ISAGANI ROMANO
Maayos kaming nakabalik ni Gabriel sa Isla Puting Buhangin. Mainit kaming sinalubong nina Soledad at Jacinto.
"Kuya Isagani, Kuya Gabriel!" Patakbong niyakap ako ni Jacinto. Ramdam na ramdam ko ang init ng pananabik na iyon.
"Soledad!" Mahigpit kong niyakap ang nag-iisa kong kapatid na babae na patuloy ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mga mata.
Mga luha ng kaligayahan sa muli naming pagkikita.
Walang pagsidlang kaligayahan ang aking nadama sa mga oras na iyon. Walang mga salitang maapuhap upang ilarawan ang pagmamahalan na nagbibigkis sa aming magkakapatid.
Inalalayan ko ang bawat isa, at ibinahagi ang katotohanang hindi na namin makakapiling si Ama.
Kinabukasan, tinungo namin ang sagradong himlayan ng Isla. Hinanap namin ang puntod ni Ama. Bago ang pamamaalam noon ni Ginoong Gonzalo, ipinagtapat nito kay Ginoong James kung saan niya inihimlay ang mga labi ng aming Amang si Delfin; ito'y aming nahanap. Inalayan namin ng taimtim na panalangin si Ama.
Mahirap mang tanggapin ang katotohanan noon, kinakailangan kong magpakatatag alang-alang sa aking mga nakababatang kapatid. Isinapuso ang bawat katagang sinambitla nina Ama at Ina: mga pangaral na naikintal sa aking isipan.
Lumipas ang tatlong araw buhat nang makabalik kami ni Gabriel sa tinubuang Isla. Hindi ako makapaniwala sa naging kaganapan nang araw na iyon.
"Kuya Isagani! Kuya Isagani!" Humahangos si Gabriel na tinungo ang aking kinalalagyan sa likod ng aming bahay.
'G-gabriel..." may halong pag-aala kong nasambit.
"May paparating na mga sasakyang bangka patungo rito sa Isla!"
"Sigurado ka ba, Gabriel?"
"Oo, Kuya Isagani!"
"Talaga, Gabriel!"
"Halika na, Kuya Isagani! Salubungin natin ang mga panauhin!"
Dali-dali naming tinungo ni Gabriel ang dalampasigan. Naroon na sina Soledad at Jacinto. Abot ng aming tanaw ang tatlong bangkang patuloy na naglalayag sa hindi kalayuan.
Kami'y labis na nasopresa nang masilayan namin ang isang mahalagang tao sa aming buhay---ang aming Inang si Lucilla na lulan sa isa sa mga bangka.
Wala na kaming inaksayang sandali. Nagdiriwang ang aming mga puso sa sobrang galak. Nakasumpong kami ng isang matibay na pag-asa.
"Isagani, Gabriel, Soledad, Jacinto...mga Anak ko!" pananabik na iwinika ni Ina, at mahigpit niya kaming ikinulong sa kanyang mga bisig.
Isinalaysay ni Ina ang buong nangyari nang gabing dinukot siya at kinaladkad ng Halimaw.
"Tinulungan ako ni Mang Simon noon upang makaalpas sa mga kamay ng Halimaw. Hinampas ni Mang Simon ng matigas na bagay ang likuran ng Nilalang nang paulit-ulit, kung kaya't ako'y nakatakas. Lakas loob kong sinuong ang malawak na karagatan at lumangoy sa kailaliman nito. Hanggang sa hindi ko na kinaya ang mga hampas ng alon at tuluyan na akong nawalan ng malay!" paglalarawang isinatinig ni Ina sa bangungot ng kahapon.
"Halos panawan na ako buhay nang masagip ako ng isang matandang mangingisda. Dinala ako nito sa pampang ng Sitio Plaridel. Bahagyang napinsala ang aking ulo nang humampas ito sa matigas na bagay, kaya't pansamantalang nabura ang aking alaala!" patuloy na isinalaysay ang naging kaganapan.
"Inalagaan ako at ginamot ng mga mabubuting tao na tumulong sa akin. At nang manumbalik ang aking lakas, unti-unting bumalik ang aking alaala. Isinalaysay ko sa kanila ang naging bangungot na ating naranasan dito sa Isla Puting Buhangin."
BINABASA MO ANG
LARGABISTA
Mystery / Thriller💀LARGABISTA Largabistang nagmula sa nakaraan, nagpasalin-salin sa mga nakalipas na henerasyon at pilit na tumawid sa modernong panahon. Nagbukas ang isang lagusan nang sinilip ng magkapatid na sina Isagani at Gabriel, na nagmula sa panahong 1897...