LARGABISTA: CHAPTER 16

57 6 0
                                    

ANG PAGYAKAP SA DILIM

Sukbit ng pag-aalinlangan at kaba ang kalooban ni Pandora, habang tinatahak ang daan patungong Lumina. Batid na niyang si Merluza ay isang sugo ng dilim, ngunit mas nanaig ang simpatiya niya sa matandang hukluban, at binigyan niya ng pagkakataon ang sarili na ito'y lubos na makilala at maging isang kaibigan.

Nais ni Pandora na malaman ang tungkol sa karunungang itim na ipinagbabawal ng kanyang mga kalahing Mang-agas.

Hindi na namamalayan na unti-unti na siyang nahuhulog at natatanggap ang pagbabago sa kanyang mga paniniwala. Gusto niyang patunayan sa kanyang sarili na magiging isa siyang makapangyarihang Nilalang, at ninais niyang mahigitan ang abilidad na taglay ng kanyang nakatatandang kapatid na si Elizabeth na kanyang kinaiimbutan.

At higit sa lahat, nais niyang magkaroon din ng kakaibang abilidad, katulad ng kanyang dalawang matalik na kaibigan na may taglay na Mahika.

"Handa na ako, Merluza, sa iyong ipinag-uutos, para sa aking mga pangarap, para sa aking inaasam na kapangyarihan!" kanyang nasambit, bago tinahak ang tinubuang lugar na Lumina.

Lumipas ang isang araw, buo na ang pasya ni Pandora na tugunan ang kahilingan ni Merluza.

Isang gabi, sa kalaliman nang pagtulog ng kanyang mga kalahing Mang-agas, isinakatuparan ni Pandora ang nakababahalang desisyon, at walang pag-aalinlangan niyang dinukot sa isang kuna mula sa isang dampa ang isang buwan pa lamang na sanggol sa kanilang lugar.

Ibinalot niya ng lampin, at ikinulong sa kanyang kaliwang bisig, habang isang lampara naman ang nagsisilbing liwanag sa kanyang dinaraanan--ang tangan ng kaliwang kamay.

Mabilis ang kanyang mga hakbang na tinahak ang kalaliman ng gabi, at tinungo ang masukal na kagubatan.

Sa pagsapit niya sa pusod ng kagubatan...

"Merluza! Merluza..." malakas niyang tinig.

Nagulat pa si Pandora nang biglang sumulpot sa kanyang likuran ang kaibigang matandang hukluban.

"Pandora!" mababakas ang kakaibang kislap sa kanyang mga mata.

"Merluza, ginulat mo naman ako!"

"Alam kong darating ka kaibigan, nagagalak ako na tinupad mo ang iyong pangako."

"Merluza, ito na ang sanggol na iyong hinihiling. Kunin mo na, at kinakailangan ko nang makabalik upang hindi nila ako paghinalaan!" Kinakabahan, at nanginginig pa ang mga palad ni Pandora na ibinigay ang tangan na sanggol sa matandang hukluban na labis-labis ang kaligayahang nadarama.

Agad itong kinuha ni Merluza, at ikinulong sa kanyang mga bisig ang kaawa-awang sanggol na isasakripisyo, kapalit sa inaasam na manumbalik ang taglay noong karikitan.

Hindi maalis ang mga mata sa tangan na sanggol, labis-labis ang  pananabik ni Merluza.

"Paano, Merluza! Ako'y aalis na, babalik na lang ako sa susunod na mga araw."

"Maraming salamat, Pandora, makakaasa ka sa aking mga pangako sa iyo."

Nagmamadali nang tinahak ni Pandora ang daan pabalik sa Lumina, habang si Merluza ay hindi magkandaugaga upang tunguhin ang matarik na daan sa itaas na bahagi ng kagubatan--ang dambana ng mga sugo ng dilim.

Kinabukasan, sa pagmulat ng mga mata ni Pandora sa kanilang munting silid, naulinigan niya ang kanyang mga magulang, at nakatatandang kapatid....nababahala sa kanilang pinag-uusapan.

Tungkol ito sa nawawalang sanggol sa kanilang lugar na hindi pa tukoy kung sino ang may kakagagawan sa pagkawala nito.

Halos panawan ng bait ang kahabag-habag na Ina ng sanggol, na hindi na alam ang susunod na hakbang kung saan niya hahanapin ang kanyang anak.

LARGABISTA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon