Mas sumimangot pa ako dahil sa kanyang panunukso. Kasalukuyan kaming na sa loob ng kotse ng parents ni Ricon na sina tito Jerico at tita Ivy. Nagpresinta kasi si tito Jerico na ihatid kami ngayong unang araw ng pasukan dahil sabay din naman ang aming alis.

Kanina pa ako niyayaya ni Ricon na lumabas ng kotse upang hanapin ang mga kaibigan niyang dito rin nag-aaral. Kanina ko pa rin siya tinatanggihan dahil wala ako sa mood para makipagkilala. Ang pangit lang ng gising ko tapos siya pa ang una kong nakita.

Hindi nakatulong ang pangungutya ni Ricon sa akin at kung wala lang talaga ang tatay niya rito, baka nasakal ko na siya sa yamot.

Tuwang tuwa si Ricon makitang iritado ako kaya muli siyang nang-asar, "Tao rin naman ang mga estudyante rito. Palakaibigan din sila at outgoing kaya chill."

"At dapat kitang paniwalaan?"

Pabiro niyang tinampal ang aking braso. "Malamang, ang tagal ko na ritong nag-aaral, kabisado ko na ang mga tao rito. Saka... sa magandang section ka naman napunta kaya ligtas ka."

"Bakit kasi hindi na lang ako nilagay sa section ninyo? Ang hirap kayang maging bago. Tititigan ako ng mga 'yan na parang iba akong specie," reklamo ko.

Sumali naman si tito Jerico sa usapan, "Kabado ka talaga, Zyair?"

Muling humalakhak si Ricon, napailing na lamang ako. Hindi naman ako gaanong kabado, sadyang hindi pa ako sanay sa lugar na 'to kaya hindi ko alam kung paano dapat makisalamuha.

"Huwag kang mag-alala, sigurado akong may magiging kaibigan ka agad. Marami ring magagandang dalaga riyan, oh! Baka may magustuhan ka pa," sinubukang pagaanin ni tito ang aking loob.

Bahagya na lamang akong ngumiti at hinayaan pa si tito magbigay ng personal tips niya kuno.

Hindi ko naman gustong magkaroon agad ng kaibigan o may mapormahang babae. Gusto ko lang na huwag nila akong tratuhing parang iba sa kanila.

Sa katotohanan ay ito ang unang pagkakataong nag-iba ako ng paaralan. Mula elementarya hanggang high school, pare-parehong mukha ang kasama ko. Nasanay ako roon na tipong hindi ko kailanman inisip na umalis bago mag-kolehiyo.

Marami akong kaibigan sa dati kong eskwelahan at hindi naman sa pagdadala ng sariling bangko pero medyo kilala rin ako roon dahil sa dami ng mga sinalihan kong contests. Karamihan sa mga patimpalak na iyon ay may kinalaman sa talumpati at literatura.

Naumay na ako sa mukha ni Ricon na ngayo'y nakangisi habang nagtitipa sa kanyang cellphone. Bahagya akong gumalaw upang magpalit ng pwesto at walang buhay na lumingon sa kaliwang bintana.

School supplies shop, computer shop na may printing service at hile-hilerang tindahan ang mga pangunahing tanawin sa tawid ng paaralan.

Sa banda ring ito ang napansin kong madalas na hintayan at tambayan ng mga papasok pa lamang na mag-aaral.

Tinted lamang ang sasakyan at hindi sound proof kung kaya't paminsan-minsa'y naririnig ko ang mga hiyawan ng mga tao sa labas.

Normal lang naman ang ganito para sa akin dahil laking public student din naman ako... ngunit nabigla ako nang may isang babaeng lumapit sa mismong bintana ng aming sasakyan.

Inakala ko pang baka kaibigan ni Ricon at siya ang hanap, aalugin ko na sana si Ricon upang ipabatid ang presensya ng babaeng na sa labas nang bigla siyang may hinalungkat sa loob ng kanyang gray na bag.

Kung Puwede LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon